MGA MANHID
Alexander Martin Remollino
Habang binabagtas ng sinakyan kong dyip kanina
ang isang lansangan sa Quezon City,
tinawag ang aking pansin
ng isang higanteng karatulang may nakangiting mukha ni GMA
na nagsasabing,
"Ramdam ang kaunlaran."
Siguro,
ramdam na ramdam nga ang kaunlaran
kaya kailangang ipagsigawang nararamdaman ito –-
parang sinasabing mga manhid tayo
kaya hindi natin nararamdaman.
Pero sino ba ang talagang mga manhid?
Ano ang pagiging manhid?
Ang pagiging manhid
ay ang pagsasabing "ramdam ang kaunlaran"
kahit na pinagtitiyagaang pilahan ng mga tao
ang kakapurit na murang bigas na mabuhangin at mabato
habang kayraming palayan sa Pilipinas
na nagiging mga golf course o taniman ng export crops.
Ang pagiging manhid
ay ang pagsasabing "ramdam ang kaunlaran"
kahit na nag-uunahan patungong kalawakan
ang mga presyo ng inangkat na produktong petrolyo
habang mga korporasyong dayuhan ang nagpapasasa sa Malampaya't Sulu.
Ang pagiging manhid
ay ang pagsasabing "ramdam ang kaunlaran"
kahit na nagtitiis na kumain ng darak ang karamihan
habang dalawa sa malalaking negosyante ng Pilipinas
ang nasa talaan ng 500 pinakamayayaman sa buong mundo.
Silang nagsasabing "ramdam ang kaunlaran" –-
sila ang mga manhid:
mga may kalyo sa tiyan
mga may kalyo sa mata
mga may kalyo sa utak.
Sila ang mga manhid at hindi tayo.
1 comment:
i had related a lot..
i would be using the speech for my class..
Post a Comment