Sunog, Panloloob, at Iba Pa
Kahapo'y ibinalitang nasunog ang bahay nina Herbert Bautista. Pangalawang beses na silang nasusunugan ng bahay; una ay noong si Joseph Ejercito Estrada pa ang Pangulo ng Pilipinas.
Ngunit ang higit na nagpapaiba sa sunog na naganap kamakailan sa kanilang bahay ay halos kasabay ito ng kung pang-ilan nang panloloob sa bahay nina Sonny Parsons.
At ang kakaiba sa mga nanloloob sa bahay nina Sonny Parsons ay ang tila walang hanggang tapang ng apog ng mga ito. Kataka-takang ang lalakas ng loob ng mga ito na muli pang manloob nang kung makailan pagkaraang mapatay ang ilan nilang kasamahan.
Kung titingnan nang magkakasama ang mga insidenteng ito, at mapansin nating halos ay kasabay din ang mga ito ng pagkakapagpahayag ng ating napakagiting na Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng pagtatatag ng isang "malakas na republika", na sinundan ng pagbasura sa patakarang maximum tolerance at paglutang na muli ng panukalang magpakalat ng mga sekreta upang diumano'y higit na madaling mahuli ang mga "kriminal", parang kayhirap na iwasang isiping labis na ang pagbibiro ng pagkakataon.
Kung iisipin nga namang halos ay sunud-sunod ang panloloob sa bahay nina Sonny Parsons at makalawa nang nasusunugan sina Herbert Bautista, madali tayong maliligaw--kung hindi tayo magiging kritikal sa pagtingin--sa paniniwalang desperado na ang kalagayan ng ating bayan, sapagkat maging ang mga kilalang taong tulad nila'y hindi na pinagpipitaganan, at samakatwid ay kailangan na ang matitinding hakbang, at samakatwid ay tama ang pagbasura sa maximum tolerance at pagpapakalat ng sekreta at dapat pang dagdagan ang mga hakbang na ito upang ganap na maging "malakas" ang ating republika.
Hindi namin sinasabing may alam sina Sonny Parsons at Herbert Bautista sa mga pangyayaring ito. Sa kasaysayan nila'y makikitang hindi utak-ahas ang mga ito na makikisakay sa kung anu-anong kabulastugan upang lumikha ng mga huwad na senaryong makapagbibigay-"katwiran" sa kung anong panukala. Datapwat maaaring may tumatarantado sa kanila, ginagawa silang halimbawa upang iligaw tayo tungo sa paranoyang magtutulak sa atin upang tanggapin ang matitinding hakbang. Hindi ba't may ID na galing sa militar ang pinakahuling nanloob sa bahay nina Sonny Parsons?
Kung babasahin natin ang kasaysayan, makikita nating ang paglikha ng huwad na mga senaryo ay naging kaparaanan upang papaniwalain ang mga taumbayan na ang mga partikular na ipinapanukala noon ay nararapat.
Ilang buwan bago ipahayag ang batas militar, tinambangan ang noo'y Kalihim ng Tanggulang Pambansa, si Juan Ponce Enrile. Pinagbabaril ang sinasakyan niyang awto. Namatay ang lahat niyang kasama sa sasakyan--ang tsuper at ang mga badigard--subalit siya'y nakaligtas nang walang anumang tama ng punlo. Paano mangyayari ito kung hindi niya alam na noong sandaling iyon ay may mamamaril sa kanya at hindi niya naihanda ang pagpusisyon sa paraang walang tatamang punlo sa kanya?
Ilang taon pagkaraan, parang tupang aamin si Enrile na ang pananambang na iyon ay palabas lamang upang papaniwalain ang mga taong kailangan na noon ang paggamit ng kamay na bakal.
Panahon din iyong binomba ang miting de abanse ng noo'y oposisyong Liberal Party sa Plaza Miranda. Ang naturang pambobomba'y halos kasabay din ng ilang serye ng pambobomba sa iba pang bahagi ng Kamaynilaan.
Di nagtagal, noong Setyembre 21, 1972, ipinahayag ng noo'y Pangulong Ferdinand Edralin Marcos ang pagpapatupad ng batas militar. Noon nagsimula ang walang kapantay na paglabag sa karapatang pantao.
Huwag nating hayaang iligaw tayo pabalik sa madilim na panahon ng batas militar.
No comments:
Post a Comment