Lumad
Ang mga katutubo sa ating bansa ay kilala rin sa bansag na lumad.
Sa kung anong pakana ng tadhana, dalawang magkasunod na gabi kong napanood ang isang lumang pelikula nina Cesar Montano at Sharon Cuneta, ang Wala Nang Iibigin Pang Iba. Una'y nitong Oktubre 8, nang ako'y maglipat-lipat ng istasyon ng telebisyon, at ikalawa'y kahapon, nang ako'y sakay ng isang bus pauwi mula sa Kamaynilaan.
May isang tagpo sa nasabing pelikula kung saan ang mga tauhang ginampanan nina Cesar Montano at Sharon Cuneta ay naligaw sa isang kanlungan ng mga katutubo. Ang pinuno ng mga ito'y ayaw na pumayag na sila'y umalis mula roon nang magkasama, pagkat ayon sa batas ng tribo nila'y mga mag-asawa lamang ang maaaring lumisan mula roon nang magkasama, at kung ibig ng lalaking makasama ang babae'y kakailanganin niya itong ipaglaban--sa pamamagitan ng pakikipagsuntukan sa pinakamalakas na lalaki sa tribo.
Di man sinasadya ng mga lumikha ng naturang pelikula, inilalarawan doon ang mga katutubo bilang mga taong walang sibilisasyon. Pahiwatig ito ng palasak na pagpapalagay sa ating mga kapatid na lumad.
Ano ba ang sibilisasyon? Ito'y ang pamumuhay nang naaayon sa katwiran.
Minsa'y nakisalamuha nang ilang araw ang peryodistang si Cheche Lazaro sa tribong Tau't Bato ng Palawan. Nang kailanganin niyang akyatin ang isang bahagi ng isang yungib ay nagpapatulong sana siya sa mga lalaking naroon. Subalit ayaw siyang tulungan ng mga ito--na nagkataong pawang may mga asawa na pala--sapagkat ayon sa batas ng kanilang tribo, ang mga kamay lamang ng kanilang mga asawa ang maaari nilang hawakan.
Labis na kung labis ang kaugaliang ito. Ngunit maliwanag nitong ipinakikita ang napakataas na pagpapahalaga ng mga Tau't Bato sa paggalang sa kanilang mga asawa. Kaiba sa mga lalaking Tau't Bato ang napakarami sa ating nagmamalaking mga Kristiyano diumano datapwat kung ituring ang mga asawa nila'y parausan kundi man mga palahian lamang.
Sa mga tribo sa Cordillera, komunal ang paggamit ng lupa. Ari ng buong pamayanan ang lupa at sinuma'y malayang magsaka ng makakaya niyang sakahin. Kaiba ang palakad na ito sa naghaharing palakad sa labas ng kanilang mga tribo, na kinatatampukan ng pang-aagaw ng lupa ng may lupa.
Bukod pa sa halimbawang ito, lahat ng tribong lumad sa ating bansa ay nakilala dahil sa magiting na pakikipaglaban upang mapapanatili ang karapatang magpasya sa sarili. Kaibang-kaiba sila sa marami sa ating nangasa mga kalunsuran at kabayanan, na walang pagpapahalaga sa ating kalayaan at kung tumanggap sa pananakop ng dayuhan ay bukas-palad na'y bukas-hita pa.
Sa susunod na makakita tayo ng mga taong nakabahag at may dalang mga pana, huwag tayong agad-agarang magpalagay na higit tayong sibilisado sa kanila. Baka magulat na lang tayo.
No comments:
Post a Comment