Patak ng Unos
Isang gabi iyong hindi gayon kadaling lalamunin ng halimaw ng paglimot. Gabi iyong nagtipun-tipon ang may mahigit sa tatlumpung kasapi ng No to War, Yes to Peace Coalition sa harap ng Embahada ng Estados Unidos.
Ang No to War, Yes to Peace Coalition ay binubuo ng iba't ibang tao mula sa iba't ibang sektor ng lipunan at blokeng pampulitika na pinapagbuklod-buklod ng mga lagda nila sa isang pahayag na umikot sa Internet kamakailan, isang pahayag na nananawagan ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front. Mula roo'y madaling lumalim ang panawagan ng naturang pangkat at napadako sa pananawagan ng makatarungang kapayapaan sa lahat ng dako ng daigdig.
Kagabi nga, tangan ang mga puting kandila, ilang plakard, at isang istrimer, nagtipun-tipon ang ilan sa mga kasapi ng pangkat sa harap ng Embahada ng Estados Unidos upang tutulan ang napipintong pakikidigma ng Estados Unidos sa Iraq. Nanghawak ang koalisyon sa panawagang di makatarungan at iligal ang napipintong pakikidigmang ito, sapagkat bukod sa walang basbas ng anumang resolusyon mula sa Konsehong Panseguridad ng Nangagkakaisang Bansa'y pinangungunahan ng isang bansang walang moral na karapatang ipilit ang pagsunod ng alinmang kapwa nito bansa sa pandaigdigang batas sapagkat siya ma'y kayrami nang nilabag na patakaran ng Nangagkakaisang Bansa. Kasabay nito'y ang pagdiriin sa kahingiang pairalin sa lahat ng dako ng daigdig ang makatarungang kapayapaan.
Sapagkat ang nagsidalo'y mula sa iba't ibang blokeng pampulitika, may iba kaipalang nakaramdam ng sandaling pagkailang. Ngunit nang gabing iyo'y hindi naging mahalaga ang kung saan nanggaling ang sino; nagbuklod-buklod sila nang di nagtatanungan kung alin-aling organisasyon ang kanilang kinabibilangan. Ang naging mahalaga nang gabing iyo'y ang paninindigang ang ating bayan ay di dapat na masangkot sa digmaang di makatarungan at iligal.
Kaunti lang ang nakadalo--wala pang apatnapu. Madalian kasi ang naging mga paghahanda bago ang pagkilos; araw lang ang binilang.
Datapwat ang anumang kakulangan nang gabing iyon sa bilang ay mahusay na napunan ng makapangyarihang panawagan. Walang tangan liban sa mga kandila at plakard at isang istrimer, ang wala pang apatnapung taong nagpiket sa harap ng Embahada ng Estados Unidos ay nilingon ng bawat magdaan.
Maliit nga lang ang naging pagkilos nang gabing iyon. Ngunit ang munti mang patak ng asido'y bumubutas sa tabing ng kawalang-bahala. Wala ring unos na di sa patak nagsimula.
No comments:
Post a Comment