Monday, February 03, 2003

Katatawanan

Nitong nagdaang Enero 31, matapos na lumahok sa isang malaking demonstrasyon ng iba't ibang organisasyon at pananampalataya laban sa napipintong pagdigma ng Estados Unidos sa Iraq, pinalad akong mapanood sa telebisyon ng nasakyan kong bus ang isang bahagi ng isang tanyag na sitcom kung saan makikita ang mga katawa-tawang bersiyon ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ng Pangalawang Pangulong Teofisto Guingona, Jr., at ng mga opisyal ng Gabinete.

Sa pagsisimula ng tagpong iyo'y nagpupulong ang "Pangulo" at ang "Gabinete". Maya-maya'y sapapasok ang "Pangalawang Pangulong Guingona", na ang paglakad ay pahintu-hinto at nanlilisik ang mata at nakausli ang nguso. Patuloy na manlilisik ang kanyang mata at higit pang uusli ang kanyang nguso habang pahintu-hinto siyang nagtatalumpating wari'y pagalit. Halata ang kaibhan ng kanyang gawi sa maayos na kilos at pananalita ng "Pangulo" at ng mga "opisyal ng Gabinete".

Sa kanyang paligid, nagtatawanan ang "Pangulo" at ang mga "opisyal ng Gabinete".

Makaraan ang ilang araw, napag-alaman ko sa isang kamanunulat na sa isa pang tanyag ding sitcom ay higit ang paggawang katawa-tawa kay Guingona. "Mas kawawa ang 'itsura ni Guingona do'n," wika ng aking kamanunulat.

Sa lahat ng napanood kong katatawanan mula nang isilang ang bagong milenyo, ito ang pinakanakatatawa. Nakatatawa ito kung paanong ang tae ng kalabaw ay mabango at ang inuuod na karne ng baboy ay mabango.

Sino ba itong taong idinamay nila sa kanilang mga katatawanan?

Si Teofisto Guingona, Jr. ay naging aktibista alang-alang sa karapatang pantao noong panahon ng batas militar. Walang bayad siyang naglingkod bilang abugado sa mga biktima ng naging malawakang paglabag sa karapatang pantao. Bukod pa rito, lumahok siya sa mga demonstrasyon laban sa pasismo ng diktadurang Marcos--at kapalit nito'y makalawang nabilanggo at sa hindi mabilang na pagkakatao'y napalo ng truncheon at nakatikim ng tubig mula sa water cannon.

Maliwanag din ang kasaysayan ni Guingona ng pagsusulong ng nasyunalismo.

Noong panahon ng pagka-Pangulo ni Corazon Cojuangco-Aquino, isa si Guingona sa labindalawa sa dalawampu't tatlong Senador na tumutol sa pananatili ng mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas. Noong panahon ng pagka-Pangulo ni Joseph Ejercito Estrada, isa siya sa lima sa dalawampu't apat na Senador na hindi lumagda sa Visiting Forces Agreement, na nagpapahintulot sa pagpapapasok sa mga puwersang militar ng Estados Unidos sa Pilipinas ukol sa mga "ehersisyong militar", bukod pa sa pagbibigay sa mga ito ng mga "karapatang" ekstrateritoryal at ekstrahudisyal. Nitong panahon ng pagka-Pangulo ni Gloria Macapagal-Arroyo, isa siya sa pinakamalalakas na tinig na tumututol sa Mutual Logistics Support Agreement, na naglalayong itali ang pamahalaan ng Pilipinas sa pagbibigay ng lohistikong tulong sa mga sundalong Amerikanong papasok dito. Sa lahat nito, katwiran niya'y malayang bansa ang Pilipinas kaya't hindi dapat na mapabilang sa sistemang pantanggulan ng Estados Unidos at maramay sa mga digmaang hindi nito digmaan.

Sinimulan na rin ni Guingona ang pagtutol sa globalisasyon, at siya'y nagsusulong ng programang pang-ekonomiyang mangangalaga sa kapakanan ng Pilipinas at hindi sa mga interes ng mga korporasyong transnasyunal.

Si Guingona ay isa rin sa iilang opisyal na walang bahid ng anumang katiwalian ang pangalan.

Iyan si Teofisto Gungona, Jr., ang taong kanilang ginagawang katawa-tawa. Ang ating Inang Baya'y matagal nang naghihintay ng susunod sa mga yapak nina Claro Mayo Recto, Lorenzo TaƱada, at Jose Wright Diokno--at ngayo'y narito si Teofisto Guingona, Jr.--na sa ating kasaysayan ay siyang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan na tumutol sa pakikialam ng Estados Unidos at pinakamataas na opisyal ng pamahalaan na walang bahid ng katiwalian ang pangalan.

At siya'y ginagawang katawa-tawa ng ilang walang kapantay na mga henyo.

Ipagpatuloy ninyo ang inyong ginagawa, at kayo na rin ang pumatay sa karapatan ninyong magtanong kung bakit kadalasa'y kawatan ang namumuno sa ating bayan. Itinuturo ninyo sa mga taong ang maging matino at magaling na opisyal ng pamahalaan ay isang katatawanan.

No comments:

Post a Comment