Friday, April 04, 2003

Tanging Paraan?

Habang sinusulat ito, ang tanong sa viewer poll ng Debate ay kung ang paghuhubad na lamang ba ang tanging paraan upang sumikat ang isang artista.

Ito’y hindi nalalayo sa tanong na kung ang tinatawag na bold trend na lamang ba ang makapagsasalba sa industriya ng pelikula sa Pilipinas. Marami ang nagtatanong nang ganito sapagkat nitong nakaraang taon, ang nakagawa ng pinakamaraming pelikula ay ang mga sexy star na tulad nina Aleck Bovick, Maui Taylor, at iba pa. Bukod pa rito’y marami kabataang babaeng dating nagsabing hindi sila maghuhubad sa pelikula kailanman ang walang pangiming nagtatanggal na ngayon ng saplot sa harap ng lente.

Kung ang tatanungin ay ang direktor na si Celso Ad. Castillo, walang hinalang itong bold trend na nga lamang ang tanging dugong nagpapapanatili sa buhay ng ating industriya ng pelikula. Sinabi niya ito sa isang pakikipagpanayam sa Pinoy Weekly kamakailan.

Winika rin ni Castillo na, “Mayroong panawagan para sa mga matataas na kalidad ng pelikula ngunit hindi kaya ng mga tao sa industriya na tugunan ang ganitong demand.”

Kung susuriing mabuti ang mga naging pahayag ni Castillo, hindi masisisi ang sinumang mag-aakalang siya’y lasing nang kapanayamin siya, o kaya nama’y inakala niyang pawang mga hangal ang babasa ng artikulong ibinatay sa pakikipagpanayam sa kanya kung kaya’t uubra na ang kahit na anong pagsasabihin kahit na magmukha siyang higit na hangal sa pinakahangal na taong nabuhay sa kasaysayan ng daigdig.

Malaking salik ang manonood sa buhay ng industriya ng pelikula. Malaking bahagi ng ikinabubuhay nito ang nagmumula sa salaping inilalaan ng mga manonood sa hangaring makapanood ng pelikula. Samakatwid, ang makapagbabalik ng pinakamalaking salapi sa mga produser ng pelikula ay yaong mga pelikulang karaniwang tinatangkilik ng pinakamaraming manonood.

Kung sinasabi ni Castillo na ang bold trend na lamang ang tanging makapagsasalba sa industriya ng pelikula sa Pilipinas, sinasabi niyang ang nais lamang na tunghayan ng mga manonood ay yaong mga pelikulang pangunahing tampok ang mga hubad na katawan.

Subalit sinasabi rin niyang may kahingian para sa mga pelikulang higit na mataas ang kalidad. Kung gayon ay siya na rin ang nagpapabulaan sa pahayag niyang ang bold trend lamang ang makapagsasalba sa industriya ng pelikula, sapagkat sinasabi rin niyang may iba pang nais na tunghayan ang mga manonood liban sa mga pelikulang bold.

Tungkol naman sa pahayag niyang hindi kaya ng mga nasa industriya ng pelikula natin na tugunan ang kahingian para sa mga pelikulang may higit na mataas na uri, magkakaproblema na naman tayo riyan. Dalawang pelikula ang mababanggit natin bilang halimbawa.

Una’y ang Rizal sa Dapitan na idinirihe ni Tikoy Aguiluz at pinagbidahan nina Albert Martinez at Amanda Page. Isang sulyap lamang sa pelikula at mahahalatang may kababaan ang inilaan ditong badyet; wala ito niyaong tinatawag na mga special effect at madilim-dilim pa ito. Datapwat mahusay ang daloy ng istorya; detalyado nitong nailahad ang naging pamumuhay ni Rizal sa Dapitan. Naipakita ng mga diyalogo at eksena ang isang bahagi ng katauhan ni Rizal na hindi gaanong natatalakay sa mga aklat ng kasaysayan. Halata ring masusi ang pag-eensayo sa mga artista sapagkat kaantig-antig ang naging pagganap nila. Kung papagsasama-samahin ang lahat ng katangian ng pelikulang ito, di maikakailang higit itong mahusay kaysa sa ilang pelikulang gumamit pa ng mga special effect.

Nariyan din naman ang pelikulang Segurista, na idinirihe rin ni Tikoy Aguiluz at pinagbidahan naman nina Gary Estrada, Michelle Aldana, Ruby Moreno, at Albert Martinez. Tungkol ito sa isang ahente ng seguro na sinuong ang lahat—pati na ang kapahamakan—upang maiahon sa hirap ang asawa’t anak na sinalanta ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo. May hubaran sa naturang pelikula, ngunit hindi lamang ang mga kutis nina Michelle Aldana at Ruby Moreno ang laman ng pelikula sapagkat nakapaloob ang hubaran sa konteksto ng istorya. Mahusay sapagkat malinaw na nakapagpapahayag ng katotohanan ang diyalogo rito, at hindi maaaring hindi ka magkaroon ng simpatiya sa bidang babaeng si Karen Almeda at sa kanyang asawa’t anak.

Maikakatwiran marahil ni Castillo na ang nagdirihe ng mga pelikulang ito ay si Tikoy Aguiluz at kabilang sa mga sumulat ng istorya at iskrip ng mga ito si Jose Lacaba.

Datapwat ilan lamang sa mga halimbawa ang mga ito. Kung si Castillo ay nakapaglaan na ng kahit na kapirasong oras sa panonood ng maiikling pelikulang naitanghal na sa UNTV, malalaman niyang maraming hindi kilalang alagad ng sining ng pelikula riyang may mataas na talento ngunit hindi pa nabibigyan ng malaking break. Sa mga pelikulang hindi tumatagal nang kalahating oras ay naipakita ng mga kabataang filmmaker na ito sa mapanggising na kaparaanan ang mga katotohanan sa paligid: ang kahirapan ng karaniwang tao at ang kanyang kaapihan, at ang pangingibabaw ng kabaliwan at kahangalan sa katinuan at matalinong pag-iisip.

Maaaring karamihan sa mga nasa industriya ng pelikula sa ngayo’y hindi kayang tugunan ang kahingian para sa lalong mahuhusay na pelikula, ngunit marami riyang kabataang talentong hindi pa nahahatak ng industriya—kaipala’y dahil sa katamaran ng mga nagpapatakbo ritong labis nang nahirati sa pinakamadaling paraan ng pagkita. Ang kailanga’y hanapin ang mga ito at bigyan ng pagkakataong maiambag nang husto ang kanilang mga kakayahan.

Hindi lang sa walang saysay na hubaran mabubuhay ang industriya ng pelikula sa Pilipinas.

1 comment:

  1. Anonymous10:44 AM

    walang kwenta website mo!!!

    ReplyDelete