Friday, May 02, 2003

PAHABOL SA ARAW NG PAGGAWA

Bahagya akong nahuli ng pag-alis upang sumama sa mga manggagawa at iba pang pangkat na nagdiwang ng Araw ng Paggawa kahapon. Malayo sa Maynila ang pinanggalingan ko at ako'y nanood sandali ng mga balita sa telebisyon bago kumilos.

Agad ko palang pagsisisihan ang kagagawang ito.

Sa bahagi ng Unang Hirit kung saan binabasa nina Arnold Clavio, Lyn Ching, at Daniel Razon ang mga ulo ng bawat balita sa mga pahayagan upang komentaryuhan pagkatapos, walang patumangga nilang binatikos ang pahayag ni Jaime Kardinal Sin na bumabatikos sa pamahalaang Macapagal-Arroyo dahil sa labis nitong paglalaan ng salapi sa militar. Higit pang malaki ang pinakikinabangan ng militar, ayon sa Arsobispo, kaysa sa napapala ng mga manggagawa.

Mabilis ang naging pagsagot ni Bb. Ching sa pahayag ng Kardinal. Kailangan daw ng bansa ang militar upang protektahan ang mga mamamayang Pilipino laban sa saksakan ng daming kalaban mula sa loob. Ang Abu Sayyaf nga lang daw ay hindi mahuli-huli, paano pa raw ang ibang kalaban?

Motibo naman ang pinagtuunan ng mga sagot ng mga G. Clavio at Razon. Wari'y nagtataka si G. Clavio kung bakit ngayon lang nagpakita ng pagmamalasakit sa mga manggagawa ang Kardinal. Ginatungan naman ni G. Razon ang pahayag ni G. Clavio, at sinabi niyang baka ang Kardinal ay may bibitbiting "kandidato ng manggagawa" sa darating na eleksiyon.

Sa yugtong ito'y sumingit si Bb. Ching, at sinabi niyang paano na ang pagkakahiwalay ng simbahan at estado?

Kapansin-pansing hindi pinagtuunan ninuman sa tatlo ang pagkalehitimo ng usaping dinala ng pahayag ng Arsobispo ng Maynila. Oo nga't magandang itanong kung bakit ngayon lang nagdala ng ganitong usapin ang Arsobispo.

Manggagawa at Militar

Subalit hindi nila nabanggit na ang usaping ito'y matagal nang dinadala ng Kilusang Mayo Uno at ng iba pang progresibong grupong tulad ng Bagong Alyansang Makabayan at Bayan Muna. Ayon sa mga grupong nabanggit, nakasusulukasok ang pangyayaring nananagana sa limpak-limpak na salapi ang militar gayong ang mga serbisyong panlipunang maaaring diretsong pakinabangan ng mga manggagawa, tulad ng kalusugan at pabahay, pati na ang serbisyong mahalaga sa mga anak ng mga manggagawa--ang edukasyon--ay walang iniwan sa limos ang nakukuha, kaya't lagi't laging kulang ang sabihing ang buhay ng manggagawa sa Pilipinas ay masahol pa sa buhay-aso.

Maaari ngang ikatwiran--tulad ng ikinatwiran ni Bb. Ching--na kailangan natin ang militar upang tayo'y ipagsanggalang sa mga kalaban ng bansa.

Subalit sino ba ang mga itinuturing na kalaban ng bansa?

Ang Abu Sayyaf?

Subalit nang ipag-utos ng Pangulong Macapagal-Arroyo ang pagsagip kay Jeffrey Schilling, ipinakita ng militar na sapat na ang kanilang badyet upang pulbusin ang mga bandido. Halos maubos ang mga tauhan nina Khadaffy Janjalani, kaya't nakapagtatakang makaraan ang ilang buwan, biglang lumakas ang mga ito at nakabihag ng ilang turista sa Palawan at hindi na mahuli-huli ng militar.

Paano nangyari ang ganito? Sa isang komentaryong sinulat sa Philippine Daily Inquirer ni Howie Severino--na nakasaksi sa pakikipagsagupaan ng militar sa Lamitan, Basilan--noong 2002, sinabi niyang nang mapalibutan ng mga sundalo sina Abu Sabaya, bigla silang inutusang dumalo sa isang "briefing". Nakawala ang mga bandido tangay ang ilan sa kanilang mga bihag. Di magtatagal, isa sa mga bihag nila, si Reghis Romero, ang magsasabing talagang may sabwatan ang militar at ang kanilang mga mambibihag, at kaya raw siya "nakatakas" ay dahil sa kanyang pagbabayad ng ransom (mayamang negosyante ito), at ang kanyang pagtakbong ipinakita sa telebisyon habang nag-aapoy ang sagupaan sa Lamitan ay isang palabas lamang.

Maliwanag na kaiba sa pagbibigay ng malaking badyet sa militar, ang nararapat ay pagsisibakin ang lahat nitong opisyal na may kasaysayan ng pakikipagsabwatan sa Abu Sayyaf at pagpapalitan ng mga pinunong tiyak na walang bahid ng katiwalian.

O baka naman ang New People's Army at ang Moro Islamic Liberation Front?

Subalit ang mga pangkat na ito'y nabubuhay sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga mamamayang karaniwan, at nakakukuha sila ng pagtangkilik ng mga ito sapagkat kinakikitaan sila ng katugunan sa mga suliraning kagagawan ng mapaniil na pamahalaan at sistemang panlipunan.

Hindi lang ang mga rebelde at ang kanilang mga kapanalig ang nagsasabing mapaniil ang pamahalaan at ang sistemang panlipunan sa ating bansa. Ang mga tulad nina Senadora Loren Legarda-Leviste, na hindi naman komunista o Islamikong separatista at hindi rin sang-ayon sa armadong pakikibaka--at ni hindi makakaliwa--ay kumikilala sa pagkalehitimo ng mga ipinaglalaban ng mga armadong grupong rebelde sa ating bansa--samakatwid ay nakikilala maging ng isang tulad niyang may dapat na ayusin sa ating pamahalaan at sistemang panlipunan.

Nakikita ng marami sa mga karaniwang mamamayan ang pagiging mapaniil ng pamahalaan, at ipinakikita rin naman ng kanilang mga karanasang halos wala silang maaasahan sa mga namumuno, kaya't hindi sila masisisi kung sila'y sa mga grupong rebelde maghanap ng pag-asa.

Matagal na rin namang ginagamit ang solusyong militar sa insurhensiya sa Pilipinas. Ngunit hindi natitinag ang armadong rebelyon, at sa katunayan, batay sa kasaysayan, sibilyan ang higit na tinatamaan ng mga pananalakay ng militar. Ikinuwento nga ni Rina Jimenez-David sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer ang sinabi sa kanya ng ilang babaeng tagabaryo sa Mindanao na hindi nila itinuturing na kalaban ang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front sapagkat payapang makitungo sa kanila ang mga ito, di tulad ng militar na walang pakundangan sa karapatang pantao. Katulad din naman nito ang kuwento sa akin ng ilang nakatatandang kaibigang malimit makakita ng mga kasapi ng New People's Army sa kanilang mga baryo sa kani-kanilang mga lalawigan.

Ang North Cotabato at ang Mindoro Oriental ay malilinaw na larawan ng karahasan ng militar sa mga sibilyan. Kung hindi mapuputol ang prosesong ito ng karahasan, hindi matatapos ang mga insurhensiya sa ating bayan sapagkat lalo't lalong makakikita ng kadahilanan ang karaniwang mga mamamayan upang tangkilikin ang mga rebelde.

Maliwanag sa karanasang hindi kailangang tiisin ng bayan ang pagbibigay ng napakalaking badyet sa militar kasakdalang magbuhay-daga ang mga manggagawang haligi ng ating ekonomiya.

Simbahan at Pamahalaan

Tungkol naman sa pagkakahiwalay ng simbahan at pamahalaan, wala sa lugar ang komento ni Bb. Ching.

Ang usapin ng mga manggagawa ay usapin ng bayan; lumalampas sa mga hanggahan ng mga relihiyon ang mga manggagawa sapagkat sila'y mga Katoliko, Protestante, Saksi ni Jehovah, mga kasapi ng Iglesia ni Kristo, Muslim, at iba pa. Nang magbigay ng pahayag ang Kardinal, dala niya ang karaingan ng lahat ng manggagawa--maging yaong mga manggagawang hindi Katoliko. Wala siyang sinabing tungkol lamang sa mga Katolikong manggagawa ang kanyang pahayag.

Ang paglabag sa pagkakahiwalay ng simbahan at estado, na nasa Saligang Batas at kung hindi man nailagay roon ay nararapat sa lahat ng bansa sapagkat ang bawat tao'y may karapatang sambahin ang Diyos sa paraang minamarapat ng budhi niya at hindi lumalabag sa alinmang karapatan ng kanyang mga kapwa, ay nagaganap lamang kung ang isang grupong relihiyoso ay nagpipilit sa pamahalaan at sa buong bayan ng isang interes na partikular lamang sa sarili nito. Hindi bawal na magsalita ang simbahan tungkol sa mga usaping sumasaklaw sa kapakanan ng pangkalahatang populasyon.

Bukod pa rito, maaari ring itanong kay Bb. Ching kung bakit ngayon lamang niya binanggit ang tungkol sa pagkakahiwalay ng simbahan at estado. Noong malakas ang panawagang patalsikin ang dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at maging sila nina G. Clavio, na ilang taong pinakain ng ideyang iisa ang obhetibidad at niyutralidad sa kani-kanilang malalaking pamantasang pinasukan, ay hindi nangingiming maghayag ng pananaw na dapat ngang mapatalsik si Estrada--na dala noon ng iba't ibang simbahan--ay hindi binanggit ninuman sa kanila ang tungkol sa pagkakahiwalay ng simbahan at estado.

Naaalaala ko ngayon ang minsa'y tinuran ng kasamahan sa trabahong si Caloy Conde na ang kalakhan ng mainstream media, kadalasan, ay antagonistiko sa mga militanteng pangkat, ngunit dumirikit sa mga ito sa mga panahong tiyak ang lakas ng kanilang panawagan. Ang mga tulad nina Jay Taruc, Joseph Morong, Sandra Aguinaldo, at Kara David ay naiiba sa kalakhan ng mainstream media. Ito kaya'y sapagkat nakaaapekto sa mga rating ng kani-kanilang mga istasyon at benta ng kani-kanilang mga pahayagan ang kung ano ang kanilang pagtugon sa matitibay na panawagan?

Paglalagom

Sa kabuuan, marami ngang iniiwang tanong ang motibo ng Arsobispo.

Ngunit walang pasubaling lehitimo ang usaping isinatinig ng kanyang pahayag. Hindi ang isang komento ng isang ni hindi pa yata nakatatapak sa pagiwang-giwang na sahig ng barung-barong ng isang manggagawa ang makapagpapasubali rito.

Maliwanag ding marami ang hindi napag-usapan dahil higit na itinutok ang usapan sa motibo niyaong nagbigay ng pahayag. Hindi tuloy naipaliwanag ang higit na malaking bahagi ng katotohanan hinggil sa usaping ito. Hindi ba't ang tungkulin ng peryodista'y isiwalat ang buong katotohanan sa lahat ng pagkakataon?

No comments:

Post a Comment