Friday, August 01, 2003

KRISIS SA MAKATI

Ang pag-aaklas sa Makati noong Linggo ay hindi na kataka-takang mangyari sa isang bansang ang gobyerno'y tulad ng administrasyong Macapagal-Arroyo.

Sinasabi ng mga lider ng Magdalo na sila'y nag-aklas dahil sa katiwalian sa militar, pagpapabomba nina Angelo Reyes at Victor Corpus sa Davao, at dahil may balak si Macapagal-Arroyo na magdeklara ng batas militar ngayong Agosto.

Sa mga imbestigasyon ngayon, parang mga aso ang mga nagpapanggap na imbestigador na hanap nang hanap sa pusang pasimuno ng pag-aaklas. Kesyo si Estrada, kesyo si Gringo Honasan, at pati si Laarni Enriquez ay idinadawit pa.

Subalit kung mahilig lamang silang magbasa, malalaman nilang nasa ilalim ng kanila mismong mga ilong ang kanilang hinahanap.

Hindi ko alam kung si Lt SG Antonio Trillanes IV ay nakatapos na ng kanyang MA Public Administration o nakahinto lamang sa ngayon.

Ngunit noong pumapasok siya sa Public Admin, sumulat siya ng dalawang research paper tungkol sa katiwalian sa Philippine Navy. Ang dalawang research paper na ito ay kanyang ipinakalat sa pamamagitan ng mga kaibigan, na nagpasa ng mga kopya ng mga ito kung kani-kanino.

Isa sa mga nakatanggap ng mga kopya ng dalawang research paper na ito si Sen. Gringo Honasan. Dito nagsimula ang pagkakakilala nila ni Trillanes. Aaminin niyang isa si Trillanes sa mga nakausap niya sa mga ugnayang humantong sa pagkakagawa ng National Recovery Program, na ang isang malaking bahagi ay siya (si Trillanes) ang sumulat.

Ibig sabihin, hindi pa man nakikilala ni Trillanes si Honasan ay naiisip na niya ang marami sa mga usaping dinala ng Magdalo noong Linggo. Sa katunayan ay makikita pang si Honasan ang nangopya sa kanya para sa isang bahagi ng National Recovery Program, na ibinabandila ng Magdalo.

Kung babalikan ang mga kudeta mula 1987 hanggang 1989, na si Honasan talaga ang pasimuno at pinuno, makikitang iba ang kilos ng mga nag-aklas noon sa ikinilos ng Magdalo.

Kaya't malabo ang ispekulasyong si Honasan ang pasimuno nito. Hindi niya itinangging may ugnayan sila ni Trillanes, malinaw na may impluwensiya siya sa mga ito, at malamang ay may alyansang taktikal si Honasan at ang Magdalo, subalit malabo ang sabihing kaya lamang nag-aklas ang Magdalo ay sapagkat inudyukan ni Honasan.

Malabu-labo ring si Estrada ang nagpakana nito. Bagama't masasabing hindi gaanong naplano nang maayos ang ginawa sa Makati, napakaliwanag namang hindi magagawa ni Estrada ang mag-isip ng ganitong pakana--lubha itong kumplikado sa katulad niya. Bagama't maaaring siya at ilan niyang bataan ay nagsamantala sa mga hinaing ng Magdalo at nagbigay sa kanila ng tulong pinansiyal at lohistiko, na tila ipinakikita ng pagkakasangkot ngayon ni Ramon Cardenas
sa kaso.

Balikan natin ang mga usaping dinala ng Magdalo sa Makati.

Inilathala na ng Philippine Center for Investigative Journalism ang dalawang paper ni Trillanes. Halos Kasabay ng dalawang ito, si Ed Lingao ay sumulat ng report para sa PCIJ rin tungkol sa ganyan ding paksa. Marami sa mga sinasabi sa mga ulat na ito ay naririnig natin sa mga kakilalang nakapagtrabaho o may kaugnayan sa militar na hindi sang-ayon sa mga nangyayari roon.

May batayan sa katotohanan ang alegasyon hinggil sa katiwalian sa militar.

Lalo pa itong pinatutunayan ng pangyayaring nakatakas ang Abu Sayyaf sa isang napakahigpit na military cordon sa Lamitan noong 2001--kailangan pa bang ipaliwanag ito?--at sa kaganapang hindi sila mahuli-huli hanggang ngayon gayong kitang-kita naman, nang ipasagip si Jeffrey Schilling, na kung gugustuhin ng militar ay kayang-kaya nilang iligpit ang mga bandidong ito sa ilang malalakas na bira lamang. Hindi ba't mayaman sa ransom money ang Abu Sayyaf? Kapalit ba ng hindi paghuli sa Abu Sayyaf ang porsiyento sa ransom money?

Tungkol naman sa alegasyong sina Angelo Reyes at Victor Corpus ang nagpabomba sa Davao.

Hindi ba't sa kasaysayan ng MILF ay inaamin nila ang anuman nilang kagagawan, maging yaong puno ng kapalpakan tulad ng pag-atake nila sa Siocon? Kaya may dahilan upang paniwalaan sila kapag sinabi nilang hindi sila ang may pakana ng alinmang pangyayari. Inamin nila ang masama nilang kagagawan sa Siocon, ngunit mahigpit ang pagtanggi nilang sila ang maygawa ng kaimpaktuhan sa Davao.

Ay sino ba naman ang makikinabang sa ganitong pambobomba? Hindi ba't ang militar ay kating-kating makakuha ng ayuda sa panginoon nilang si Uncle Sam? Datapwat upang makakuha sila ng dagdag-ayuda, kailangang lumitaw o palitawing may binabaka silang matinding banta sa kaayusan (parang wala na nito sa Pilipinas; angkop pa ba ang gamit ko nitong salita?). Kalaban nila ang MILF nang magkaroon ng pambobomba sa Davao, sapagkat sumalakay sila sa mga lugar na sakop ng naturang grupong rebelde kahit na may umiiral noong negosasyong pangkapayapaan.

At sa diumamo namang planong magdeklara ng batas militar ngayong buwan. Kating-kati ang pamahalaang magpasa ng isang Anti-Terrorism Bill na kung saan napakalawak ng maaaring pagpapakahulugan sa terorismo kaya't kahit ang mga ligal na kilos-protesta tulad ng mga ginagawa ng Bagong Alyansang Makabayan at iba pang katulad na pangkat ay pupuwedeng ituring na gawaing terorista. Ito'y tanda ng isang militaristang utak na siya lamang na makaiisip ng mga senaryong tulad ng batas militar.

Iniimbestigahan daw ang pinagmulan ng pag-aaklas sa Makati. Ngunit walang tandang ang mga usaping dinala ng mga nag-aklas ay susulyapan man lamang, at sa halip ay kung anu-anong katarantaduhan ang inaatupag ng mga nasa pamahalaan.

Nananatili ang mga ugat ng pag-aaklas sa Makati, samakatwid. Kaya't hindi tama ang sabi ni Macapagal-Arroyo na tapos na ang krisis sa Makati. Kundi ito maulit sa anyong higit na malaki at sa paraang higit na marahas, magpaparamdam ito sa ibang anyo at paraan. Lalo pa't walang popular na pagtangkilik ang pamahalaan--hindi ba't napakakaunti ng nagpunta sa prayer rally na ipinatawag upang magpahayag ng pagtangkilik kay Macapagal-Arroyo?

No comments:

Post a Comment