Monday, September 15, 2003

GABI NI KA AMADO

Hindi namin pinagsisisihan ang ilang oras na pagkakapaliban ng paghahapunan nang gabing iyon.

Ginanap nitong Setyembre 13 sa Tanghalang Francisco Balagtas (lalong kilala bilang Folk Arts Theater) ang Panata sa Kalayaan: Isang Gabi ng mga Tula ni Ka Amado bilang pagdiriwang ng ika-100 taon ng pagsilang ni Amado V. Hernandez, manunulat at aktibista. Pagtatanghal itong pinangunahan ng Amado V. Hernandez Resource Center, Concerned Artists of the Philippines, National Commission for Culture and the Arts, at Cultural Center of the Philippines.

Makata, peryodista, mandudula, kuwentista, at nobelista, si Hernandez ay isinilang at lumaki sa piling ng mga dukha, at sa kanyang mahuhusay na akda ay matapat na naglarawan ng kanilang mga karanasan at nag-udyok sa kanila upang kumilos tungo sa ikapagbabago ng kanilang kalagayan. Sumulat niya tungkol sa paghihirap ng sambayanang Pilipino sa kuko ng imperyalismong Estados Unidos, pagkaalipin ng mga manggagawa sa mababang pasahod habang nabubundat ang mga kapitalista, mga magsasakang inagawan ng lupa at binabarat sa partihan ng ani, at pagkalaganap ng katiwalian sa pamahalaan.

Isa siyang taong subok ng kasaysayan ang paninindigan.

Nang sakupin ng Hapon ang Pilipinas, tinanggihan niya ang mga alok na makipagtulungan sa kaaway. Sa halip, namundok siya at naging isang opisyal ng mga gerilya.

Nang magtapos ang digmaan, binalikan niya ang naudlot na pagsusulat.

Sa panahon ding ito siya naging kilalang haligi ng kilusang paggawa.

Isa siya sa mga nagtatag ng Philippine Newspaper Guild, isang organisasyon ng mga peryodista, noong huling bahagi ng dekada 1940. Kabilang din siya nang mga panahong iyon sa mga nagtatag ng Congrtess of Labor Organizations, na kanyang pinamunuan nang ilang taon. Ang mga organisasyong ito ay nakipaglaban alang-alang sa pambansang kasarinlan, katarungang panlipunan, at kalayaan ng pabatirang madla.

Kinatakutan siya ng Estados Unidos at ng pamahalaan dahil dito, kaya't noong 1951, kasama siya sa maraming lider-aktibistang ipinabilanggo ng pamahalaang Quirino. Kinasuhan siya ng rebellion complexed with murder at limang taon siyang nagdusa sa Muntinlupa. Noong 1956, nagtamo siya ng pansamantalang kalayaan habang naghahabol sa Kataas-taasang Hukuman ukol sa kanyang usapin, at noong 1964 na lamang napawalang-sala.

Matapos siyang makalaya, binalikan niya ang pagsusulat at ang paglahok sa kilusang aktibista. Naging bahagi rin si Hernandez ng Civil Liberties Union at Movement for the Advancement of Nationalism.

Nanatiling isang masugid na aktibistang manunulat si Hernandez hanggang sa kanyang pagpanaw noong 1970, sa kainitan ng Sigwa ng Unang Sikapat.

Dahil sa kadakilaan ni Hernandez, maging ang reaksiyunaryong pamahalaan ay natutong kumilala sa kanyang mga ambag sa kulturang Pilipino. Maraming gantimpala ang kanyang natanggap, kabilang ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan noong 1973.

Kaya't nararapat lamang ang nangyaring pagtatanghal sa Tanghalang Francisco Balagtas nitong Setyembre 13. Magiging kahiya-hiya ang magsabing tayo'y Pilipino kung nang araw na iyon ay wala isa mang gumunita sa dakilang Amado V. Hernandez.

At napakaganda sa kabuuan ang naging pagtatanghal.

Dalawampung tula ni Hernandez ang itinanghal: "Aklasan," "Tinapay," "Ang Banyaga," "Kabalintunaan," "Uod," "Ang Makina," "Ang Panday," "Bonifacio," "Inang Wika," "Malungkot ang mga Bituin," "Isang Dipang Langit," "Ito Ba ang Demokrasya?", "Sa Batang Walang Bagong Damit," "Enrique Sta. Brigida," "Kung Ukol sa Lahat," "Bayani, "Lupa," "Panata sa Kalayaan," at ang monumental na "Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan." Mayroon ding patikim ng ilang bahagi ng mga dulang hango sa dalawa sa kanyang maiikling kuwento, ang "Langaw sa Isang Basong Gatas" at "Panata ng Isang Lider." Si John Arcilla naman ay nagbasa ng ilang mahahalagang bahagi mula sa mga sanaysay ni Ka Amado.

Sa ilang bahagi ng programa, ilang awit na hindi itinitik ni Ka Amado ngunit malapit sa diwa ng kanyang buhay at mga sinulat ang itinanghal ng Andres Bonifacio Choir: "Tayo'y Magkaisa," "Araw ng Katipunan," "Jocelinang Baliuag," "Anakpawis," "Pilipinas Kong Mahal," at ang walang kamatayang "Bayan Ko."

Mahuhusay ang mga pagbigkas ng mga tula ni Ka Amado na isinagawa nina Satur Ocampo, Shamaine Centenera, Roy Alvarez, Leo Martinez, Angie Ferro, Nonie Buencamino, Jess Santiago, Soc Jose, Ka Mameng Deunida, Rafael Baylosis, at Danilo Ramos, pati ng Tambisan sa Sining at Pan, at ang isa sa mga pagtatanghal na isinagawa ni Ronnie Lazaro. Mainam din naman ang mga pagkakabigkas nina Crispin Beltran at Liza Maza. Marunong din palang bumigkas ng tula si Ma. Isabel Lopez.

Ilang batang galing sa isang maralitang komunidad ang bumigkas ng "Sa Batang Walang Bagong Damit." Hindi sila nagkakasabay-sabay sa pagbigkas, ngunit mararamdaman ng manonood ang diwa ng tula sa kanilang pagkakabigkas.

Sa aming palagay, eksaherado ang naging pagbigkas ni Au Yumol ng "Isang Dipang Langit."Tila napakarupok tuloy niyaong personang nagsalita sa kanyang pagkakabigkas nito, samantalang ang tula'y tungkol sa kagitingan ng bilanggong pulitikal na bagama't nagdurusa sa kulungan ay hindi pinanlalambutan ng paninindigan.

Nagsimula ang katapusan ng pagtatanghal sa isang panggugulat ni Joonee Gamboa, na biglang sumulpot upang bigkasin ang unang saknong ng "Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan." Maganda na sana ang pagkakabigkas, ngunit nagkamali siya sa isa sa mga taludtod--napapagbali-baligtad niya ang mga salita--ngunit hindi na ito gaanong nahalata sapagkat magaling ang pagkakabigkas. Sinundan ito ng karamihan sa mga naunang nagtanghal, na bumigkas ng mga partikular ng tig-iilang linya mula sa tula ring iyon.

Magaling ang mala-rap na pagbigkas ni Ronnie Lazaro sa "Ang Makina." Ngunit nang siya na ang nagbibigkas ng linya mula sa "Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan," kung bakit kapos sa damdamin ang kanyang pagkakabigkas.

Pinakamatindi ang katapusan. Biglang lumitaw sina Lolita Carbon at Pendong Aban, Jr.--ang Asin--upang awitin ang himig na inilapat nila sa "Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan." Lubhang makabagbag-damdamin ang pagkakagawa nila nito, at naglundagan ang mga kamaao--maging ang mga kamao niyaong katabi kong propesor na bagama't kilala kong aktibista rin ay hindi basta-bastang aakalaing magtataas ng kamao sapagkat napakalumanay magsalita at napakahinahon kumilos--nang sumapit sila sa "At ang lumang tanikala'y lalagutin mo ng punlo!"

Liban sa ilang suliraning teknikal tulad ng nasisirang mikropono at mga kakulangan sa pagtatanghal na madaling lunasan sa mga susunod na palabas, sa kabuua'y napakaganda ang naging pagtatanghal. Nabigyan ng katarungan ang mga akda ni Amado V. Hernandez.

Limang libo ang kayang kanlungin ng Tanghalang Francisco Balagtas. Halos mapuno ang mga bulwagan nito.

Bukod pa rito, kung pagmamasdan ang mga suot ng mga nagsipasok sa Tanghalang Francisco Balagtas, malalamang karamihan sa kanila'y galing sa mga maralitang pamayanan (walang bayad ang pagtatanghal), samakatwid ay kabilang sa masang ipinagpapalagay ng ilang paham na guro sa mga pamantasan na mangmang sa panitikan kaya't walang silbing igawa ng mga akdang tungkol sa kanila at nagmumulat at nagpapakilos sa kanila. Matunog ang palakpakan, bagay na hindi mangyayari kung hindi nakararami ang pumalakpak. Ibig sabihin, may isang hindi matatawarang bahagi ng masang mangmang umano sa panitikan na marunong magpahalaga sa mabubuting tula at dula tulad ng mga gawa ni Hernandez. May silbi, samakatwid, ang paglikha ng panitikang may diwa ng pagkamakabayan at pakikisangkot sa lipunan.

Bukod pa'y disiplinado ang mga taong nanood. Liban sa ilang bata sa aming likuran na saksakan ng iingay (na salamat na lamang at agad na umalis), kahanga-hanga ang disiplinang aming nasaksihang mamayani roon. Lalo pa't ito'y ipinamalas ng mga uring taong karaniwan nang ipagpalagay na walang modo pagkat diumano'y mga walang pinag-aralan, na para bang ang nakatapos ng kursong pangkolehiyo na nag-aakalang higit na mahalaga kay Hernandez ang isang grupo ng kung sinong mga aktor at mang-aawit diumanong taga-Taiwan (kung kanino napabibilang ang marami sa mga lumalait sa masa) ay may pinag-aralan nga.

Walang naganap na stampede sa gabing iyon. Malayo ito sa nangyari sa isang kasabay na konsiyertong naganap sa ULTRA, kung saan kailangan ang libu-libong piso upang makapanood kaya't ang nakapasok lamang ay mga may kakayahang magbayad ng matrikula sa mga pamantasan at kolehiyong kasindak-sindak ang mga pangalan. Doo'y naggitgitan ang mga tao at may walong naapak-apakan at napagdadaganan upang pakinggan ang ilang kantang gamitan man namin ng pinakaobhetibong pagsusuri ay hindi namin makitaan ng katuturan at hindi namin malaman kung ano't naisipan ng kung sinong pantas na ipatanghal kasabay ng mga piling akda ng isang Amado V. Hernandez.

Sulit na sulit ang pagpapalipas ng ilang oras sa Tanghalang Francisco Balagtas noong gabi ng Setyembre 13.

1 comment:

  1. hello!
    Ako po c Marizales bago lang aq D2
    Wala akong experience s teknolohiya ng kabataan ngaun khit ang age q pang tin adyer marami akong gnagawa pwera sa aking mga assignmaents at requirements sa skul marunong akong maghugas ng pinggan at na22to plang magluto gusto ka ma22to mag gitara pero d q maintindihan yung chords s song hits sana may alam kayong mada2ling chords for beginners lng gus2 q tlaga ma2to


    YUN LANG PO
    MARAMING SALAMAT SA MGA BABASA
    (BINABASA BA 2 NG IBANG TAO?)

    ReplyDelete