KALATAS SA ISANG MANG-AAWIT
Di ko kailangang magpaguwapo
Upang hangaan, pansinin ng tao
Ang kailangan ko'y ang maging totoo
Awitin ang dapat sa panahong ito
-- Heber Bartolome, "Ako'y Mang-aawit ng Aking Panahon"
(Kalamansi sa Sugat, 1985)
Sana’y di ka pa tumitigil
sa pananahi ng mga bagong awitin ng bayan.
Panahon mo’y panahon ko rin:
nasa iisang pahina tayo ng kasaysayan,
nakalugal nga lamang
sa magkaibang talata.
Noon at ngayon ma’y maraming nagugutom,
nagugutom sa gitna
ng pagkaing sapat upang magpatubo
ng impatso sa lahat:
ginugutom
ni Tiyo Samuel
at ng dugong-bughaw na kanyang mga alila.
Di nalulusaw
ang pangangailangang maghiwa ng palad
at magpiga ng kalamansi sa mga sugat:
laganap ang musikang hinabi
sa gayuma ng Ibong Adarna,
ginagawang bato ang mga utak
at pinapawi sa paningin
ang mga sakit ng ating bansa.
Maaaring nauna ka sa akin,
ngunit iisa ang ating panahon:
ito’y panahong kayraming katotohanan
ang itinatago.
Sana’y di ka pa tumitigil
sa pagtatahi ng mga bagong awitin ng bayan:
awitin natin
ang dapat awitin sa panahong ito.
No comments:
Post a Comment