PAGSASAKDAL KAY BENIGNO RAMOS, LIDER-SAKDALISTA
Sa kasaysayan ng nagdaang dantaon, isa sa mga personaheng lumikha ng pinakamalalaking alingasngas si Benigno Ramos –- makata, mambibigkas, mamamahayag, mananalumpati, lider-rebelde, pulitiko.
Hindi nawawala ang kanyang pangalan sa talaan ng pinakamahuhusay na manunulat, mambibigkas, at mananalumpating nabuhay sa kasaysayan ng Pilipinas. Subalit sa mga aklat ng kasaysayan, lagi’t lagi ring lumilitaw ang kanyang pangalan sa talaan ng mga taksil sa kapakanan ng sambayanan.
Isinilang sa Bulacan, Bulacan noong 1892, si Benigno Ramos ay anak nina Catalino Ramos –- isang kasapi ng Katipunan noong panahon ng Himagsikang 1896; at Benigna Pantaleon, na noong panahon ng Rebolusyon ay nagboluntaryong mangalaga sa mga sugatan at maysakit na Katipunero. Namulat siya sa mga karanasang ito ng kanyang mga magulang at maaaring ang pangyayaring ito ang nagtanim ng diwang mapaghimagsik sa kanyang kamalayan.
Bata pa si Ramos ay kinakitaan na siya ng kahusayan sa pagbigkas ng tula at sa pagtatalumpati. Noong siya’y isa pang paslit, madalas na siya’y nahihikayat ng mga nakatatandang kababayan na tumayo sa ibabaw ng isang bangko at doon magtalumpati o bumigkas ng tula habang pinanonood nila nang buong paghanga.
Ito ring kakayahan niya sa pagbigkas at pagtatalumpati ang magiging sanhi ng pagkakainteres sa kanya ng ilang pulitiko, na umugnay sa kanya at hinilingan siyang bumigkas o magtalumpati sa kanilang mga kampanya. Labinlimang taong gulang siya nang siya’y unang mahilingang bumigkas sa isang kampanya.
Ang kanyang pagkakaugnay sa mga pulitiko ang naging daan naman upang siya’y madaling magkapuwang sa mga kilalang pasulatan sa Maynila. Mabilis din ang kanyang pagsikat bilang isang manunulat, dala na rin ng kanyang kahusayan sa larangang ito.
Noong 1922, nakaugnay sa kanya ang noo’y Pangulo ng Senado na si Manuel L. Quezon, na nagbigay sa kanya ng trabaho bilang isang kagawad sa Senado.
Walong taon pagkaraan nito, magkakahiwalay ng landas sina Ramos at Quezon.
Noo’y nagsagawa ng isang welga ang mga estudyante ng isang mataas na paaralan sa Maynila dahil sa panlalait ng isang Amerikanang guro sa mga Pilipino sa isa sa kanyang mga klase. Kagaya ng mahusay ding makatang si Jose Corazon de Jesus, nasangkot si Ramos sa welgang-estudyanteng ito.
Si Quezon, na sumisipsip sa Gobernador-Heneral, ay nag-utos kay Ramos na itigil ang pagtangkilik sa welga at, higit pa riyan, itakwil ito. Ikinagalit ni Quezon ang pagtanggi ni Ramos na sundin ito, kaya’t sinabihan niyang magbitiw ito sa Senado.
Ang pangyayaring ito ay nagbunsod kay Ramos na maglabas ng sarili niyang pahayagan, na kanyang bininyagang Sakdal.
Ito’y inilathala nang lingguhan sa wikang Tagalog, at matinding bumatikos sa mga Amerikanong tagapamahala, kay Quezon at sa kanyang mga tagasunod, sa mga asendero, sa Simbahan, at sa Konstabularya. Ipinanawagan ng Sakdal ang kagyat na kasarinlan ng Pilipinas at kinundena nito ang palaki nang palaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap, na pinatunayan nito sa pamamagitan ng mga beripikadong estadistika.
Noong 1933, nagpasya si Ramos na magbuo ng isang partidong pulitikal. Mula sa mga mambabasa ng Sakdal ay nabuo ang organisasyong Sakdalista, na sa kongreso nito sa pagtatatag ay nagpasyang lumahok sa halalan ng 1934.
Ang plataporma ng mga Sakdalista ay umikot sa tatlong saligang usapin: edukasyon, dominasyon ng Estados Unidos sa ekonomiya ng Pilipinas, at ang panukalang pagkakaroon ng Estados Unidos ng mga base militar sa bansa.
Inilarawan nila bilang kolonyal ang sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas at, sa partikular, binatikos nila ang seryeng Readers ni Camilo Osias dahil sa pamamarali nito ng kulturang Amerikano. Iginiit nilang ang dahilan ng kahirapan ng kalakhang mamamayan ay ang pagkakasakal ng Estados Unidos sa ekonomiya ng Pilipinas, at tinutulan nila ang higit na pamumuhunan ng Estados Unidos sa bansa. Tinutulan din nila ang panukalang magtatag ng mga base militar ang Estados Unidos sa Pilipinas, sa kadahilanang hindi makikinabang ang Pilipinas sa mga ito.
Isa si Ramos sa mga nanalong kandidato ng Sakdalista, at dito nagsimula ang kanyang pagpapakita ng oportunismo. Pinalabnaw niya sa kanyang panunungkulan ang paghahapag ng mga kahingian at itinuon niya ang kanyang enerhiya sa mga periperal na usapin.
Gayunman, nagpatuloy sa pagkilos nito ang organisasyong Sakdalista. Ang mga lider nitong hindi nagpatianod sa tukso ng kapangyarihan at pribilehiyo ay humikayat sa mga mamamayan na iboykot ang plebisito ng 1935 para sa Konstitusyong Komonwelt, bilang paggigiit ng kahingian nilang magkaroon ang Pilipinas ng ganap at hustong kasarinlan nang hindi lumalampas ang 1935.
Ang Gobernador-Heneral ay naglabas ng kautusang nagsasabing sedisyoso ang naumang kampanya laban sa plebisito, at marami sa mga lider at kasapi ng organisasyong Sakdalista ang pinagdadakip.
Napoot ang kanilang mga kasamahan at nag-isip ng marahas na pag-aaklas. Hatinggabi ng Mayo 2, 1935 nang may 150 magbubukid na naaarmasan ng mga tabak at paltik ang nagmartsa patungo sa munisipyo ng San Ildefonso, Bulacan upang ibaba ang bandila ng Estados Unidos at itaas ang bandilang Sakdalista. Sumunod ang mga kasamahan nila sa iba pang lalawigan tulad ng Cavite, Rizal, at Laguna. Sa kabuua’y may 60,000 Sakdalista ang nasangkot sa pag-aaklas na ito.
Tumugon ang Konstabularya. Buhaghag at mahihina ang sandata, madaling nagapi ang mga Sakdalista, at pagdating ng tanghali ng Mayo 3 ay tapos na ang lahat: 57 Sakdalista ang napatay, daan-daan ang sugatan at may 500 ang nabilanggo.
Nang maganap ang pag-aaklas, si Ramos ay nasa Hapon. Noo’y madalas na siyang magtungo sa nasabing bansa upang diumano’y ikuha ng tangkilik ang kanyang partido.
Ilang taon matapos ito, si Ramos at ang ilang nakabig niyang lider ng mga Sakdalista ay magbubuo ng Lapiang Ganap, isang grupong nagkalat ng propagandang maka-Hapon. Naging behikulo ang Lapiang Ganap sa pagpapalaganap ng mga sulating nagsasabing ang Hapon ay makatutulong sa paglaya ng Pilipinas. Nang sumalakay ang Hapon sa Pilipinas noong 1942, kabilang nga sa mga sumalubong sa Hukbong Imperyal nito ang Lapiang Ganap.
Di naglaon, naging direktor sa publisidad si Ramos ng Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas o Kalibapi, na naging behikulong pampropaganda rin ng imperyalismong Hapones.
Naging sagad-sagaran si Ramos bilang isang propagandista ng imperyalismong Hapones sa Pilipinas, sa kabila ng malawakan at walang-habag na pamiminsala ng mga puwersa nito sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino –- mahirap man o mayaman.
Sa dakong kalagitnaan ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas, isang himnong martsang may pamagat na “Dai-atiw ng Kalibapi” ang lumabas. Isa sa mga taludtod nito ang may lamang ganito:
Narito ang bansang Hapon
Na sa ati’y tumutulong
Upang tayo ay masulong
Mapaanyo ay yumabong...
Sa paglabas ng kantang ito, na nilapatan ng himig ni Felipe Padilla de Leon, ilang manunulat ang naghinalang si Ramos ang sumulat ng mga titik nito. Isang makata naman ang nagsabing hindi maaaring si Ramos ang sumulat ng mga pangit na taludtod na ito sapagkat siya’y isang lubhang mahusay na makata.
Isang organisasyon ng mga manunulat ang nagsagawa ng pagsisiyasat at napatunayang si Ramos nga ang sumulat ng mga titik ng “Dai-atiw ng Kalibapi.” Pinagtibay ng organisasyon ang isang resolusyong si Ramos ay lilikidahin sa tamang panahon.
Hindi na natuloy ang paglilikida sapagkat si Ramos ay naglaho na lamang at sukat dakong 1946, bagama’t hinihinalang kasama siya ng mga tumakas na Hapones na namatay sa Nueva Vizcaya nang bumagsak ang sinasakyan nilang eroplano.
Gayunman, hindi pinatawad ng kasaysayan si Ramos. Bagama’t hindi naglalaho ang pagkilala sa kanyang ipinamalas na kahusayan bilang isang manunulat, mambibigkas at mananalumpati, hindi naman nalilimot ng kasaysayan ang kanyang kataksilan sa kapakanan ng bansa. Pirmi siyang kabilang sa listahan ng mga taksil –- kasama nina Pedro Paterno, Emilio Aguinaldo, at iba pang katulad.
Ano kaya kung nabuhay si Ramos hanggang sa ating panahon? Magiging gayundin karahas kaya sa kanya ang kasaysayan?
Batay sa timpla ng kasalukuyan, may sapat na batayan upang mangambang kung kinabuhayan ni Ramos ang ating panahon ay makukuha niya ang kapatawaran kahit hindi niya hingin. Malamang na hindi iilan ang magpapaumanhin para sa kanya kahit na di siya humingi ng paumanhin, at magsasabing wala naman siyang kinitil na buhay.
Na isang napakalaking pagkakamali lalo kung magmumula sa hanay ng mga taong kundi man may napakataas na inabot sa pormal na pag-aaral ay may sapat na dahilan upang asahang magpakita ng malalim na kamulatan sa kasaysayan. Hindi nga pumisil ng gatilyo o nagtarak ng bayoneta si Ramos, subalit sa bawat paglalabas niya ng piyesang pumupuri sa imperyalismong Hapones ay pinabango niya pati ang pagkitil nito ng napakaraming inosenteng buhay.
Ganito ang dapat na pagtingin kay Benigno Ramos at sa kanyang mga katulad –- at may mga kaparis siya sa ating panahon.
Mga sanggunian:
1. Renato Constantino, The Philippines: A Past Revisited, Manila: Foundation for Nationalist Studies, 1975
2. Delfin L. Tolentino, Jr., “Benigno Ramos: ‘Poeta Revolucionario,’” introduksiyon sa Benigno Ramos, Gumising Ka, Aking Bayan (Mga Piling Tula), Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1998
KAHIT DI NIYA NAHAWAKAN ANG PATALIM
Duguan ang kanyang mga palad
kahit hindi niya hinawakan man lamang
ang patalim.
Nahagip ng kanyang mga mata
ang pagbaon ng punyal,
ngunit iba ang tulak ng kanyang mga labi:
“Hindi siya mamamatay-tao,"
aniya hinggil sa salarin.
Kahit di niya nahawakan man lamang
ang patalim –-
naliligo, naliligo ang kanyang mga palad
sa dugo ng taong pinutlan ng buhay.
salamat sa pagsulat tungkot sa akin lolo na si benigno ramos-reggie ramos
ReplyDeletemabuhay ang sakdalista!
ReplyDeletemabuhay si ka ben ruben!
ReplyDeletenamatay siya hindi sa pagtakas binomba sila ng mga amerikano sa baguio sya inabot at napatay
ReplyDeleteBaluktot talaga ang kasaysayan.
ReplyDeleteSila Ka Andres at Ka Benigno ang mga tunay na bayani. Yung mga namayani bilang presidente tulad ni Aguinaldo at Quezon ang mga ulupong.
Bakit pa tayo nagbubulag-bulagan hanggang sa ngayon?
gusto kong mabuo ang sakdalista!sobrang pahirap na ang gobyerno sa mamamayang pilipino!-reggie ramos
ReplyDeletesalamat sa pagsulat nito, naging malaking tulong siya para sa mga estudyanteng gustong malaman ang buhay niya.
ReplyDeleteSalamat sa paglalagay nito. Hindi ko lamang maintindihan ang napakalaking kabalintunaan sa kanyang akdang Panulat kung pagbabasehan ang kontekstong Hapon.
ReplyDeleteDo you have other info about Benigno Ramos? I am very much interested in his biography and would like to know more. If you could help, send me an email through this address mic0y@ovi.com
ReplyDeleteGalit sa Imperyalistang Americano, pero pabor sa Imperyalistang Hapon.
ReplyDeleteThis comment has been removed by the author.
ReplyDeleteMaraming salamat po sa blog na inyong nilikha. Isa po ako sa mga apo ni Benigno Ramos, sa totoo lang po ngayon ko lang nalaman ung istorya ng aking lolo Benigno. Nung minsan tinanong ko kasi ung aking lolo na si Rogelio Ramos at ang aking tatay na si Regidor Ramos kung saan nila nakuha ung pangalan kong "Benigno Ramos" ang sabi nila sa'kin dun sa ninuno kong si Benigno Ramos na isang "Sakdalista" ang sabi lang di nila sa'kin nasa history daw ung ninuno kong si Benigno Ramos. Kaya hindi ko lubusang kilala ung ninuno kong 'to tsaka dala na din siguro na sobrang bata pa ako noong tinanong ko sila. Maraming salamat sa blog mo na'to.
ReplyDeleteGusto sana kitang makilala at maka-kwentuhan pa tungkol sa aking lolo Benigno at itanong ko paano mo nalaman ang kanyang istorya ngunit hindi na pala pwedeng mangyari dahil pumanaw ka na pala noong 2010 pa. Kinilabutan ako nung "isearch" ko ung pangalan mo sa google at lumabas ung isang website na "bulatlat.com" ang may isang artikolo dun na pumanaw ka na. Muli maraming salamat sayo.
-Benigno Ramos(apo)-