Thursday, December 22, 2005

SILA ANG MAGBAYAD NG KANILANG MGA UTANG

Hindi namin malaman kung kami’y bubunghalit ng halakhak o haharap sa aming inudoro upang isambulat doon ang lahat naming kinain at ininom sa tuwing makikita namin sa telebisyon ang patalastas na nagtatanong sa atin kung masisikmura ba nating ipamana sa mga susunod na henerasyon ang utang ng bansa, na pagkatapos ay sinasabi sa ating dapat nating pasanin ang Expanded Value-Added Tax (EVAT) na sinimulang ipataw nitong Nobyembre 1.

Ang EVAT na ito –- kung saan idinagdag sa mga papatawan ng buwis ang langis, kuryente, at mismong serbisyong transportasyon –- ay isa sa walong revenue measure na ipinagtutulakan ng Malacañang upang diumano’y malutas ang krisis piskal na dumagan sa bansas sa kalagitnaan ng taong nagdaan. Ayon sa mga henyong economic manager ng Kagalang-galang na Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na nagduktorado ng ekonomiks sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ang EVAT ay makalilikom ng may P60 bilyon at malaki, samakatwid, ang magagawa upang punan ang piskal na depisito ng pamahalaan na umabot sa P80 bilyon noong 2004.

Tinatawagan tayo ng nabanggit na patalastas upang “magsakripisyo” alang-alang sa kapakanan ng bansa at ng mga susunod na henerasyon -- at kulang na lamang ay pagbabanggitin ang mga pangalan ng mga bayaning Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Macario Sakay, Wenceslao Vinzons, Claro M. Recto, Jose W. Diokno, Edgar Jopson, Liliosa Hilao, Lorena Barros, Eman Lacaba, Bobby de la Paz, Lean Alejandro at iba pa upang antigin ang ating makabayang damdami’t diwa.

Batay sa mga estadistika mula sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang halaga ng pamumuhay sa buong bansa ay umabot na sa P667.20 bawat araw para sa pamilyang may anim na miyembro –- ang karaniwang pamilyang Pilipino. Samantala naman, ang pinakamataas na minimum na sahod magmula Hunyo ng taong ito ay P325 lamang, at ito’y sa National Capital Region (NCR).

Sa ganitong kalagayan, totoong malaking sakripisyo ang papasanin natin sa pagpapataw ng EVAT. Ngunit dapat nga bang tayo ang pumasan ng sakripisyong ito?

Sa pananaliksik ng ekonomistang si Dr. Alejandro Lichauco, lumilitaw na noong 1962 ay nasa $150 milyon ang utang panlabas ng Pilipinas. Ngayong taon, batay sa mga datos mula sa mismong gobyerno, ito’y nasa $69 bilyon na, o P3.8 trilyon. Kungh hahatiin ang P3.8 trilyon na ito sa kasalukuyang populasyong 84 milyon, lalabas na ang bawat Pilipino’y kasalukuyang nagkakautang ng P45,238.10 sa mga institusyong panlabas na ni anino’y hindi nakita ng karamihan sa atin.

Palaging ikinakatwiran ng pamahalaan na ang pangungutang na itong hindi matapus-tapos ay alang-alang sa pag-unlad ng bansa.

Ngunit gobyerno rin naman ang sa pana-panaho’y nag-uulat na taun-taon ay dumarami ang mga tumatanda nang di man lamang nakakikita ng kahit pisara, dumarami ang mga maysakit na namamatay nang di man lamang nakakikita ng duktor. Lubha pa namang mahalaga ang kalusugan at edukasyon sa pagpapaunlad ng yamang-tao.

Samantala’y kulang sa mahahalagang imprastruktura ang kalakhan ng bansa, at sa kakaunting bahagi nitong may mga gayon ay sira-sira naman ang maraming tulay at kalsada.

Nakikinabang ba kung gayon ang buong bayan sa mga utang panlabas? Maliwanag na hindi. Bakit ngayon tatawaging utang ng bansa ang mga ito, pareho ng ginagawa sa patalastas na ating pinag-uusapan?

Walang dapat na magbayad ng mga utang na ito kundi ang lahat ng naging opisyal ng pamahalaan na nasangkot sa pangungutang. Sa kaso ng mga yumao na, nararapat na habulin ang kanilang naiwang mga pag-aari. Sila ang magbayad ng mga utang na ito sapagkat sila lang naman ang nakinabang sa mga ito.

1 comment:

  1. Anonymous7:48 AM

    Delete shis text plz. Sorry

    ReplyDelete