Alexander Martin Remollino
Binigkas ang tulang ito sa isang rali ng mga magsasaka may mahigit sa isang buwan na ang nakararaan, ngunit hindi pa nalalathala bago ang araw na ito. Ngayo'y iniaambag ito ng may-akda sa Blog Action Day 2008.
Hindi nila pag-aari
ang lupang kanilang pag-aari.
Paano magiging kanila
ang di man lamang nadampian
ng malalambot nilang palad?
Ang tanging pinagmumulan ng kanilang kapangyarihang mag-ari
ay ang mga daliri nilang mahusay na magturo
kung hanggang saan ang lupang nasasakop
ng kanilang pag-aari,
ng kanilang pag-aaring hindi kanila.
Kung may mga daliri sana ang lupa,
maituturo niya ang mga nararapat
sa kanyang pagkandili.
Maituturo niya ang mga lipaking palad
na nag-aruga sa kanya,
ang mga lipaking palad
na naghawan ng sukal at naghasik ng binhi
upang makapagluwal siya ng mga butil
na nagbibigay-buhay sa buong sambayanan.
No comments:
Post a Comment