Sunday, May 09, 2004

SUKATAN NG PANGULUHAN

Ang artikulong ito ay siya kong kolum sa bagong isyu ng Tinig.com. Ang naturang isyu ay naglalaman din ng isang binagong bersiyon ng aking pahayag tungkol sa pagyao ng dakilang manunulat na si Nick Joaquin.

Habang sinusulat ito (Mayo 7), may nalalabi na lamang na tatlong araw bago maganap ang eleksiyong pampanguluhan. Lima ang kumakandidato sa pagkapangulo ng republikang itong tinawag na "mapanglaw" ng makata sa Ingles na si Eric Gamalinda: sina Gloria Macapagal-Arroyo, Fernando Poe, Jr., Panfilo Lacson, Raul Roco, at Eddie Villanueva.

Bawat isa sa kanila'y nagsasabing siya at walang iba ang karapat-dapat na maging susunod na okupante ng Malacañang. Subalit sino sa kanila ang talagang karapat-dapat?

Noong 1957 ay may isang henyong makabansang estadistang tumakbo sa pagkapangulo. Ito'y si Claro M. Recto--senador na noon, bukod pa sa pagiging abugado, makata, mandudula, at mananalumpati. Dangan nga lamang at hindi siya nanalo sapagkat sa kanyang panunungkulan bilang opisyal publiko ay may nasagasaan siyang makapangyarihang mga interes, na kumilos laban sa kanya sa pamamagitan ng sopistikadong pagdungis sa kanyang pangalan. Gumana ito at siya niyang ikinatalo sa nasabing eleksiyon.

Naging kongresista si Recto sa ilalim ng pamahalaang Komonwelt ni Manuel L. Quezon. Bilang Kinatawan ng Batangas sa Kapulungang Pilipino, nakasama si Recto sa mga misyong pangkasarinlan sa Estados Unidos.

Noong 1933, naiuwi nina Sergio Osmeña at Manuel Roxas mula sa isa sa mga misyong pangkasarinlan ang Batas Hare-Hawes-Cutting. Diumano'y isa itong pangkasarinlang batas, datapwat itinadhana nitong sa loob ng sampung taon mula sa pagpapatupad ng naturang batas ay sasaklawan ng pangulo ng Estados Unidos ang sistema sa pananalapi at ang ugnayang panlabas, ang mga produktong Amerikano ay malayang makapapasok sa Pilipinas habang ang mga iluluwas ng Pilipinas sa Estados Unidos ay papatawan ng mga restriksiyon, at ang Estados Unidos ay makagagamit ng lupa ng Pilipinas ukol sa mga "reserbasyong militar at iba pa."

Halos isumpa ni Don Claro sina Osmeña at Roxas dahil dito. Ang Batas Hare-Hawes-Cutting ay tinawag niyang isang "obra maestra ng kolonyalismo" at sinabi niyang pinahihintulutan nito ang "buo at walang hanggang pananalasa" ng Estados Unidos sa ating ekonomiya, ang "habang panahong panghihimasok sa pagsasakatuparan ng ating soberanya," at "ang pagkalusaw ng ating pambansang pamana kahit na maipahayag na ang kasarinlan."

Ibinasura ng Lehislatura ang Batas Hare-Hawes-Cutting at si Quezon ay naatasang pamunuan ang isang panibagong misyong pangkasarinlan. Ang Batas Tydings-McDuffie na naiuwi ni Quezon mula sa nasabing misyon ay tinangkilik ni Don Claro, bagama't sa pangkalahata'y wala namang ipinagkaiba ito sa Batas Hare-Hawes-Cutting liban sa pagtatadhana nito ng pagtatatag at pagpapairal ng isang pamahalaang komonwelt sa loob ng sampung taon mula sa pagpapatupad nito bago ipahayag ang kasarinlan.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay kinasuhan siya ng pakikipagsabwatan sa mga Hapones. Tinanggihan niya ang amnestiyang alok ng noo'y Pangulong Roxas at sa Hukumang-Bayan ay kanyang ipinagtanggol ang sarili. Ipinaliwanag niyang ang kanyang paglilingkod sa pamahalaang tinangkilik ng mga Hapones ay sa layuning makatulong upang kahit paano'y maibsan ang pinsalang dulot ng pananakop ng mga Hapones sa bansa. Naipagwagi niya ang usapin.

Noong 1946, nanguna si Recto sa pagtutol sa Amyendang Parity sa Saligang Batas, na hiningi ng Estados Unidos bilang kapalit ng bayad-pinsalang pandigmaan. Sinabi niyang ito'y magpapahintulot sa paghahari ng mga dambuhalang korporasyong Amerikano sa ating ekonomiya, bagay na aniya'y walang buting idudulot sapagkat ang kikitain ng mga ito'y lalabas lang nang lalabas ng bansa sa halip na magamit upang paunlarin ang ekonomiya.

Ipinaglaban ni Recto ang makabansang pag-iindustriya. Aniya, kung isasaalang-alang ang lawak ng ating mga yamang-bansa, walang alinlangang kakayanin natin ang magtatag ng mga pambansang industriya. Sa ilalim ng isang programa ng makabansang pag-iindustriya, ayon kay Recto, makalalalang tayo ng sarili nating mga kalakal sa halip ng walang patumanggang pag-aangkat, at ang ating kapital ay di na lalabas nang lalabas ng bansa.

Naging tagapagsulong din siya ng malayang pakikipag-ugnayang panlabas. Dapat daw na nakabatay ang ugnayang panlabas sa ikabubuti ng bansa at hindi sa kapakinabangan ng Estados Unidos. Kaugnay nito, mariin niyang tinutulan ang pananatili ng mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nagbabala siyang sa pamamagitan nito'y di malayong masangkot ang Pilipinas sa mga digmaan kung saan wala itong kinalaman dahil maaari itong gamiting lunsaran ng mga puwersang sasalakay sa kung aling bansang Asyano. Nagkatotoo naman ang kanyang hinala sapagkat noong mga dekada 1960 at 1970, marami sa mga pananalakay ng Estados Unidos sa mga bansang Biyetnam, Laos, at iba pa ay inilunsad mula sa Subic at Clark. Nagiong kaaway natin sa gayon ang mga bansang hindi natin kinailangang makaaway.

Pinakamadaling nagugunita si Recto sa kanyang pag-akda, bilang senador, ng Batas Rizal, na nagtatadhanang ipababasa sa lahat ng mga Pilipinong mag-aaral ang talambuhay at mga akda ni Dr. Jose Rizal na noon pa'y siya nang pambansang bayani, bilang pagkilala at pagsulong sa kanyang diwang makabansa.

Lumaban nga sa halalang pampanguluhan si Recto noong 1957 ngunit natalo. Datapwat di roon nagwakas ang makabansang pakikipaglaban ni Don Claro. Sa mga pahayagan, sa mga paaralan, at sa iba't ibang mga pagtitipon ay patuloy niyang isinulong ang diwang makabansa hanggang sa huling araw ng kanyang buhay.

Isa ring masugid na tagapagtanggol ng demokrasya si Recto. Bilang tagapangulo ng Kumbensiyong Konstitusyonal ng 1934, malaki ang papel niya sa paglalatag doon ng mga probisyong nangangalaga sa mga kalayaang sibil.

Kung may masasabi mang naging kakulangan ni Recto, iyo'y ang kanyang hindi pagkakakilala sa kahalagahan ng repormang agraryo at ang naging pagtingin niya sa mga dayuhang institusyong multilateral tulad ng International Monetary Fund at World Bank o IMF-WB.

Hindi nakilala ni Recto na bago maisagawa ang makabansang industriyalisasyon ay dapat na munang pabutihin ang kabuhayan ng mga magsasaka, sa pamamagitan ng totohanang repormang agraryo--yaong repormang agraryong titiyak na lubusang pakikinabangan ng mga mnagbubungkal ng lupa ang kanilang mga ani. Mahalaga ito sapagkat bilang pinakamalaking uri sa kasalukuyang kaayusang panlipunan sa Pilipinas, ang mga magsasaka ang magsisilbing pinakagulugod ng programang pang-industriyalisasyon bilang pinakamalaking seksiyon sa sektor ng mga konsiyumer.

Nanawagan din si Recto para sa mga pautang mula sa IMF-WB na gagamitin sa pagsasagawa ng makabansang industriyalisasyon. Hindi siya nagkaroon ng sapat na panahon--bata-bata pa lamang noong panahon niya ang Kambal ng Bretton Woods--at hindi niya nahulaang magiging kasangkapan ang mga ito upang palakasin ang pagkakasakal ng mga dayuhang kapitalista, lalo na ng mga multinasyunal na korporasyon ng Estados Unidos, sa ating ekonomiya tulad din ng sinapit ng mga bansang Mehiko at Argentina.

Datapwat sa kabuuan, si Claro M. Recto ay isang tunay na kapuri-puring estadista: makabansa at masugid na tagapagtanggol ng kalayaang sibil. Dahil sa kanyang pambihirang talino at masikhay na pag-aaral sa mga pangangailangan ng bansa, tiyak na kung mahigpit nang hiningi ng mga pagkakataon ay malalim niyang mauunawaan ang kakulangan ng kanyang naging mga pagtingin sa mga usapin ng repormang agraryo at dayuhang pautang. Kung naging pangulo sana siya, napakalaki ng kanyang magagawa upang paunlarin ang bansa.

Sa pagkakaroon ng ganitong kumbinasyon ng mga katangian, walang kapantay si Claro M. Recto sa lahat ng kumandidato sa pagkapresidente ng ating bansa--nauna man sa kanya o sumunod sa kanya. Dahil sa kanyang mataas na kakayahan at kahandaang tugunan ang mga pangangailangan ng bansa, siya lamang--sa lahat ng kumandidato sa pagkapresidente ng Pilipinas--ang may karapatang maging presidente ng bansa, sapagkat siya lamang sa kanilang lahat ang may ganitong katangian.

Kung kaya naman lubhang nararapat na isipin natin si Claro M. Recto bago natin sulatan sa balota ang espasyong nakalaan sa pangalan ng pipiliin nating maging susunod na pangulo. Siya ang dapat na maging sukatan ng sinumang kandidato sa pagkapangulo. Kung walang makapapasa sa mga pamantayan, makabubuti pang huwag nang bumoto ng sinuman sa mga kandidato sa panguluhan. Ganoon din naman iyon.

No comments: