ANG MGA 'ARTISTANG' FIL-AM AT ANG KONSEPTO NG PAGKA-PILIPINO
Sa press conference na ginanap sa kanyang pagdating sa Pilipinas nitong Miyerkules, sabik na sabik na sinabi ni Jasmine Trias na bagama't siya'y lumaki sa Estados Unidos, isa naman siyang Pilipino sa kaibuturan ng kanyang puso. At upang patunayan ito'y ibinahagi niya sa mga panatikong "mamamahayag" na dumalo sa kanyang kumperensiya na alam niya ang mga awiting "Ako ay Pilipino," "Mula sa Puso," at "Maalaala Mo Kaya."
Bagama't may kaibhan sa mga susunod na babanggiting halimbawa, ito'y nagpagunita sa amin ng madalas na pagkakalarawan ni Joyce Jimenez at ng magkapatid na Montero (Troy at KC)--mga Pilipinong laking-Estados Unidos na umuwi sa Pilipinas at dito'y sumikat bilang mga taga-showbiz--sa kanilang mga sarili bilang mga "Pilipinong-Pilipino rin naman," sapagkat sila raw ay mahihilig sa adobo't sinigang.
At ang kanilang mga panatiko sa pabatirang madla ay tuwang-tuwa naman sa tuwing maririnig sa kanila ang ganito, na kanilang ginagawang dahilan upang paliguan ng papuri ang mga taong nabanggit. At tayo'y makikiawit naman niyaong mga "Hosana."
Maraming dayuhan ang sa tuwing nakaririnig ng mga kantang likha ng mga Pilipino, o nakatitikim ng putaheng Pilipino, ay labis na natutuwa. Sila ba'y Pilipino na niyon?
Maaaring dahil sa tinukoy ni Renato Constantino na "lisyang edukasyon ng Pilipino," maaari rin namang dahil lamang sa ating labis na pagkapanatiko sa ating mga aktor at aktres na lumaki sa ibang bansa--at malamang na sa parehong dahilan--hindi natin nakikitang ang konsepto ng pagka-Pilipino ay may lubhang malalim na pinagmulan--higit pa sa mga insidental na binabanggit nina Trias at Jimenez at ng magkapatid na Montero upang ilarawan ang mga sarili bilang mga taong Pilipinong-Pilipino diumano.
Dati'y yaong Kastilang "Filipino" pa ang ginagamit, wala pa yaong salita sa isina-Pilipinong baybay na "Pilipino." Yaong "Filipino," sa kalakhan ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas, ay ginamit upang tukuyin ang mga insulares o creole, o yaong mga Kastilang isinilang sa Pilipinas; ang mga katutubong mamamayan ng Pilipinas ay "indio" kung tawagin noon.
Ang paggamit ng salitang "Filipino" upang tukuyin maging ang mga indio ay nagsimula sa Kilusang Repormang pinamunuan nina Marcelo del Pilar, Jose Rizal, at Graciano Lopez Jaena. Nakaangkla ito sa kanilang panawagang ang Pilipinas ay maging lalawigan ng Espanya sa halip na kolonya, upang ang mga orihinal na mamamayan ng kapuluan ay magkaroon niyaong mga karapatang tinatamasa ng mga Kastila. Ito, sa kanilang pananaw noon, ang magpapalaya sa mga Pilipino.
Ang pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan noong 1892 dahil sa diumano'y pagiging isang rebelde ay itinuring ng ilang kasapi ng Kilusang Reporma, tulad ni Andres Bonifacio, bilang kabiguan nito. Ito'y nanganak ng isang rebolusyonaryo namang kilusan, na ang adhikain ay ang paghiwalay ng Pilipinas sa Espanya.
Ang konsepto ng pagka-Pilipinong hinulma ng Kilusang Reporma ay dinala na rin ng rebolusyon nina Bonifacio, na sa kalauna'y tinangkilik ni Del Pilar.
Nakaugat ang konsepto ng pagka-Pilipino nating mga Pilipino sa makasaysayang pakikibaka ng ating mga ninuno para sa kalayaan. Ito'y pakikibakang nagpapatuloy magpahanggang sa mga araw na ito, ulit-ulitin mang ikatwirang noon pang 1998 natin ipinagdiwang ang sentenaryo ng ating "kalayaan."
Mismong si Hen. Dionisio Santiago, dating pinakamataas na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang umamin nang siya'y magretiro sa serbisyo noong 2003 na ang Pilipinas ay "tuta ng Amerikano." At siyang totoo.
Mismong ang ekonomistang si Hilarion Henares, Jr., na naging opisyal sa gobyerno ni Diosdado Macapagal, ay kumikilala at tumutuligsa sa hanggang ngayo'y paghahari ng mga Amerikanong kapitalista sa ating ekonomiya, bagay na nagsimula lamang na mangyari sa Pilipinas nang tayo'y sakupin ng Estados Unidos noong 1899.
Walang naging saysay ang pagkakaloob ng Estados Unidos ng "kalayaan" sa Pilipinas noong 1946. Sa pamamagitan ng iba't ibang "kasunduan," nanatiling tali ang kabuhayan ng Pilipinas sa dikta ng Estyados Unidos, na pumipigil sa ating industriyalisasyon upang walang makalaban ang mga empresa nito sa ating lupain.
Ang mga empresang ito ay malakas umubos ng ating kapital. Umaangkat lamang ang mga ito ng hilaw na materyales, at pagkatapos ay magbibili sa atin ng mga semi-processed good na sapagkat may higit nang lakas-paggawang nakapaloob ay higit nang mahal. Higit ang ating ginagastos sa pag-aangkat ng mga semi-processed good kaysa kinikita sa pagluluwas ng mga hilaw na materyales.
Dahil patuloy ang pagkalagas ng ating kapital sa ganitong proseso, napipilitan tayong mangutang sa mga ahensiyang multilateral tulad ng International Monetary Fund at World Bank (IMF-WB) upang mapunan ang nawawala. Ginagamit naman ng IMF-WB ang ating mga utang upang patawan tayo ng mga patakarang higit na magtatali sa atin sa mga interes ng mga kapitalistang Amerikano. Ang Estados Unidos ang pinakalamaking donor ng WB at siyang pinakamaimpluwensiyang kasaping bansa nito.
Awtomatikong impluwensiyado ng Estados Unidos sa ganito pati na ang ating pulitika. Nakikialam pa nang tuwiran ang Estados Unidos sa pamahalaan upang tiyakin ang paghahari ng mga kampon ng mga ekonomikong interes nito. Gunitain natin kung paanong muntik nang matanggal sa MalacaƱang si Carlos P. Garcia, dahil sa isang kudetang tinangkilik ng Estados Unidos, nang siya'y magpatupad ng Patakarang Pilipino Muna sa ekonomiya.
Iniimpluwensiyahan din ng Estados Unidos ang ating kultura sa paraang mangingibabaw sa pambansang kamalayan ang pagtataguyod sa neokolonyal na disenyo nito sa Pilipinas.
Ang kanila mismong mga transnasyunal na korporasyon ay tumatangkilik, sa pamamagitan ng mga anunsiyo, sa mga proyektong kultural at pampabatirang kundi man tahasang nagtataguyod sa "pilosopiyang" neokolonyalista ay hindi naman bumabangga rito. Nariyan din ang mga patakarang may kinalaman sa edukasyon na kailangang ipatupad ng pamahalaan upang makapangutang ito sa IMF-WB.
Ang kanilang mga foundation tulad ng Ford at Rockefeller ay nagbibigay ng mga akademiko at kultural na grant sa mga tao't institusyong napipisil nilang maaaring magkaroon ng malaking impluwensiyang intelektuwal sa madla. Sa mga naturang grant ay hinuhulma ang mga tao't institusyong ito sa doktrinang makaneokolonyalismo.
Sa gitna ng lahat nito, nananatili ang makasaysayang hamon ng pagka-Pilipino: ang ipaglaban sa anumang paraang makakaya ang paglaya ng Pilipinas sa isang kolonyal na kaparaanan ng pag-iral. Ito'y hamong unang isinatinig nina Del Pilar, Rizal, at Lopez Jaena; ito'y hamong ipinagpatuloy nina Bonifacio. Naglalagablab hanggang ngayon ang hamong ito, at ang pagtalima o di-pagtalima rito ang magpapasya kung ang isang taga-Pilipinas ay tunay nga bang Pilipino o hindi.
Sa katunaya'y may mga taong walang dugong Pilipino na napatunayan nang higit pang Pilipino kaysa maraming tagarito mismo. Halimbawa ng mga ito'y sina Dr. Wim de Ceukelaire ng Belgium, Fr. Peter Geremia ng Italya, at Sr. Mary Grenough ng Estados Unidos: sila'y matatapat na kaisa't malalapit na kaibigan ng mga mamamayang Pilipinong nakikipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas.
Isang nagsusumigaw na kaistupiduhan ang ikupot ang konsepto ng pagka-Pilipino sa sala't kusina.
No comments:
Post a Comment