Sunday, July 14, 2002

Bayad-Utang

Bahagi ng kasaysayan ng Ikatlong Daigdig ang malaking utang na panlabas. Isa itong walang katapusang tanikalang nakabilibid sa mga bansa ng Ikatlong Daigdig.

Dahil sa mga programang pang-ekonomiyang supling ng kolonisasyon at neokolonisasyon, ang mga bansa ng Ikatlong Daigdig ay nasadlak sa matinding kahirapang dala ng pangangaunti ng kapital ng mga ito. Dahil dito, kinailangan ng mga naturang bansa ang mangutang upang mapunan ang pagkawala ng kapital. Samakatwid, ang utang na panlabas ay maaari sanang gamitin upang pagaanin ang mabibigat na kalagayan ng mahihirap na bansa.

Datapwat ang kapangyarihang dulot ng kakayahang magpautang ay sinamantala ng mayayamang bansang siyang namumuno sa mga panlabas na institusyong tagapautang upang higpitan ang pagkakabilibid ng Ikatlong Daigdig sa neokolonyalismo. Ginawa nilang kundisyon sa bawat pautang ang pagpapatupad ng mga patakarang higit na nagpapatibay sa neokolonyal na kaayusan. Dahil dito, sa halip na magpaalwan sa kalagayan ng Ikatlong Daigdig ay lalong pinasidhi ng mga utang na panlabas ang kalagayan nito. Umabot ang lahat sa yugtong maging ang mga pangangailangan ng sambayanan tulad ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan ay isinasakripisyo na alang-alang sa utang na panlabas.

Dahil dito, ang patuloy na paniningil ng utang na panlabas sa Ikatlong Daigdig ay umaani ng patindi nang patinding pagtutol mula sa iba't ibang sektor sa buong mundo. Umabot ang lahat sa pagsilang ng isang kampanya upang wakasan ang paniningil ng utang na panlabas sa mga bansa ng Ikatlong Daigdig.

Isa sa mga bunga ng kampanyang ito ang Jubilee Debt Campaign, na pinangungunahan ng mga iba't ibang militanteng grupo sa Gran Britanya at Hilagang Ireland. May mga katulong na pangkat sa iba't ibang bahagi ng mundo ang mga nasabing pangkat.

Isa sa mga gawain ng Jubilee Debt Campaign ay ang pagpapalaganap at pagpapalagda ng isang petisyong iniuukol sa Reyna ng Inglatera. Ang pamahalaan kasi ng Gran Britanya at Hilagang Ireland ay isa sa mga nangunguna sa pandaigdigang kampanya laban sa paniningil ng utang na panlabas sa mga bansa ng Ikatlong Daigdig. Layon ng petisyon ang ipakita sa pamahalaan ng Gran Britanya at Hilagang Ireland kung gaano kalaki ang pagtangkilik sa kampanya laban sa utang na panlabas sa buong mundo.

May elektronikong bersiyon ang petisyong ito, na maaaring lagdaan sa website ng Jubilee Debt Campaign. Halina't ating idagdag ang tinig natin.

No comments:

Post a Comment