Thursday, July 18, 2002

Kainin ang Shorts

Alam na nating ang ating industriya ng pelikula'y masasabing talagang nangangailangan ng dugo kung kultural na kahalagahan ang pag-uusapan. Gasgas na ang mga linya't eksena'y wala pang silbi ang mga tema. Iilan lang na direktor, tulad nina Lav Diaz at Tikoy Aguiluz, ang nagsisilbing mga ilaw sa karimlan ng ating pelikula.

Parang wala halos na pag-asa ang ating pelikula. Ngunit mayroon din naman.

Sa NU TV ay may palabas na ang pamagat ay Eat My Shorts. Dito'y itinatanghal ang maiikling independiyenteng produksiyong pampelikula. Karamihan sa mga itinatanghal dito'y mga gawa ng mga estudyante at mga bagong-tapos ng kursong film.

Maiikli nga lang ang mga itinatanghal dito--karamiha'y hindi lumalampas sa sampung minuto. Datapwat tunay na malalaman ang mga ito--higit pang malaman kaysa sa karamihan sa mahahabang pelikulang nasa mainstream cinema ng Pilipinas, kung paanong ang isang supot na nilagyan ng limang kilong bigas ay higit pang malaman kaysa isang sakong nilamnan ng tatlong takal. Nakaugat sa mga totoong kaganapan sa ating paligid ang mga tema ng mga ito--pawang tumatalakay sa mga kasuklam-suklam na bagay sa ating paligid tulad ng kahirapan at ng mga huwad na pamantayan ng ating lipunan.

Iilan lang ang mga kilalang artistang nakaganap na sa mga produksiyong ito, halimbawa'y sina Vangie Labalan at Jun Urbano. Karamiha'y mga kamag-aral o kabarkada ng mga gumawa ng mga pelikula at may ibang waring kinuha lamang mula sa tabi-tabi. Ngunit higit na mahalaga ang kanilang ginagawa kaysa sa kalakhan ng ginagawa sa mainstream cinema sapagkat kanilang nabibigyang-hugis at nalalagyang-kulay ang mga bagay na hindi pinangangahasang itala ng karamihan sa ating mga pelikula.

Maganda ang nagagawa ng Eat My Shorts di lamang sapagkat nakapagbibigay ito ng matinong panoorin kundi naipakikita nitong may kulturang buhay sa Pilipinas bukod sa mga eskapistang pelikulang malalaki nga'y wala namang laman.

Higit sa lahat, naipakikita nitong may pag-asa pa ang industriya ng pelikula sa Pilipinas. Batay sa mga nangyayari, lumilitaw na ang pag-asang ito'y nasa mga independiyenteng manlilikha ng pelikula.

No comments:

Post a Comment