Wednesday, August 14, 2002

Ano ang Mangyayari sa Ating Edukasyon?

Hindi na kaipala kailangang itanong kung ano ang mangyayari sa ating edukasyon sa pagbibitiw ng Kalihim ng Edukasyon na si Raul Roco, sapagkat kung magsusuri lang tayo nang kaunti'y malalaman nating matagal nang pinagpapasasaan ng mga baboy ang ating edukasyon.

Mahigit sa limampung taon na tayong tinuturuang ang Rebolusyong 1896 ay likha ng klase ilustrada, kahit na bagama't maami sa mga namuno nito ay galing sa naturang uri, naging mahalagang salik ang paglahok ng batayang masa ng ating lipunan sa tagumpay nito.

Mahigit sa limampung taon na tayong tinuturuang ang mga Amerikano ay nagtungo sa ating lupain upang iligtas tayo sa mga Kastila. Sa ganito'y iwinawaglit ng ating edukasyon ang pag-amin ng isa mismong Heneral ng Hukbong Amerikano na nang matapos ang Rebolusyon ay ang Maynila at ang Cavite lamang ang hawak ng mga Amerikano at ang iba pang bahagi ng Pilipinas ay hawak ng mga Pilipino. Sa ganito'y iwinawaglit ng ating edukasyon ang mga kaimpaktuhang pinaggagawa ng mga Amerikano nang tutulan ng sambayanang Pilipino ang kanilang pang-aagaw ng ipinagwaging kalayaan.

Sa pamamagitan ng mga aklat-araling ang pagsusulat at paglalathala'y pinopondohan ng World Bank, tinuturuan tayong ang ating baya'y itinalaga ng kalikasan upang habang panahong umasa sa dayuhang puhunan, kahit na ipinakikita ng ating maikling karanasan sa patakarang Pilipino Muna ni Carlos P. Garcia, gaano man kalimitado ito, na napakalaking kabutihan ang maidudulot ng makabansang industriyalisasyon; at kahit na ipinakikita ng mga karanasan ng mga bansa sa Amerika Latina, lalo na ng Mehiko, na ang walang patumanggang pag-asa sa dayuhang puhunan ay walang naidudulot na mabuti.

At bukod pa riyan, pinapag-aaral lamang tayo ng ating edukasyon upang matuto ng mga gawaing kapaki-pakinabang sa mga transnasyunal na korporasyon. Hindi tayo pinapag-aral upang makilala ang ating mga sarili.

Pinakamalaking patunay nito ang munting sarbey na isinagawa ni Love AƱover kamakailan ukol sa kanilang programang The Probe Team. Nakita sa munting sarbey na yaon na kayrami sa atin ang hindi nakatatalos ng kahalagahan ng pambansang wika--ang magsilbing pangkaisipang buklod ng ating lahi at kapahayagan ng ating paraan ng pagtingin sa mundo batay sa ating pangkasaysayang karanasan--at lubhang marami pa ang ni hindi nakaaaalam ng kung ilang titik mayroon ang ating alpabeto. Ang nakasusulukasok pa rito, marami ang ni hindi nakababatid ng kung ano ba yaong tinatawag na Linggo ng Wika, na sa ganang ami'y hindi na kailangang ipaliwanag.

At lalo pa nating makikita ang lawak ng pagkakatiwalag natin sa ating ka-Pilipinuhan kung matatandaang kamakaila'y namatay sina Levi Celerio, Lucio San Pedro, at Franz Arcellana--mga makabayang tagapagpanday ng kulturang Pilipino--nang hindi napapansin, gayong kayraming balita ang iniuukol sa pagbabangayan nina Joey Marquez at Alma Moreno, pagtungo ni Kris Aquino sa Estados Unidos, at sa napabalitang pagpapaopera ni Maui Taylor sa dibdib. Banggitin mo nga ang mga pangalang Levi Celerio, Lucio San Pedro, at Franz Arcellana, at malamang sa hindi'y makatatanggap ka ng tugong, "Sino sila?"

Kailangan pa ba nating itanong kung ano ang mangyayari sa ating edukasyon? Ano pa ang maaaring mangyari rito?

No comments:

Post a Comment