Tessie Oreta, Edukadora?
Matagal na ngang pinagpapasasaan ng mga baboy ang ating edukasyon, hindi pa nasiyahan ang mga namamahala at ngayo'y ibibigay pa ito sa mga ipis at bulati at uod at langaw.
Sa isang banda'y mahirap-hirap ding patawarin ang kinalaman ni Raul Roco sa pagpatupad ng Millennium Curriculum, na nagpapataas pa sa malala nang Amerikanisasyon ng ating edukasyon. Datapwat kailangan din namang kilalanin ang mga munting kabutihang nagawa niya, tulad ng pagtatanggal sa puwersahang paniningil ng kontribusyon sa mga magulang ng mga batang magpapatala sa mga paaralang pampubliko.
Sa kabuua'y masasabing ang Kagawaran ng Edukasyon ay maaari sanang inilagay sa higit pang mabubuting kamay kaysa sa mga kamay ni Raul Roco--bagama't ang kanyang mga kamay ay maituturing din namang hindi naman kasindumi ng mga kamay niyaong hangal na nagpapasok sa World Bank sa sistema ng ating edukasyon noong dekada 1980, bagay na nagpataas sa katangiang kolonyal ng ating edukasyon, at pagkatapos niyon ay nagkaloob pa sa ating mga pamantasan ng Education Act of 1982, na nagtatadhanang ang mga ito'y ay maaaring magtaas nang magtaas ng matrikula taun-taon kahit na walang matinding kadahilanan kapalit ng pagpapatupad ng kagaguhang kurikulum na isinaksak ng World Bank sa baga ng ating sistemang pang-edukasyon.
Datapwat kung binabalak nilang ipalit si Senadora Tessie Oreta kay Raul Roco sa pagiging Kalihim ng Edukasyon, ay! kahabagan ng tadhana ang bayang ito.
Anong edukasyon ang paiiralin ng isang Senadorang noong 1999 ay walang kahihiyang bumoto nang sang-ayon sa Visiting Forces Agreement, na nagbibigay ng mga pribilehiyong ekstrateritoryal at ekstrahudisyal sa mga tropang Amerikano?
Anong edukasyon ang paiiralin ng isang Senadorang nang manalo ang botong panig sa pagkukubli sa katotohanan noong nililitis sa Senado ang butihin at pantas na noo'y Pangulong si Joseph Ejercito Estrada ay nagsasayaw na waring isang belyas na nang-aakit ng mga hayok na kostumer na pinanunuluan ng laway sa isang beerhouse?
Ipinakikita ng nangyari kina Herbert Ocampo at Acsa Ramirez ang napakababa na ngayong kinasasadlakan ng lipunang itong may kapal pa ng pagmumukhang magsabi sa mga nagnanakaw ng ilang pirasong tinapay dahil sa desperasyong dulot ng labis na karalitaan na dapat silang magsisi sa kanilang mga kasalanan, na para bang ang kawalang-bahala sa paniniil ng tao sa taong siya nitong nagsusumigaw na kalakaran ay hindi isang walang kapatawarang kasalarinan. Hahayaan na lamang ba nating lumubog pa ito sa pamamamagitan ng paglalagay ng edukasyong isang pangunahing tagapaghubog ng kamalayan nito sa mga kamay na nanggigitata sa dugo ng bayan?
No comments:
Post a Comment