Kaming Nagsusuot ng Butas na Maong
Kaming nagsusuot ng butas na maong
ay lagi't laging pinauulanan ng mga halakhak,
dili kaya'y ginagamit na patabang pampausbong
ng bulong sa lupa ng mga labi.
Ngunit ang mga halakhak at bulong na iyan
ay parang mga basketbol na tumatalbog
sa tuwing tatama sa aspalto
ng aming mga pandinig at paningin,
pagkat butas mang maong ang aming pantalon
ay hinabi naman ang mga ito
sa sinulid ng sarili naming pawis,
di tulad ng ibang mamahaling pantalong yari
sa binarat na sahod ng kung sinong manggagawa,
dili kaya'y sa bukid na kinamkam
mula sa kung sinong magsasaka,
o kaya nama'y sa gintong inumit
mula sa baul ng bayan.
No comments:
Post a Comment