Pagpaslang sa Katotohanan
Ilang araw bago ipalabas sa pabatirang madla ang nakapagtatakang biglang pagkahulog ng Baghdad sa mga kamay ng koalisyon (na ayon sa ilang manunuri sa Gitnang Silangan ay senyales na ipinagbili nina Saddam Hussein ang digmaan, pagkat nakapagtataka raw na bigla ngang bumagsak ang naturang lunsod sa gitna ng lubhang masigasig na pakikipaglaban ng mga Iraqi), dalawang peryodista ang napatay sa isang pambobomba.
Ang may kagagawan ng pambobomba ay ang mga puwersa ng Estados Unidos. Ito namang mga peryodistang napatay ay kapwa hindi Amerikano.
Sinasabi ng mga tagapagsalita ng militar ng Estados Unidos na pinatamaan ng bomba ang otel na tinitigilan ng mga peryodistang napatay sapagkat ang mga sundalo nila'y binabaril ng mga sniper mula roon at kinailangan nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Datapwat marami ang nagpapasinungaling sa pahayag na ito ng militar ng Estados Unidos. Maraming peryodista ang nasa paligid nang mangyari iyon, at kitang-kita nilang walang namamaril mula sa naturang otel. Pinakakapani-paniwala ang testimonya ni Robert Fisk, na noo'y nagmamaneho sa pagitan ng kinaroroonan ng mga sundalong Amerikano at ng otel. Ayon sa kanya'y walang sniper sa naturang otel.
Bukod pa rito'y tukoy ng militar ng Estados Unidos na ang naturang otel ay tinitigilan ng mga peryodista.
Kagaya ng nasabi na, ang mga nabiktima ng pambobombang ito ay hindi mga Amerikano. Alam nating lahat na ang pag-uulat ng mga peryodista ng mga ahensiyang hindi Amerikano ay higit na obhetibo kaysa sa CNN at Fox News, sapagkat higit nilang ipinakikita ang kawalang-batayan ng digmaang ito at ang malawakang pamiminsala at pagpatay sa mga sibilyan.
Maliwanag na sinadya ang pagpaslang na ito sa mga peryodistang naroon sa otel na iyon. Pagpatay ito sa mga pagpapahayag ng katotohanan sa likod ng mga kasinungalingan nina George W. Bush, Colin Powell, Condoleezza Rice, Donald Rumsfeld, at Tony Blair.
Ang pambobomba sa naturang otel ay isang karumal-dumal na kasalarinan ng isang pamahalaang nagtatanggol daw sa karapatang pantao.
No comments:
Post a Comment