Si Kristo at si Erap
Si Atty. Raymund Fortun ang unang gumawa nito. Subalit hindi pala siya ang huling gagawa nito.
Ayon sa isang ulat sa Philippine Daily Inquirer sa araw na ito, isa sa mga abugadong hinirang ng hukuman upang ipagtanggol ang pinatalsik na Pangulong Joseph "Erap" Ejercito Estrada sa kanyang kasong pandarambong ang naghambing sa kanya kay Kristo. Ayon kay Atty. Prospero Crescini, may mga "pagkakahawig" ang kung paano inusig si Kristo at kung paanong si Erap ay pinatalsik at sinampahan ng kaso sa salang ang kaparusaha'y kamatayan.
"Si Hesu Kristo ay nilitis dahil ang mga puitiko at lider-relihiyoso ay nainggit sa kanyang popularidad," ani Atty. Crescini. "Masasabi rin ang ganito sa mga pulitiko at lider-relihiyoso ngayon (sa kaso ni Estrada)."
Sa ganang isang Kristiyano, labis na nakapagpapanting ng tainga ang marinig ito lalo na't bukas ay Huwebes Santo na.
Kahit na ang pagbabatayan lamang ng pagtingin kay Kristo ay ang Bibliya, kung saan tila maraming datos tungkol sa buhay ni Kristo ang hindi naisama, makikitang si Kristo'y inusig ng mga awtoridad dahil sa kanyang pagsusulong ng isang pananampalatayang taliwas sa ipinangangalandakan ng mga Pariseo, na tumatangkilik sa kolonyal na awtoridad ng imperyong Romano sa Israel. Makikita sa mga Ebanghelyo na ang kaisipang inihasik ni Kristo ay nagtuturong ang lahat ng tao'y "mga kapatid ng isa't isa," ibig sabihi'y magkakapantay--malinaw na nagpapahiwatig na walang sinuman ang may karapatang manakop at maniil sa iba.
Sa isang artikulong sinulat naman ni Quijano de Manila sa Philippine Graphic noong 2000, sinabi niyang ang pagpapako sa krus--na ipinataw kay Kristo--ay isang kaparusahang iniuukol lamang sa mga rebelde. Ipinako raw sa krus si Kristo sapagkat siya'y nagrebelde laban sa imperyong Romano at sa mga alila nitong iilang masalapi sa lipunang Israelita.
Samantala, sa proseso ng pamumuno ni Erap sa pamahalaan ng Pilipinas ay lumitaw ang katakut-takot na katibayang ang salapi ng bayan ay kanyang inangkin upang pakinabangan niya at ng kanyang mga kamag-anak, kalaguyo, at kainuman. Ang salaping dapat sana'y inilaan sa mga serbisyong panlipunan tulad ng pabahay, kalusugan, at edukasyon ay napunta sa pagpapatayo ng magagarang mansiyon ukol sa kanyang pamilya at mga "pamilya" at sa mga pagsusugal at paglalasing niya at ng kanyang mga kabarkada.
Kung may nabubuhay pa sa mga naging guro ni Atty. Prospero Crescini, hindi masisisi ang mga ito sakaling sabihin nilang hindi, hindi nila kailanman naging estudyante ito.
No comments:
Post a Comment