Sunday, September 24, 2006

ANG MAMAMAHAYAG AT ANG PAGBABAGO
Alexander Martin Remollino

Batay sa isang pananalita ng may-akda sa Media Summit na isinagawa ng UP College of Mass Communication Student Council noong Setyembre 22, 2006


Yaong naghahatid sa atin ng balitang-"artista" sa isa sa mga pangunahing istasyon sa telebisyon ay nagtapos sa De La Salle University (DLSU), bagama't ilang taon bago iyon ay nakikita-kita ko siya sa pinanggalingan kong pamantasan, ang University of Santo Tomas (UST). Yaong katapat niya sa kabilang istasyon ay kilala ng karamihan sa atin bilang nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Sa pangyayaring ang kanilang mga segment ang itinuturing na pangunahing mga bahagi ng kani-kanilang programang pinagtatrabahuhan, natitiyak nating marami pa ang susunod sa kanilang mga yapak.

Isang napakalaking insulto ang pangyayaring sa isang bansa kung saan 14 lamang sa bawat bata ang tiyak na makapagtatapos ng kolehiyo, batay sa mga estadistikang nakalap ng Jubilee Action, ay marami ang nagbubuhos ng pera sa pamahal-nang-pamahal na matrikula sa ating mga dalubhasaan at pamantasan upang pagkatapos ng apat na taon o mahigit pa ay maghatid sa atin araw-araw ng "balita" tungkol sa kung ano ang huling pinag-awayan nina Ruffa Gutierrez at Yilmaz Bektas. Ni hindi kailangang makatuntong ka sa haiskul upang gumawa ng ganitong "trabaho," ay bakit kailangan pang ipagkolehiyo, at sa Pilipinas pa kung saan kayraming may talino't malaki sana ang maiaambag sa pag-unlad ng bansa na hindi makatapos ng kolehiyo dahil hanggang kung saan lamang sila kayang dalhin ng mga scholarship kung sila'y lubhang mahirap?

Sana'y inihagis na lamang nila kung saan ang kanilang ipinangmatrikula, at baka napulot at napakinabangan pa ng sandamukal na bata sa bansang ito na ni hindi makapasok sa mga pampublikong mababang paaralan dahil ni pambili ng papel ay wala sila.

Lalong nakaiinsulto ang pagkakaroon ng mga kagaya nila sa harap ng pangyayaring kayraming dapat ibalita sa bansang ito na halos hindi maibalita nang maayos dahil kulang ang ispasyo sa mga pahina man o sa himpapawid -- sapagkat ang ispasyo'y kinakain nang kinakain ng mga "balita" hinggil, halimbawa, sa pagkatiyak ni Kris Aquino na siya'y nabuntis na nga ni James Yap. Tinatawag na mga "mamamahayag" ang mga naghahatid sa atin ng mga "balitang" ito at hindi ko maunawaan kung bakit.

Kabilang sa mga dapat ibalita na halos hindi maibalita nang maayos ang talamak na paglabag sa karapatang pantao. Nariyan ang mga pandarahas sa mga kababayan nating nagtitipon at nagpapahayag sa lansangan alang-alang sa matwid na mga kahingian, nariyan ang panggigipit sa mga ahensiya ng midya.

Isang buhay na saksi, halimbawa, si Ed Lingao sa panggigipit sa mga ahensiya ng midya.

Isang dokumentaryong inihanda nila para sa palatuntunang Frontlines ng ABC 5 ang kamakaila'y binigyan ng "X" rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). Ang naturang dokumentaryo'y tungkol sa isang baryong impluwensiyado ng New People's Army (NPA) sa Bicol.

Ayon sa mismong mga datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB), ang Bicol ang ikaapat na pinakamahirap na rehiyon sa Pilipinas. Ito rin ay isa sa mga rehiyon kung saan pinakamalakas ang NPA, ayon mismo sa ating kagalang-galang na Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa isang rehiyon kung saan naging ugali na ng mga sundalo ang sa tuwing daraan sa mga baryo'y basta na lamang mananakit ng mga residente, dili kaya'y papasok sa kanilang mga dampa sa madaling-araw at ang mga wala na nga halos makain ay nanakawan pa ng pagkain, masisisi ba ang mga mamamayan kung sila'y magkaroon man ng simpatiya sa mga grupong kagaya ng NPA?

Ganito ang mga tanong na nais ihapag sa atin ng naturang dokumentaryo nina Ed, na binigyan ng MTRCB ng "X" rating. Ayon sa MTRCB, ang sinesensura nilang mga palabas ay yaong anila'y "malaswa." Hindi ko mawari kung ano ang malaswa sa isang dokumentaryong nagpapakita ng katotohanan tungkol sa isang bahagi ng ating lipunan.

At ito'y bahagi nga lamang ng pangkalahatang katotohanang kinakaharap ng ating bansa sa araw-araw.

Tayo'y nagdiwang daw ng sentenaryo ng ating kasarinlan noong 1998, ngunit ang ating patakarang panlabas ay iginaya lamang sa patakarang panlabas ng Estados Unidos, kaya sinumang makaaway nila ay dapat na kaaway rin natin kahit hindi natin kailangang makaaway; at ang ating patakarang pang-ekonomiya'y isinusunod sa mga patakaran ng International Monetary Fund at World Bank (IMF-WB), mga multilateral na institusyong pinamumunuan ng Estados Unidos. Mahigit sa 80 porsiyento ng ating mga kababayan ang nagbabaluktot ng gulugod nang maghapon-magdamag sa mga bukirin at pabrika, upang pagkatapos ay mag-uwi ng kitang barya-barya lamang. At nariyan nga ang laganap na kawalang-paggalang sa mga karapatang pantao.

Sa yugtong ito, makabubuti marahil na ipagunita sa ating lahat ang naging papel ng mga mamamahayag sa mga kilusan sa pagbabago sa ating kasaysayan.

Noong panahon ng mga Kastila, malaki ang naging papel ng diyaryong La Solidaridad –- kung saan ang lalong napabantog na mga manunulat ay sina Marcelo del Pilar, Jose Rizal, at Graciano Lopez Jaena –- sa Kilusang Repormista. Nang mabigo ang kampanya para sa mga reporma, nanguna naman sa pagpapalaganap ng panawagan para sa himagsikan ang pahayagan ng Katipunan, yaong Kalayaan, na pinamatnugutan ni Emilio Jacinto.

Sa panahon ng tuwirang pananakop ng mga Amerikano, nariyan ang mga pahayagang kagaya ng El Renacimiento at Muling Pagsilang; ang mga mamamahayag na katulad nina Fidel Reyes, Apolinario Mabini, Aurelio Tolentino at Jose Corazon de Jesus na naghasik ng mga kaisipang makabayan at tutol sa mga bagong mananakop na upang makapanakop ay nagpanggap na mga manunubos. Malaki ang naiambag nila sa kampanya ukol sa kasarinlan.

Noon namang panahon ng mga Hapones, sangkatutak ang mga lihim na pahayagang sumalungat sa aktibong propaganda ng Japanese Imperial Army. Nanguna sa mga ito ang Katubusan ng Bayan ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) at Free Philippines ng Civil Liberties Union (CLU).

Noong huling hati ng dekada 1940 at unang hati ng dekada 1950, namayagpag ang mga editor at kolumnistang tulad nina Amado V. Hernandez, Renato Constantino, at Armando J. Malay na mapangahas na nagsulong ng nasyunalismo sa panahong ang salitang ito'y ginagawang katatakutan. Ang mga inihasik nila ay ambag sa pagyabong ng isang malaking kilusang protesta nang sumunod na dekada, na kinabilangan at ipinamandila rin ng mga mamamahayag na tulad nina Antonio Zumel, Satur Ocampo, Luis Teodoro, at Jose Lacaba.

Sa mga unang taon ng Batas Militar, nagkatusak ang mga lihim na pahayagang sumalungat sa mga kasinungalingang ipinakalat ng diktadurang Marcos. Nang makabawi ng lakas ang ligal na oposisyong sinupil ng rehimeng Marcos, lumitaw naman ang tinatawag na mosquito press, na pinangunahan ng Pahayagang Malaya at We Forum, at ng Philippine Daily Inquirer.

Sa mga taon pagkatapos ng pagpapabagsak sa diktadura, may mga mamamahayag na nagpatuloy at nagpapatuloy pa rin ng ganitong tradisyon ng isang bahagi ng pabatirang-madla sa ating bansa.

Sa dakong huli, mainam na mag-iwan ng isang tanong sa mga batang nagnanais o nag-iisip na maging mga mamamahayag pagdating ng panahon. Ibig ba nilang maging mga mamamahayag na, sa wika nga ni Jacinto, ay mga "kahoy na walang lilim" –- o nais ba nilang maging bahagi ng isang mahabang linya ng mga mamamahayag sa ating kasaysayan na nagsulong at nagsusulong pa rin ng pagbabago sa ating bansa?

No comments: