Gabi ng Tatlong Tala
Dati-rati’y karaniwang araw lamang ang Setyembre 15. Hindi ito ang anibersaryo ng pagpapatalsik sa mga base militar ng Estados Unidos sa Subic at Clark. Hindi ito ang anibersaryo ng pagkakapahayag ng batas militar.
Ngunit kakaiba ang gabi ng nagdaang Setyembre 15. Gabi itong ipinalabas sa telebisyon ang isang pagpupugay sa tatlo sa ating mga yumaong Pambansang Alagad ng Sining: sina Maestro Lucio San Pedro, Mang Levi Celerio, at Ka Atang de la Rama. Ang nasabing pagpupugay ay isinagawa ilang gabi bago ito ipinalabas sa telebisyon.
Bago pa man ipalabas ito’y may kaunti na kaming alam tungkol sa tatlong dakilang alagad na ito ng ating sining, na kung hihiramin natin ang wika ng manunulat na si Alberto Florentino ay matatawag nating mga “Pambansang Hiyas”.
Alam naming si Maestro Lucio ay isang tagapagsulong ng tinatawag na “malikhaing nasyunalismo” at bukod sa paglikha rin ng mga lirikong makabayan ay binigyang-buhay rin niya sa pamamagitan ng kanyang musika ang maraming makabayang titik, kagaya halimbawa ng “Alamat ng Lahi” na sinulat ni Amado V. Hernandez.
Alam naming si Mang Levi, bukod sa pagiging isang pantas sa pagpapaawit sa mga bagay na hindi natin kailanman inasahang pagmumulan ng musika, tulad ng dahon at lagari, ay nakalikha rin ng magagandang kanta o mga titik ng kantang nagpapahayag ng buhay ng Pilinino—ang kanyang pag-ibig, halimbawa’y sa mga kantang “Saan Ka Man Naroon” at “Kahit Konting Pagtingin”; ang kanyang mga Pasko, halimbawa’y sa kantang “Ang Pasko ay Sumapit”; at maging ng kanyang pang-araw-araw na pamumuhay, halimbawa’y sa kantang “Kalesa”.
Alam naming si Ka Atang ay isa sa mga kauna-unahang kumanta—kundi man siya ngang kauna-unahang kumanta—ng “Bayan Ko”, at bukod pa riyan ay alam namin ang ginawa niyang pagpapakilala ng Pilipinong sining sa buong mundo sa pamamagitan ng kanyang matimyas na tinig. Alam din naming lumabas siya sa sarsuwelang “Dalagang Bukid” at sa bersiyon nitong pampelikula, kung saan niya nakatambal ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na lalong kilala sa bansag na Huseng Batute.
Subalit sa pagpupugay na nabanggit, na pinamagatang Lagi Kitang Naaalala, napagmasdan namin nang higit na malapitan ang tatlong ito.
Bukod pa rito, sa mahigit sa dalawang oras ng mga kantang likha nina Maestro Lucio at Mang Levi at binigyang-buhay ni Ka Atang, nakita namin ang isang malaking limot na bahagi ng kulturang Pilipino. Kung maghahanap tayo ng kulturang Pilipino, hindi na natin kailangan pang lumayo—kailangan lamang na balikan ang mga himig nina Maestro Lucio, Mang Levi, at Ka Atang, at kagyat nating makikita ang ating hinahanap. Nasa kanilang mga himig ang musikal na kapahayagan ng buhay-Pilipino.
Tumpak ang pagkakapalabas ng isinagawang pagpupugay kina Maestro Lucio, Mang Levi, at Ka Atang. Dahil dito’y higit na malawak ang nakasaksi sa kanilang iniambag sa ating kultura. Bukod pa sa rito, sa isang panahong ang mapagdirinig sa himpapawid ay mga “Bakit Papa?”, “Kahit Gaano Kalaki”, at iba pang kauslakang nagpapanggap na mga kanta, makabubuting balikan ang kanilang ibinigay na talino upang malaman kung gaano na kalalim ang nilubugan ng ating musika.
Monday, September 16, 2002
Sunday, September 15, 2002
Kaming Nagsusuot ng Butas na Maong
Kaming nagsusuot ng butas na maong
ay lagi't laging pinauulanan ng mga halakhak,
dili kaya'y ginagamit na patabang pampausbong
ng bulong sa lupa ng mga labi.
Ngunit ang mga halakhak at bulong na iyan
ay parang mga basketbol na tumatalbog
sa tuwing tatama sa aspalto
ng aming mga pandinig at paningin,
pagkat butas mang maong ang aming pantalon
ay hinabi naman ang mga ito
sa sinulid ng sarili naming pawis,
di tulad ng ibang mamahaling pantalong yari
sa binarat na sahod ng kung sinong manggagawa,
dili kaya'y sa bukid na kinamkam
mula sa kung sinong magsasaka,
o kaya nama'y sa gintong inumit
mula sa baul ng bayan.
Kaming nagsusuot ng butas na maong
ay lagi't laging pinauulanan ng mga halakhak,
dili kaya'y ginagamit na patabang pampausbong
ng bulong sa lupa ng mga labi.
Ngunit ang mga halakhak at bulong na iyan
ay parang mga basketbol na tumatalbog
sa tuwing tatama sa aspalto
ng aming mga pandinig at paningin,
pagkat butas mang maong ang aming pantalon
ay hinabi naman ang mga ito
sa sinulid ng sarili naming pawis,
di tulad ng ibang mamahaling pantalong yari
sa binarat na sahod ng kung sinong manggagawa,
dili kaya'y sa bukid na kinamkam
mula sa kung sinong magsasaka,
o kaya nama'y sa gintong inumit
mula sa baul ng bayan.
Subscribe to:
Posts (Atom)