Saturday, October 26, 2002

Patak ng Unos

Isang gabi iyong hindi gayon kadaling lalamunin ng halimaw ng paglimot. Gabi iyong nagtipun-tipon ang may mahigit sa tatlumpung kasapi ng No to War, Yes to Peace Coalition sa harap ng Embahada ng Estados Unidos.

Ang No to War, Yes to Peace Coalition ay binubuo ng iba't ibang tao mula sa iba't ibang sektor ng lipunan at blokeng pampulitika na pinapagbuklod-buklod ng mga lagda nila sa isang pahayag na umikot sa Internet kamakailan, isang pahayag na nananawagan ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front. Mula roo'y madaling lumalim ang panawagan ng naturang pangkat at napadako sa pananawagan ng makatarungang kapayapaan sa lahat ng dako ng daigdig.

Kagabi nga, tangan ang mga puting kandila, ilang plakard, at isang istrimer, nagtipun-tipon ang ilan sa mga kasapi ng pangkat sa harap ng Embahada ng Estados Unidos upang tutulan ang napipintong pakikidigma ng Estados Unidos sa Iraq. Nanghawak ang koalisyon sa panawagang di makatarungan at iligal ang napipintong pakikidigmang ito, sapagkat bukod sa walang basbas ng anumang resolusyon mula sa Konsehong Panseguridad ng Nangagkakaisang Bansa'y pinangungunahan ng isang bansang walang moral na karapatang ipilit ang pagsunod ng alinmang kapwa nito bansa sa pandaigdigang batas sapagkat siya ma'y kayrami nang nilabag na patakaran ng Nangagkakaisang Bansa. Kasabay nito'y ang pagdiriin sa kahingiang pairalin sa lahat ng dako ng daigdig ang makatarungang kapayapaan.

Sapagkat ang nagsidalo'y mula sa iba't ibang blokeng pampulitika, may iba kaipalang nakaramdam ng sandaling pagkailang. Ngunit nang gabing iyo'y hindi naging mahalaga ang kung saan nanggaling ang sino; nagbuklod-buklod sila nang di nagtatanungan kung alin-aling organisasyon ang kanilang kinabibilangan. Ang naging mahalaga nang gabing iyo'y ang paninindigang ang ating bayan ay di dapat na masangkot sa digmaang di makatarungan at iligal.

Kaunti lang ang nakadalo--wala pang apatnapu. Madalian kasi ang naging mga paghahanda bago ang pagkilos; araw lang ang binilang.

Datapwat ang anumang kakulangan nang gabing iyon sa bilang ay mahusay na napunan ng makapangyarihang panawagan. Walang tangan liban sa mga kandila at plakard at isang istrimer, ang wala pang apatnapung taong nagpiket sa harap ng Embahada ng Estados Unidos ay nilingon ng bawat magdaan.

Maliit nga lang ang naging pagkilos nang gabing iyon. Ngunit ang munti mang patak ng asido'y bumubutas sa tabing ng kawalang-bahala. Wala ring unos na di sa patak nagsimula.

Wednesday, October 16, 2002

Ekstremismo

Kangina, sa Frontpage, ibinalita ang tungkol sa pagbibigay ni Goh Chok Tong, Punong Ministro ng Singapore, ng panayam sa mga kinatawan ng pandaigdigang pabatiran. Marami siyang binanggit na paksa sa panayam na ito.

Subalit sa maraming paksang tinalakay niya, lumutang ang sinabi niyang sa malaking populasyong Muslim ng kanilang bansa ay marami ang mga ekstremista.

Hindi na niya ipinaliwanag ang ibig niyang sabihin sa "ekstremismo". Ngunit may mabigat na implikasyon ang pagkakagamit niya ng salitang ito sapagkat ikinabit niya ang ekstremismo sa kanyang mga kababayang Muslim.

Ayon sa Oxford American Dictionary, ang isang ekstremista ay yaong tagapagsulong ng labis na mga pananaw, lalo na sa pulitika. Samakatwid, ang pagiging ekstremista ay pagsusulong ng mga pananaw na lampas sa mga hangganan ng katwiran.

Ang salitang "ekstremista" ay palagi ngang ikinakabit sa mga Muslim. Oo nga't may mga ekstremistang Muslim sa maraming panig ng mundo.

Ngunit hindi naman esklusibo sa mga Muslim ang ekstremismo.

Oo nga't mga ekstremista ang mga tulad ng al-Qaeda, na binangga ang Estados Unidos subalit sa pamamagitan naman ng pagkitil sa libu-libong inosenteng buhay.

Datapwat di ba't ekstremista rin naman ang bansang nagsabing ang di niya kapanig ay kapanig ng mga terorista?

Hindi ba't ekstremista ang bansang upang labanan ang terorismo ay naghulog ng mga bomba sa 3,500 sibilyan sa Afghanistan at bumihag ng marami sa kanyang mga kaagapay sa digmaan?

Hindi ba't ekstremista ang bansang namumuwersa sa Iraq at Hilagang Korea na lansagin ang kanilang mga sandatang nukleyar habang ang sarili niyang ganitong mga sandata'y hindi niya nilalansag?

Hindi ba't ekstremista ang bansang naghahanda ng pakikidigma sa isang bansang walang sinasalakay?

Hindi ba't ekstremista ang bansang humihingi sa Nagkakaisang Bansa na magkaroon ng resolusyong magbibigay sa kanya (at sa kanya lamang) ng kapangyarihang magsagawa ng hakbang laban sa ibang bansa kahit na walang basbas nito?

Hindi ba't ekstremista ang bansang nangangalandakang siya'y pinili ng Diyos upang palaganapin sa sansinukob ang kalayaan, at upang isakatuparan ang layuning ito'y nang-aagaw ng laya ng maraming bansa?

Ang pagkakabit ng ekstremismo sa mga Muslim ay inianak ng kapalaluan ng iilang bumabaluktot sa dakilang relihiyong pamana ni Kristo upang magamit ito sa pagbibigay-katwiran sa paghahasik ng kasalarinan. Huwag tayong pabitag sa ganitong pag-iisip.
Laguna Naming Mahal

Laguna naming mahal,
dakila kang lalawigan
ng sa laya ay pag-irog.
Kamay mo ang nag-ugoy
sa duyan ni Rizal;
bisig mo ang nagkanlong
kay Jacinto,
kina Sakay at Asedillo.
Laguna naming mahal,
di nagmamaliw sa iyo
ang dakilang pamana
ng kasaysayan.

Tuesday, October 15, 2002

Sa Ganitong Panahon

Bangkay lang
ang mananahimik
sa ganitong panahon.
Sinusulsulan ni Samuel
si Marso,
pinapagpupukol
ng lintik
sa mga nakatalikod
sa kanya.
Bangkay lang
ang magpapahintulot
na ang kapwa tao
ay kataying tila
mga baboy.

Thursday, October 10, 2002

Lumad

Ang mga katutubo sa ating bansa ay kilala rin sa bansag na lumad.

Sa kung anong pakana ng tadhana, dalawang magkasunod na gabi kong napanood ang isang lumang pelikula nina Cesar Montano at Sharon Cuneta, ang Wala Nang Iibigin Pang Iba. Una'y nitong Oktubre 8, nang ako'y maglipat-lipat ng istasyon ng telebisyon, at ikalawa'y kahapon, nang ako'y sakay ng isang bus pauwi mula sa Kamaynilaan.

May isang tagpo sa nasabing pelikula kung saan ang mga tauhang ginampanan nina Cesar Montano at Sharon Cuneta ay naligaw sa isang kanlungan ng mga katutubo. Ang pinuno ng mga ito'y ayaw na pumayag na sila'y umalis mula roon nang magkasama, pagkat ayon sa batas ng tribo nila'y mga mag-asawa lamang ang maaaring lumisan mula roon nang magkasama, at kung ibig ng lalaking makasama ang babae'y kakailanganin niya itong ipaglaban--sa pamamagitan ng pakikipagsuntukan sa pinakamalakas na lalaki sa tribo.

Di man sinasadya ng mga lumikha ng naturang pelikula, inilalarawan doon ang mga katutubo bilang mga taong walang sibilisasyon. Pahiwatig ito ng palasak na pagpapalagay sa ating mga kapatid na lumad.

Ano ba ang sibilisasyon? Ito'y ang pamumuhay nang naaayon sa katwiran.

Minsa'y nakisalamuha nang ilang araw ang peryodistang si Cheche Lazaro sa tribong Tau't Bato ng Palawan. Nang kailanganin niyang akyatin ang isang bahagi ng isang yungib ay nagpapatulong sana siya sa mga lalaking naroon. Subalit ayaw siyang tulungan ng mga ito--na nagkataong pawang may mga asawa na pala--sapagkat ayon sa batas ng kanilang tribo, ang mga kamay lamang ng kanilang mga asawa ang maaari nilang hawakan.

Labis na kung labis ang kaugaliang ito. Ngunit maliwanag nitong ipinakikita ang napakataas na pagpapahalaga ng mga Tau't Bato sa paggalang sa kanilang mga asawa. Kaiba sa mga lalaking Tau't Bato ang napakarami sa ating nagmamalaking mga Kristiyano diumano datapwat kung ituring ang mga asawa nila'y parausan kundi man mga palahian lamang.

Sa mga tribo sa Cordillera, komunal ang paggamit ng lupa. Ari ng buong pamayanan ang lupa at sinuma'y malayang magsaka ng makakaya niyang sakahin. Kaiba ang palakad na ito sa naghaharing palakad sa labas ng kanilang mga tribo, na kinatatampukan ng pang-aagaw ng lupa ng may lupa.

Bukod pa sa halimbawang ito, lahat ng tribong lumad sa ating bansa ay nakilala dahil sa magiting na pakikipaglaban upang mapapanatili ang karapatang magpasya sa sarili. Kaibang-kaiba sila sa marami sa ating nangasa mga kalunsuran at kabayanan, na walang pagpapahalaga sa ating kalayaan at kung tumanggap sa pananakop ng dayuhan ay bukas-palad na'y bukas-hita pa.

Sa susunod na makakita tayo ng mga taong nakabahag at may dalang mga pana, huwag tayong agad-agarang magpalagay na higit tayong sibilisado sa kanila. Baka magulat na lang tayo.