Thursday, March 10, 2005

BALIW

Hindi ko alam kung nasaan na siya, kung siya kaya'y buhay pa. Minsan ko lamang siyang nakita at matagal na akong hindi nagagawi sa lansangang kinakitaan ko sa kanya, ang A.H. Lacson sa Sampaloc, Maynila (lalong kilala sa luma nitong pangalan, ang Governor Forbes).

Ako noo'y pauwi mula sa isang panggabing klase sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Taong 1997 iyon.

Madilim noon ngunit malinaw sa akin ang ayos niya: buhok na pinapagdikit-dikit na ng nagkaipun-ipong mga dumi, gula-gulanit na damit na halatang bumibilang na ng taon nang hindi nadarampian ng sabon.

Ang bawat magdaan sa kanyang harapan ay sinasabihan niya ng: "Tarantado kayo, mga bobo kayo! Mga sira-ulo kayong lahat!"

Sa bahaging ito'y malamang na marami na ang natatawa sa babaeng ito at nagtatanong kung ano ang karapatan ng isang tulad niya na sabihang baliw ang matitino.

Habang sinusulat ito'y naaalaala ko ang isa ring babae, higit na matanda ngunit nasa kalagayang katulad niyaong sa babaeng nakita ko sa A.H. Lacson, na naligaw sa loob ng kampus ng UST at sinisigawan ng kung anu-ano ang bawat madaanan -- estudyante man o kawani ng unibersidad.

Isang kaklase ang noo'y kasama ko, na ang sabi'y: "Pag ikaw ang ginano'n, payag ka, sisigaw-sigawan ka lang ng sira-ulo?"

Ano nga naman ang karapatan ng mga tulad nila na sigawan tayo, kutyain tayo?

Kaydaling sabihing wala.

Kaydali sa ating sila'y pagtawanan. Ngunit masdan natin ang ating paligid at baka hindi na natin magawang tumawa.

Sa isang bansa kung saan bawat masalapi'y sinasamba at hindi inuusisa ang pinanggalingan ng kanyang kayamanan -- kung nakaw ba ito o pinaghirapan, kung saan mga baliw ang turing sa mga taong may matayog na paninindigan, kulang ang kahit isang milyong National Center for Mental Health (NCMH).

Sa isang lipunan kung saan ang kung sino ang kumaplog kay ganire't ganyang "artista" ay itinuturing na higit pang mahalagang balita kaysa sa karanasan ng milyun-milyon nating kababayang araw-araw ay dinarahas ng kawalang-katarungan at kapag nangahas na igiit ang karapatang mabuhay bilang tao'y hinahagkan ng batuta't mga punlo, kulang ang lahat ng strait jacket sa mundo.

Sa isang lipunan kung saan ang mga istasyong-radyong ang mga disk jockey ay pulos na nagyayabang na kaputang-inahan ang nalalamang sabihin sa pagitan ng pagpapatugtog ng mga kantang karamiha'y umaatikabong kaungasang nilapatan ng "musika" ay nagiging pangunahing mga himpilan, matamis pa ang manirahan sa isang mental hospital.

Huwag nating pagtawanan ang mga baliw at sa panahong ito'y kayhirap humanap ng mga kasintino nila sa ating paligid.