Friday, March 17, 2006

ISANG BUKAS NA LIHAM KAY CRISPIN BELTRAN

Sa bayang ito ay hindi maaari
ang maging marangal nang di nabibilanggo.

Ganito ang winika
ng isa sa mga tauhan ng Noli Me Tangere.
Ka Bel,
patunay nito ang pagkakakulong mo ngayon.
Mambabatas kang ang mga inihahaing panukalang-batas
ay may layong papurulin ang mga ngipin
ng mga batas na ang nagsigawa't nagpapatupad
ay mga tulisan at kawatan.
Sa bansang ito kung saan ang mga taliba ng dangal
ay ang mga walang dangal,
isang kawalang-dangal ang kumalinga
sa mga dinarahas ng mga hari-hariang tulisan,
sa mga pinagnanakawan ng mga hari-hariang kawatan.
Kaya ka nakapiit ngayon.
Kaya ka rin napiit noon.
At bago pa man iyon ay marami na ang nauna:
Amado Hernandez,
Crisanto Evangelista,
Aurelio Tolentino,
Isabelo de los Reyes,
Apolinario Mabini,
Jose Rizal.
Talastas kong talagang sa bansang ito, Ka Bel,
ay hindi maaari
ang maging marangal nang di nabibilanggo.
At alam kong lalagi't lalaging ganito
hanggang sa hindi nababaligtad
ang mga pamantayan ng dangal sa bansang ito.