Alexander Martin Remollino
Sa alaala ni Crispin "Ka Bel" Beltran, lider-manggagawa, 1933-2008
Maramot sa liwanag ang araw
at siya'y nagtatago sa likod ng mga abuhing ulap
nang ikaw ay iwan ng huli mong hininga.
Hindi ka nasawi sa larangan,
di-gaya ng siya mong nais.
Ngunit huwag mo sanang isiping ang iyong pagyao
ay hindi paglisan ng isang bayani,
sapagkat hanggang sa huli mong hininga,
may ligtas na pahingahan sa iyong puso't isip
silang nagpapagal
upang bigyan ang bansa't ang buong daigdig
ng bubong na masisilungan, kalasag
laban sa dahas ng unos at lupit ng araw.
Hanggang sa kahuli-hulihang sandali,
ang bawat tibok ng iyong puso ay laan
sa kanilang nagbabaon ng mga pako sa kahoy at kongkreto
upang itindig sa lupa ang mga tahanan.
Ikaw ay bayani,
kaya't nauukol na mabuhay nang walang hanggan
sa pambansang alaala
upang maging tanglaw sa umagang makulimlim
at sa gabing walang buwan at bituin.