Friday, June 13, 2003

Makapili

Di makaharap sa mundo ang mukha,
kaya't nagtatago sa bayong.
Ngunit ang daliri
ay kaytapang, kaytapang ituro
sa dayong panginoon
ang mga kapatid.

Sa bawat kapatid na ituro
ng daliri
upang ialmusal,
itanghalian o ihapunan
ng panginoong banyaga
ay may salaping lalaklakin
ang palad.

Daming katulad mo ngayon,
Makapili.
Subalit sila'y kaiba--
pagkat lalong matapang,
lalong matapang!
Itinapon na nila ang mga bayong,
at ang mga bibig
ay humahalakhak, humahalakhak
habang ang kapatid
ay ibinubugaw ng daliri
sa naglalaway na dayuhan!

Matapang ka pa kay Hudas,
Makapili--
pagkat kaiba sa kanya,
hindi ka nagbigti--
at nag-anak pa nang marami.

At ang mga anak mo
ay di sumusulyap man lamang
sa lubid.
Kaya't gagawin namin
ang nararapat:
ang sila'y bigtihin!

No comments: