Tuesday, September 02, 2003

SA BIBIG NAHUHULI

Balot ng matinding iskandalo ang Unang Pamilya at ang kanilang mga kamag-anakan.

Nagsimula ang lahat nang kamakaila'y magtalumpati si Sen. Panfilo Lacson sa harap ng kanyang mga kasamahan sa Senado at ng buong bansa.

Ayon daw sa mga dokumentong hawak niya, ang Unang Ginoong Jose Miguel "Mike" Arroyo ay nakakurakot ng maraming salapi mula sa pamahalaan, na inilalagak sa isang bank account na binuksan sa ilalim ng pangalang Jose Pidal. Ang address na nakalagay sa account na Jose Pidal ay ang ikawalong palapag ng LTA Building sa Perea Street sa Makati. Nagpakita pa si Sen. Lacson ng kopya ng ilang dokumentong kinalalagyan ng mga pirma nina Mike Arroyo at Jose Pidal--may pagkakahawig ang kanilang mga pirma. Ayon pa sa senador, ang apelyidong Pidal ay mula sa ama ng isang lolo ni Mike Arroyo.

Likas lamang na sa pagkakataong ganito'y ipagtanggol ng pinararatangan ang kanyang sarili. Ayon kay Mike Arroyo, hindi siya si Jose Pidal at hindi niya kilala ito. Ni hindi raw nga niya alam na ang apelyido ng ama ng isa niyang lolo ay Pidal.

Makaraan ang ilang araw, lilitaw ang kapatid ni Mike Arroyo, si Ignacio Arroyo, upang angkinin ang account na Jose Pidal. Siya raw ang tunay na Jose Pidal. Saqsabihin pa niyang kaya hindi nalalaman ni Mike Arroyo na may ninuno silang Pidal ay pagkat taga-Maynila ito samantalang siya'y taga-Negros.

May isang matandang kasabihang, "Ang isda'y sa bibig nahuhuli."

At ito ang nangyayari sa Unang Pamilya at sa kanilang mga kamag-anakan. Likas lamang na naisin nilang ipagsanggalang ang kanilang mga sarili. Subalit sa kanilang pamamaraan ng pagtatanggol sa sarili, lalo't lalo lamag silang nadidiin.

Una, sino ang hindi nakaaalam sa apelyido ng ama ng kanyang lolo?

Ikalawa'y pilit ngang inaangkin ni Ignacio Arroyo ang account na Jose Pidal. Ngunit isang pilas man lamang ng anumang dokumentong makapagpapatunay na siya at si Jose Pidal ay iisa, na dapat ay manggaling sa bangkong pinaglalagakan ng dambuhalang account, ay wala siyang maipakita sa madla. Ayon kay Kin. Oscar Moreno, isang dalubhasa sa batas pagbabangko, sa ganitong kaso'y may dokumento ang bangko na nagsasaad kung sino ang tunay na may-ari ng pinag-uusapang bank account.

Ikatlo, kailangang ipaliwanag nang husto ni Ignacio Arroyo at ng kanyang kapatid na si Mike kung bakit ang una'y taga-Negros at ang huli'y taga-Maynila, gayong iisa lamang naman ang kanilang ama at iisa rin ang kanilang ina. Kung sasabihin naman niyang ang isa sa kanila'y ampon lamang ay may kagulangan na nang ampunin, napakadali lamang naman nito--subalit hindi magiging kapani-paniwala sapagkat kitang-kita naman ng buong daigdig ang kanilang pagkakahawig.

Hindi namin sinasabing magaling si Sen. Lacson kaya't dapat siyang ihalal sa pagka-Pangulo sa 2004. Nalalaman naming makailan na rin siyang nasangkot sa mga iskandalo ng katiwalian.

Ngunit ang kanyang paglalantad sa alingasngas na ito ay bagay na hindi naman siya ang nagsimula. Una nga itong inilapit kay Sen. Aquilino Pimentel, Jr., na noo'y tumanggi sapagkat sa wari niya noo'y kulang pa ang mga katibayan.

Kaya't ang usaping ito ay maaaring tingnan nang hiwalay sa katauhan ni Sen. Lacson.

Lalo pa't may dahilan din naman talaga upang maghinalang may nangyayaring kasulu-sulukasok sa mga bulwagan ng kapangyarihan. Naaalaala ba ninyo ang President Diosdado Macapagal Boulevard, na pinatungan ng halagang makaapat na higit na mataas sa talagang halaga nito?

At ang higit na nagbibigay ng dahilan upang maghinala ang madla ay ang mga tao mismong nasasangkot sa alingasngas na ito.

No comments: