Wednesday, October 22, 2003

IGNORANTE NGA BA SA SINING ANG MASA?

Madalas na sinasabing ang paglikha ng sining para sa masa ay isang pagpapagod na walang katuturan. Ang masa raw kasi'y ignorante sa sining, at walang nalalamang "sining" kundi yaong nagkatusak na romance novel at telenobela.

Ang napakalimit naming maringgan ng ganitong paratang sa masa ay mga nagtapos sa pamantasan ng mga kursong may kinalaman sa pagsusulat--ng mga pampanitikang akda man o ng mga iskrip pampelikula at pantelebisyon.

Ngunit totoo nga kaya ito?

Nagugunita namin ang mga natanggap naming kuwento tungkol sa Kulturang Kalye, isang proyektong pinamunuan ni Jess Santiago sa pakikipagtulungan sa National Commission for Culture and the Arts nitong Pebrero. Isa itong proyektong naglayong ipamalas sa madla ang alternatibong kultura, at kaugnay nito'y iba't ibang alternatibong artista ang nagtanghal nang walang bayad sa isang bahagi ng Lunsod Quezon. Batay sa mga natanggap naming kuwento, dinagsa ito ng mga karaniwang taong-kalye.

Kaugnay ng lahat nito, wala kaming natatandaang may nakausap kaming karaniwang taong-kalyeng di nakakikilala kay Heber Bartolome o hindi nakaaalam ng kanta niyang may saknong na ganito: "Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi Kano/Huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango."

Tunghayan natin ang saknong na ito: "Si Lina ay isang magandang dalaga/Panggabi sa isang pabrika ng tela/Sumapi sa unyon, sumama sa welga/Biglang nagkagulo, nawala si Lina/Nang muling makita'y hubad at patay na."

Unang saknong iyon ng kantang "Halina" ni Jess Santiago. Tinugtog niya iyon sa isang konsiyerto sa likod ng Vinzons Hall ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong Oktubre 17, isang konsiyertong protesta sa pagbisita sa Pilipinas ni George W. Bush, pangulo ng Estados Unidos.

Sa konsiyertong nabanggit, karamihan sa mga nanood ay mga magsasaka galing sa Timog Katagalugan at sa Kabikulan. Bukod sa kanila, napakarami roon ang mga manggagawa.

Masigabong palakpakan ang sumalubong kay Koyang Jess nang kantahin niya ang unang taludtod pa lamang. Nasa harapan kami noon, kaya't kitang-kita naming ang karamihan sa mga palakpak ay mula sa mga taong halatang kundi man mga manggagawa'y mga magsasaka.

Lalong lumakas ang mga palakpak nang dumating si Koyang Jess sa unang koro: "Halina, halina/Damitan ang bangkay/At sa ating puso'y/Hayaang humimlay si Lina."

Matindi rin ang palakpakan sa mga natirang saknong.

Ang ikalawang regular na saknong ay yaong tungkol kay Pedrong Pilapil, isang magsasakang binaril sapagkat tumutol sa pang-aagaw ng kanyang lupa, na sinusundan ng korong: "Halina, halina/At sa ating puso'y/Hayaang maghasik/Ng punla si Pedrong Pilapil."

Ang ikatlong regular na saknong naman ay yaong tungkol kina Aling Mariang pinalayas sa kanilang tirahang "bundok ng basura" dahil "darating ang mga turista." Sinusundan ito ng korong: "Halina, halina/At sa ating puso'y/Ipagtayo ng tahanan/Sina Aling Maria."

Si Jess Santiago ang isa sa lalong matitipunong haligi ng makabayan at makalipunang tradisyon ng kultura sa Pilipinas. Isa nang kilalang makata ng protesta noong ideklara ang batas militar, noong 1976 ay pinasimunuan niya ang paglikha ng mga kanta naman ng protesta rin--at sa landas na kanyang hinawa'y lumitaw ang mga Heber Bartolome, Pol Galang, Asin, The Jerks, Joey Ayala, Susan Fernandez, Gary Granada, at iba pang katulad.

Karaniwang isinasalubong kay Jess Santiago sa tuwing tutugtog siya sa mga kilos- protesta ang dumaragundong na palakpakan mula sa mga manggagawa't magsasaka. Halimbawa na nga rito ang inani niyang palakpakan sa konsiyerto sa UP noong Oktubre 17.

Sa konsiyerto ring iyon, napakainit din ng naging pagsalubong ng mga manggagawa't magsasaka kay Pol Galang at sa The Jerks--tulad din ng pagsalubong ng masa sa kanila sa napakarami nang iba pang konsiyertong protesta.

Sana'y nakarating sa konsiyertong iyon ang mga propesor na kayhihilig magturo ng mga ideyang pumupula sa kakayahan ng masang umunawa sa sining. Nakita sana nila kung gaano katinding pagpapabulaan ang inabot nila roon.

Naaalaala namin dahil dito ang isa pang konsiyertong protestang nadaluhan namin, ang konsiyerto sa Mendiola noong Nobyembre 14, 2000. Isa sa mga tumugtog doon si Gary Granada. Malakulog ang hiyawan nanggaling sa mga manggagawa't magsasaka nang banggitin ang pangalan pa lamang ni Granada.

Ang lahat nito'y sapat nang patunay na ang masa'y may kakayahang tarukin ang sining na nangungusap sa kanila. Nangangahulugan itong ang patuloy na paglikha ng sining para sa masa ay may patutunguhan.

Maaaring ikatwirang ang masang binanggit sa mga talata namin tungkol sa mga konsiyertong protesta ay masang mulat na kaya nga't nasa konsiyertong protesta.

Ngunit paano nila ipaliliwanag ang ispontanyong masang dumagsa sa Kulturang Kalye? Paano rin nila ipaliliwanag ang mga karaniwang taong-kalyeng hindi makaiwas na sumabay sa mga taludtod ni Heber Bartolome?

Kung nahihilig man ang karamihan sa masa sa mga kagaguhang nagpapanggap na sining, ito'y sapagkat hindi pa nila nakikilala ang mga talagang likhang-sining, lalo na'y yaong sining na ukol sa kanila. Datapwat maliwanag na kung mabibigyan sila ng pagkakataong makilala ang sining na ukol sa kanila ay mauunawaan nila at yayakapin ito.

Subalit sa ating mga pamantasan, patuloy na pinupulaan ang kakayahan ng masang umunawa ng sining.

Sino kaya ngayon ang may suliranin sa pag-unawa sa sining?

Wednesday, October 08, 2003

"ANG ATING PANGULO, IBALIK SA PALASYO!"

Kapagka ganitong nalalapit ang halalan, lalo na'y isang pambansang halalan tulad ng magaganap sa Mayo 2004, nauuso ang mga sasakyang umiikot sa mga pamayanan na kinabitan ng mga megaphone, at mula sa mga ito'y maririnig natin ang mga talumpati tungkol sa kung bakit walang ibang nararapat na mahalal kundi si ganiri at ganyang kandidato. Walang oras na pinipili ang mga ito--kung minsa'y umagang-umaga, kung minsan nama'y maggagabi na.

Kaya't huwag tayong magtataka kung sa susunod na mga araw ay magising na lamang tayong naririnig ang ganito:

"Mga minamahal naming kababayan, lalo na ang masang silang pinahahalagahan namin nang higit kaninuman sa napakapalad na lipunang ito, isang mainit na pagbati. Sa darating na Mayo, muli tayong mamimili ng mga susunod na mamumuno sa ating bansa.

"Ngayon pa lamang ay nararapat na maging malinaw na sa atin kung sino ang pipiliin. Kaya naman sinasamantala namin ang pagkakataong ito upang ilahad sa inyo ang mga kadahilanan kung kaya walang nararapat na ihalal bilang susunod nating pangulo kundi ang siya ring kasalukuyang nakaluklok sa Malacanang.

"Ang ating mahal na pangulo'y nararapat na muling mahalal dahil sa kanyang walang kapantay na pagkamakabayan. Nakikita naman ninyong sa kalabisan ng kanyang pagmamahal sa ating bayan ay hindi sapat ang ating bayan upang pag-ukulan nito, kaya naman hangad niya ang lumaki nang lumaki ang ating bayan upang may mapaglagyan siyang sapat ng kanyang pag-ibig dito.

"Kaya't upang lumaki nang lumaki ang ating bayan ay kanya itong ikinakabit sa isang dambuhalang bayan, ang Estados Unidos. Kahit na wala tayong kinalaman sa giyera ng Estados Unidos, pinayagan niyang ang mga sundalong Amerikano'y magsagawa ng ehersisyong militar sa ating bayan at magpasok dito ng kanilang mga kagamitang militar. Sa ganitong proseso, talaga namang magiging bahagi na tayo ng Estados Unidos sapagkat mailulunsad na mula sa ating bansa ang mga pagsalakay ng mga tropang Amerikano, at ang mga kaaway ng Estados Unidos ay magiging kaaway na rin natin.

"Ang ating mahal na kandidato'y subok din sa kanyang taos-pusong pagmamahal sa mga manggagawang silang nagpapaandar sa makina ng ating ekonomiya. Batid niyang ang ating mga manggagawa'y kailangang palayain sa pagkabusabos sa napakarami sa mga pabrika sa ating bayan, kaya naman sa ilalim ng kanyang panunungkulan, pataas nang pataas at umabot pa nga kamakailan sa 12.7 porsiyento ng kabuuang puwersang paggawa ang hindi na nagtatrabaho sa mga pabrika.

"Wala silang trabaho, subalit malaya naman sila sa pagsasamantala sa pamamagitan ng mababang pasahod at kawalan ng benepisyo.

"Wala ring kapantay ang kanyang pagkalinga sa mga magsasakang silang naghahain ng pagkain sa ating mga hapag. Batid niyang napakahigpit ang pagsakal ng mga tanikala ng piyudalismo sa ating uring magsasaka, kaya naman napakarami sa ating mga kapatid na magbubukid ang pinaaalis ng mga korporasyong pang-real estate sa kani-kanilang mga lupa. Lubusang batid ng ating pangulong ang mamatay ay makalibo pang matamis kaysa mabuhay bilang isang alipin, kaya naman higit niyang nais na makitang mamatay sa gutom dahil sa kawalan ng kabuhayan ang ating mga kapatid na magbubukid kaysa manatiling mga alipin ng piyudalismo.

"Matitiyak din nating kung muling magiging pangulo ang ating mahal na kandidato, siya ang taong makapag-aambag nang pinakamalaki sa ating kasaysayan, sapagkat napakarami ang kanyang idinaragdag--at, kung inyong itutulot, patuloy pang idaragdag--sa talaan ng ating mga martir. Makikita naman nating sa ilalim ng kanyang panunungkulan, mahigit nang 30 kasapi ng partidong Bayan Muna ang pinatay ng militar. Kamakailan pa'y nadagdag sa mga ito ang tatlong kasapi ng bagong partidong Anak ng Bayan.

"Ang mga taong ito ay mga naghangad ng pagbabago sa ating bayan. Tulad nina Gat. Andres Bonifacio at Gat. Macario Sakay, sila'y naghangad ng pagbabago, at tulad din nina Bonifacio at Sakay, sila'y nakatagpo ni Kamatayan sa kanilang paghahanap ng pagbabago. Kaya naman matitiyak nating sa ilalim ng muling panunungkulan ng ating mahal na kandidato, magiging isang bansa ng mga bayani ang ating bayan, sapagkat napakarami pa ang susunod sa mga yapak nina Andres Bonifacio at Macario Sakay.

"Kaya't sa darating na halalan, ito ang aming panawagan: 'Ang ating pangulo, ibalik sa Palasyo!'

"Maraming salamat po."