Wednesday, October 22, 2003

IGNORANTE NGA BA SA SINING ANG MASA?

Madalas na sinasabing ang paglikha ng sining para sa masa ay isang pagpapagod na walang katuturan. Ang masa raw kasi'y ignorante sa sining, at walang nalalamang "sining" kundi yaong nagkatusak na romance novel at telenobela.

Ang napakalimit naming maringgan ng ganitong paratang sa masa ay mga nagtapos sa pamantasan ng mga kursong may kinalaman sa pagsusulat--ng mga pampanitikang akda man o ng mga iskrip pampelikula at pantelebisyon.

Ngunit totoo nga kaya ito?

Nagugunita namin ang mga natanggap naming kuwento tungkol sa Kulturang Kalye, isang proyektong pinamunuan ni Jess Santiago sa pakikipagtulungan sa National Commission for Culture and the Arts nitong Pebrero. Isa itong proyektong naglayong ipamalas sa madla ang alternatibong kultura, at kaugnay nito'y iba't ibang alternatibong artista ang nagtanghal nang walang bayad sa isang bahagi ng Lunsod Quezon. Batay sa mga natanggap naming kuwento, dinagsa ito ng mga karaniwang taong-kalye.

Kaugnay ng lahat nito, wala kaming natatandaang may nakausap kaming karaniwang taong-kalyeng di nakakikilala kay Heber Bartolome o hindi nakaaalam ng kanta niyang may saknong na ganito: "Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi Kano/Huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango."

Tunghayan natin ang saknong na ito: "Si Lina ay isang magandang dalaga/Panggabi sa isang pabrika ng tela/Sumapi sa unyon, sumama sa welga/Biglang nagkagulo, nawala si Lina/Nang muling makita'y hubad at patay na."

Unang saknong iyon ng kantang "Halina" ni Jess Santiago. Tinugtog niya iyon sa isang konsiyerto sa likod ng Vinzons Hall ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong Oktubre 17, isang konsiyertong protesta sa pagbisita sa Pilipinas ni George W. Bush, pangulo ng Estados Unidos.

Sa konsiyertong nabanggit, karamihan sa mga nanood ay mga magsasaka galing sa Timog Katagalugan at sa Kabikulan. Bukod sa kanila, napakarami roon ang mga manggagawa.

Masigabong palakpakan ang sumalubong kay Koyang Jess nang kantahin niya ang unang taludtod pa lamang. Nasa harapan kami noon, kaya't kitang-kita naming ang karamihan sa mga palakpak ay mula sa mga taong halatang kundi man mga manggagawa'y mga magsasaka.

Lalong lumakas ang mga palakpak nang dumating si Koyang Jess sa unang koro: "Halina, halina/Damitan ang bangkay/At sa ating puso'y/Hayaang humimlay si Lina."

Matindi rin ang palakpakan sa mga natirang saknong.

Ang ikalawang regular na saknong ay yaong tungkol kay Pedrong Pilapil, isang magsasakang binaril sapagkat tumutol sa pang-aagaw ng kanyang lupa, na sinusundan ng korong: "Halina, halina/At sa ating puso'y/Hayaang maghasik/Ng punla si Pedrong Pilapil."

Ang ikatlong regular na saknong naman ay yaong tungkol kina Aling Mariang pinalayas sa kanilang tirahang "bundok ng basura" dahil "darating ang mga turista." Sinusundan ito ng korong: "Halina, halina/At sa ating puso'y/Ipagtayo ng tahanan/Sina Aling Maria."

Si Jess Santiago ang isa sa lalong matitipunong haligi ng makabayan at makalipunang tradisyon ng kultura sa Pilipinas. Isa nang kilalang makata ng protesta noong ideklara ang batas militar, noong 1976 ay pinasimunuan niya ang paglikha ng mga kanta naman ng protesta rin--at sa landas na kanyang hinawa'y lumitaw ang mga Heber Bartolome, Pol Galang, Asin, The Jerks, Joey Ayala, Susan Fernandez, Gary Granada, at iba pang katulad.

Karaniwang isinasalubong kay Jess Santiago sa tuwing tutugtog siya sa mga kilos- protesta ang dumaragundong na palakpakan mula sa mga manggagawa't magsasaka. Halimbawa na nga rito ang inani niyang palakpakan sa konsiyerto sa UP noong Oktubre 17.

Sa konsiyerto ring iyon, napakainit din ng naging pagsalubong ng mga manggagawa't magsasaka kay Pol Galang at sa The Jerks--tulad din ng pagsalubong ng masa sa kanila sa napakarami nang iba pang konsiyertong protesta.

Sana'y nakarating sa konsiyertong iyon ang mga propesor na kayhihilig magturo ng mga ideyang pumupula sa kakayahan ng masang umunawa sa sining. Nakita sana nila kung gaano katinding pagpapabulaan ang inabot nila roon.

Naaalaala namin dahil dito ang isa pang konsiyertong protestang nadaluhan namin, ang konsiyerto sa Mendiola noong Nobyembre 14, 2000. Isa sa mga tumugtog doon si Gary Granada. Malakulog ang hiyawan nanggaling sa mga manggagawa't magsasaka nang banggitin ang pangalan pa lamang ni Granada.

Ang lahat nito'y sapat nang patunay na ang masa'y may kakayahang tarukin ang sining na nangungusap sa kanila. Nangangahulugan itong ang patuloy na paglikha ng sining para sa masa ay may patutunguhan.

Maaaring ikatwirang ang masang binanggit sa mga talata namin tungkol sa mga konsiyertong protesta ay masang mulat na kaya nga't nasa konsiyertong protesta.

Ngunit paano nila ipaliliwanag ang ispontanyong masang dumagsa sa Kulturang Kalye? Paano rin nila ipaliliwanag ang mga karaniwang taong-kalyeng hindi makaiwas na sumabay sa mga taludtod ni Heber Bartolome?

Kung nahihilig man ang karamihan sa masa sa mga kagaguhang nagpapanggap na sining, ito'y sapagkat hindi pa nila nakikilala ang mga talagang likhang-sining, lalo na'y yaong sining na ukol sa kanila. Datapwat maliwanag na kung mabibigyan sila ng pagkakataong makilala ang sining na ukol sa kanila ay mauunawaan nila at yayakapin ito.

Subalit sa ating mga pamantasan, patuloy na pinupulaan ang kakayahan ng masang umunawa ng sining.

Sino kaya ngayon ang may suliranin sa pag-unawa sa sining?