MAY HANGGAN ANG LIPAD NG KAPALALUAN
(Kay Kris Aquino, matapos niyang ipagmalaking ang kanyang mga alahas ay "katas ng Hacienda Luisita")
Gaano maaaring kumapal ang mukha ng tao?
Higit pa sa kapal ng etera
ng buong kalawakan.
Kaya naman nasisikmurang magyabang ng tao
kung kanyang naipambibili ng pinakamahal na mga alahas
ang dugong piniga mula sa nag-uusliang ugat
ng mga manggagawa't sakada sa tubuhan.
Ngunit hanggang saan makalilipad ang kapalaluan?
Hindi sapat ang kislap ng mga alahas
upang pawiin ang pagdidilim ng karangalan.
Kristina,
ngayon pa lamang ay nalulusaw na ang inyong pangalan
sa naglalagablab na panduduro ng kasaysayan
na magsasalaysay ng inyong kaimpaktuhan.
Friday, November 19, 2004
Wednesday, November 17, 2004
HACIENDA LUISITA
Sa tamis ng bawat iluwal mong butil ng asukal
ay pait ng luha't pawis ng sakada't manggagawa
na nilalamon ng kagutuman.
Sa bawat pakikibaka alang-alang sa buhay
ng mga nagbubungkal ng iyong lupa
ay may paghingang pinuputol ng mga punlo
sa ibabaw ng iyong nabubundat na tiyan.
Hacienda Luisita,
saanman ibaling ang mga mata
ay mukha mong nakangisi ang natatanaw:
nakikita ko sa iyong mga pinaslang na welgista
ang mga ibinuwal na sakada ng Escalante
at mga itinumbang magsasaka sa Mendiola.
Magpista ka, Hacienda Luisita,
sa tamis ng dugo ng mga binaklasan ng buhay
nang dahil sa paggigiit ng karapatang mabuhay.
Ngunit mangilabot ka,
pagkat wala pang nakapagbubuwal
at walang makapagbubuwal
sa Bundok Arayat!

Tuesday, November 09, 2004
AKO AY PILIPINO (?)
Sa isa sa kanyang pinakabagong mga kolum sa diyaryong Pinoy Gazette, na kanya ring inilabas bilang isang blog entry sa kanyang website, ang kaibigan namin at kapwa manunulat na si Ederic Eder ay nagbato ng isang magandang tanong na sukat pag-isipan ng bawat Pilipino: "Awtomatikong Pilipino ka na ba kung ikaw ay may ninunong Pinoy at kumakain ng adobo o marunong (kumanta) ng 'Ako ay Pilipino'?"
Ang tanong ay kanyang ipinupukol sa konteksto ng lubhang malaking media blitz na natanggap ng pagdating sa Pilipinas ng American Idol finalist na si Jasmine Trias. Sa press conference kasing isinagawa nang dumating sa bansa ang laking-Hawaii na instant celebrity, sinabi nitong siya'y isang Pilipino sa kaibuturan ng kanyang puso kahit na siya'y lumaki sa ibang bansa, at bilang isa sa mga pagpapatunay nito ay ibinahagi niyang alam niya ang kantang "Ako ay Pilipino."
Napanood namin sa telebisyon ang eksenang iyon habang sakay kami ng isang bus pauwi mula sa trabaho. Agad naming naalaala ang sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel, Jr. tungkol sa kantang ginamit ni Trias upang patunayan ang kanyang pagka-Pilipino.
Sa isang higit na maagang bahagi ng taong ito, si Pimentel ay binatikos ng isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer nang sa isang okasyon ay hindi niya nagawang sabayan nang maayos ang mga kasama niya sa pagkanta ng "Ako ay Pilipino." Isang liham sa patnugot ang isinagot ni Pimentel sa artikulong iyon; sinabi niyang ang naturang kanta'y kanyang iniwasan "na tulad ng isang salot" noong panahon ng batas militar (1972-86).
Yaong may mahahabang alaala sa kasaysayan ay kaagad na makagugunita sa sinabing ito ni Pimentel sa pangyayaring ang "Ako ay Pilipino" ay bahagi ng kultural na aparato ng diktadurang Marcos. Ito'y nilikha ng maninitik-kompositor na si George Canseco sa bisa ng isang kumisyon mula sa dating Unang Ginang Imelda Marcos. Isa sa mga linya ng kantang ito ay "Isang bansa, isang diwa"--islogan ng pasistang rehimen.
Nababanggit namin ang lahat ng detalyeng ito sapagkat pawang mahalaga sa pagsusuri kung tunay nga bang nagtatanim ng maka-Pilipinong diwa ang kantang "Ako ay Pilipino" sa mga tagapakinig.
Narito ang mga linya ng "Ako ay Pilipino" bago ang koro:
Ako ay Pilipino
Ang dugo'y maharlika
Likas sa aking puso
Adhikaing kayganda
Sa Pilipinas na aking bayan
Lantay na Perlas ng Silanganan
Wari'y natipon ang kayamanan
ng Maykapal
Bigay sa 'king talino
Sa mabuti lang laan
Sa aki'y katutubo
Ang maging mapagmahal
Kung ang mga linyang ito at ang mga linyang ito lamang ang titingnan, kaagad nating pakakahuluganan ang kanta bilang isang pagmamalaki sa pagiging Pilipino ng Pilipino.
Pumunta na tayo sa koro:
Ako ay Pilipino
Ako ay Pilipino
Isang bansa, isang diwa
Ang minimithi ko
Sa bayan ko't bandila
Laan, buhay ko't diwa
Ako ay Pilipino
Pilipinong totoo
Ako ay Pilipino
Ako ay Pilipino
Taas-noo kahit kanino
Ang Pilipino ay ako
Sa unang taludtod sa koro, ang masasagap ay waring isang hangad na magkaisa ang bansa. Doon naman sa sumunod na taludtod ay tila inihahayag ang isang kahandaang mag-alay ng talino at maging ng buhay alang-alang sa bansa at sa bandilang kinakatawan nito.
Lahat nito'y magdadala sa atin sa ilang tanong: Makabayan nga ba ang rehimeng Marcos? Pagkamakabayan ba ang nagbunsod ng pagkakadeklara ng batas militar? Kung gayo'y bakit kayraming makabayan tulad nina Lorenzo TaƱada at Jose W. Diokno ang nabilanggo sa panahon ng pag-iral nito?
Balikan natin sandali kung ano ang nagsilang sa batas militar ni Marcos.
Ang sinundan ni Marcos sa pagkapangulo ng Pilipinas ay si Diosdado Macapagal, ama ng kasalukuyang pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Kilala si Macapagal sa pagpapatupad ng patakarang decontrol sa ekonomiya: pinababa niya ang mga taripa sa mga angkat na produkto, at hinayaan niya ang walang-sagkang repatriyasyon ng mga tubo ng mga korporasyong multinasyunal.
Ang mga empresa natin, kung saan lamang ang mga multinasyunal pagdating sa dami ng kapital at taas ng teknolohiya, ay natalo sa kumpetisyong idinulot nito, at bumilis ang pagkalagas ng kapital ng bansa. Ayon sa istoryador-ekonomistang si Ricco Alejandro M. Santos, humantong ito sa pagkakapinid ng 10,000 empresa at malawakang pagkawala ng mga trabaho.
Ang mga kalagayang nilikha ng panguluhan ni Macapagal ay nagluwal din ng isang malawakang makabayang kilusang protesta.
Papalakas ang kilusang ito nang maging pangulo si Marcos noong 1965, at nang muli siyang mahalal noong 1969 ay sumuot na ang adyenda nito maging sa mga bulwagan ng kairalan.
Nang taong nabanggit, ang Kongreso, dama ang matinding pagtutulak ng mga makabayang sektor, ay nagpasa ng isang Magna Carta na nagsusulong ng makabansang industriyalisasyon laban sa mga dikta ng Kambal ng Bretton Woods (International Monetary Fund at World Bank o IMF-WB). Noong 1971-72, malakas ang dating ng mga makabayang puwersa sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Noong 1972, ipinawalang-bisa ng Kataas-taasang Hukuman ang lahat ng pagkakapagbili ng lupang Pilipino sa mga dayuhang korporasyon matapos ang 1945 (kasong Quasha), at pati ang mga pagtataas ng presyo ng langis ng mga dayuhang kumpanyang nagbebenta nito.
Ang kauna-unahang hakbang ni Marcos matapos ang pagpapatupad ng PD 1081 ay ang pagbabaligtad sa kasong Quasha. Mismong isang ulat ng Kongreso ng Estados Unidos ang nagsabing noong panahon ng batas militar ay nag-ibayo ang mga pribilehiyo ng mga banyagang korporasyon sa Pilipinas.
Sa panahon ng batas militar, maraming dinakip at ibinilanggong lider at kasapi ng mga kilusang nagsusulong ng soberanya at katarungang panlipunan. Ang batas militar ay tugon ng gobyernong Marcos sa palakas nang palakas na panawagan para sa batayang pagbabago ng lipunan.
Ngunit sa isang antas ay alam nina Marcos na sa lakas ng kilusang protesta ay hindi nila ito magagapi sa pamamagitan lamang ng dahas, kaya't gumamit din sila ng propaganda. Ito ang malambot na aspeto ng diktadura.
Pangunahin sa mga hakbang tungo rito ang "pagpaparangal" sa aktibistang manunulat na si Amado V. Hernandez (yumao noong 1970) bilang Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan noong 1973. Sa pamamagitan nito, nilayon ng diktadurang palitawing tinatangkilik nito ang radikal na diwa sa makabansa at makalipunang mga akda ni Ka Amado.
Ngunit pansining kayraming manunulat na sumunod sa mga yapak ni Ka Amado ang dumanas ng iba't ibang hagupit ng estado noon ding batas militar: Jose Maria Sison, ang magkapatid na Jose at Emmanuel Lacaba, Lorena Barros, Alan Jazmines, Bonifacio Ilagan, Satur Ocampo, Bienvenido Lumbera, Luis Teodoro, Renato Constantino, Armando Malay, at iba pa. Kung buhay si Hernandez nang magkaroon ng batas militar, tiyak na siya'y parurusahan din ng estado.
Sumakabilang-buhay na nga lamang si Hernandez noon kaya't hindi na makapagtanggol laban sa pambabaluktot sa kanyang diwa.
Ang kantang "Ako ay Pilipino" ay isang tusong pagtatangkang ilihis ang direksiyon ng nasyunalismong inabot ni Marcos na lumalaganap. Inilalako ng naturang kanta ang isang nasyunalismong walang pagtutol sa neokolonyal na dominasyon ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nilalayon ng kantang itong tanggalan ng ngipin ang uri ng makabayang diwang kumakalat noon.
Ang "Isang bansa, isang diwa" sa naturang kanta ay siya ngang islogan ng diktadura, at isang panawagan sa "pagkakaisa" ng bansa sa likod ng makadayuhan, makamayaman, at mapanikil na "Bagong Lipunan."
Anti-Pilipino, kung gayon, ang kantang ito. Sinumang nagsasabing siya'y Pilipino dahil alam niyang kantahin ang "Ako ay Pilipino" ay nangangailangan ng masusing pagbabasa sa ating kasaysayan.

Tuesday, November 02, 2004
KALATAS SA ISANG MANG-AAWIT
Di ko kailangang magpaguwapo
Upang hangaan, pansinin ng tao
Ang kailangan ko'y ang maging totoo
Awitin ang dapat sa panahong ito
-- Heber Bartolome, "Ako'y Mang-aawit ng Aking Panahon"
(Kalamansi sa Sugat, 1985)
Sana’y di ka pa tumitigil
sa pananahi ng mga bagong awitin ng bayan.
Panahon mo’y panahon ko rin:
nasa iisang pahina tayo ng kasaysayan,
nakalugal nga lamang
sa magkaibang talata.
Noon at ngayon ma’y maraming nagugutom,
nagugutom sa gitna
ng pagkaing sapat upang magpatubo
ng impatso sa lahat:
ginugutom
ni Tiyo Samuel
at ng dugong-bughaw na kanyang mga alila.
Di nalulusaw
ang pangangailangang maghiwa ng palad
at magpiga ng kalamansi sa mga sugat:
laganap ang musikang hinabi
sa gayuma ng Ibong Adarna,
ginagawang bato ang mga utak
at pinapawi sa paningin
ang mga sakit ng ating bansa.
Maaaring nauna ka sa akin,
ngunit iisa ang ating panahon:
ito’y panahong kayraming katotohanan
ang itinatago.
Sana’y di ka pa tumitigil
sa pagtatahi ng mga bagong awitin ng bayan:
awitin natin
ang dapat awitin sa panahong ito.

Subscribe to:
Posts (Atom)