HACIENDA LUISITA
Sa tamis ng bawat iluwal mong butil ng asukal
ay pait ng luha't pawis ng sakada't manggagawa
na nilalamon ng kagutuman.
Sa bawat pakikibaka alang-alang sa buhay
ng mga nagbubungkal ng iyong lupa
ay may paghingang pinuputol ng mga punlo
sa ibabaw ng iyong nabubundat na tiyan.
Hacienda Luisita,
saanman ibaling ang mga mata
ay mukha mong nakangisi ang natatanaw:
nakikita ko sa iyong mga pinaslang na welgista
ang mga ibinuwal na sakada ng Escalante
at mga itinumbang magsasaka sa Mendiola.
Magpista ka, Hacienda Luisita,
sa tamis ng dugo ng mga binaklasan ng buhay
nang dahil sa paggigiit ng karapatang mabuhay.
Ngunit mangilabot ka,
pagkat wala pang nakapagbubuwal
at walang makapagbubuwal
sa Bundok Arayat!
1 comment:
kay ganda nitong tula, ka alex!
gumawa rin ako ng tula tungkol sa masaker na nangyari. nasa aking bloag. kaso nga lang, iloko ito. pero baka isasalin ko rin ito sa filipino...
sadirmata
mannurat.blogspot.com
Post a Comment