Thursday, June 30, 2005

TUPARIN NATIN ANG BANTA NG ATING PANAHON

Matapos na babuyin ang mga balota
at baliin ang susing magbubukas sana
sa mga kahong nagkakanlong sa tunay na pasya ng bayan,
ang panipis na nang panipis na bituka ng mga mamamayan
ay binutas,
binutas ng rehimen.
At ang kalikasang noon pa'y nilalamas-lamas
ng mga dayuhan
ay tuluyang sa kanila'y ipinagahasa.

Dumalas ang pagbaha ng mga paa sa lansangan,
ang pagpinta ng mga bandila
at pagtuldok ng mga kamao
sa himpapawid.
At bakit hindi?
Ang mga mamamaya'y mga tao,
di tulad ng mga namumuno sa bansa.

Ngunit sapagkat iginigiit nila ang pagiging mga tao,
ang sagot sa kanila
ay ang dahasin,
pataying parang mga hayop.
Ito raw ay upang maipagsanggalang ang demokrasya.

Ang demokrasya'y ipinagtatanggol
ng rehimeng nahalal nang di nahahalal,
rehimeng gumahasa sa demokrasya.

Kaya't halina,
isigaw natin nang buong lakas
ang hatol ng ating panahon:
Nararapat na gumulong
ang ulong may suot na koronang ninakaw.

Isigaw natin ito hanggang sa mabuwag
ng ating mga tinig
ang mga alambreng pader ng Mendiola.
Tiyakin nating matutupad
ang banta ng ating panahon:
Mene thecel phares,
huwad na Pangulo.

Tuesday, June 07, 2005

KAPATAWARANG WALANG BATAYAN

Sa kanyang sanaysay na “Tungkulin ng Manunulat” (Ani, Cultural Center of the Philippines, Hunyo 1987), napakalaking pananagutan ang iniaatang ng kuwentista, peryodista, makata, at mandudulang si Rogelio OrdoƱez sa kanyang mga kapwa manunulat. Aniya:

“Sinasabing ang manunulat ay ‘mambabatas ng daigdig’ at ‘direktor ng konsensiya’ ng bayan kung kaya hindi lamang siya dapat na maging matapat na tagapaglarawan ng buhay, kundi dapat ding maging pinakamahigpit na kritiko nito.”

At siyang totoo! Napakalaki ng tiwalang ibinubuhos ng publiko sa di-karaniwang talinong ipinagpapalagay na taglay ng bawat manunulat, kaya’t bawat manunulat ay may malakas na impluwensiyang intelektuwal sa kanyang mga mambabasa. Dahil dito, ang manunulat ay may tungkuling hindi lamang isiwalat ang buong katotohanan kundi lumahok din sa pagbabago nito.

Malimit-limit din namang mapag-usapan ang mga alagad ng panulat na naging tapat sa pananagutang ito, ngunit bibihira ang mga talakayan tungkol sa mga manunulat na gumamit sa kanilang mga pluma upang maghabi ng mga kasinungalingan. Kaya naman sa panahong sila ang mamayagpag ay wari bang naliligaw tayo tungkol sa kung paano sila dapat na tingnan mula sa pangkasaysayang pananaw.

Ang kasaysayan ng siglong nagdaan ay hindi nagkukulang sa bilang ng manunulat na naging mga taksil sa dakilang misyon ng mga alagad ng panulat, ngunit magkasya na muna tayo sa dalawang tampok na halimbawa: sina Benigno Ramos at Guillermo de Vega.

Anak ng mag-asawang nasangkot sa Himagsikang 1896 sa Bulacan, Bulacan si Benigno Ramos. Bata pa’y kinakitaan na siya ng pambihirang kahusayan sa pagbigkas ng tula at pagtatalumpati. Ang kakayahan niyang ito ay umakit sa ilang pulitikong umugnay sa kanya upang hilingan siyang bumigkas o magtalumpati sa kanilang mga kampanyang elektoral.

Dahil sa pagkakaugnay sa mga pulitikong ito, naging maluwag ang pagkakapasok niya sa mga kilalang pasulatan sa Maynila, at naging mabilis naman ang kanyang pagsikat bilang manunulat dahil sa kanyang talino sa pagsusulat. Nakilala siya bilang isang makata at mamamahayag na rebelde, dahil sa kanyang matalim na pagbatikos sa mga pangunahing suliranin ng lipunan sa kanyang mga akda.

Noong dekada 1930, itinatag at pinamunuan niya ang kilusang Sakdalista, na lumahok sa halalan ng 1934 batay sa isang platapormang anti-imperyalista at anti-piyudal. Umani ito ng malaking tagumpay, bagay na lumikha ng takot sa establisimyentong pulitikal nang mangampanya ito nang taon ding iyon para sa pagboykot sa plebisito hinggil sa panukalang Konstitusyon ng 1935, na magtatalaga sa Pilipinas bilang isang komonwelt taliwas sa kahingian nitong kagyat at ganap na kasarinlan bago lumipas ang 1935.

Naging biktima ng paninikil ang kilusang Sakdalista, at dahil dito’y nakaisip ang maraming kasapi nito na magsagawa ng marahas na pag-aaklas. Ngunit dahil buhaghag at walang sapat na kasanayang militar, madaling nagapi ng mga awtoridad ang nagsipag-aklas.

Nang maganap ang pag-aaklas, nasa Hapon si Ramos diumano’y upang ikuha ng tangkilik ang partidong Sakdalista.

Sa mga huling taon ng dekada 1930, kabilang si Ramos sa mga magtatatag ng Lapiang Ganap, isang grupong nagpalaganap ng propagandang naglalayong ihanda ang publiko sa pagtanggap sa mga Hapones bilang mga tagapaghatid ng Pilipinas tungong paglaya mula sa kuko ng Estados Unidos.

Noong panahon ng digmaan laban sa Hapon, namayagpag si Ramos bilang isa sa mga direktor ng Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas (Kalibapi), isang grupong nagkalat ng propagandang pumupuri sa “pagtulong” ng Hapon sa Pilipinas. Ito’y sa gitna ng malawakang pamiminsala ng Imperyal na Hukbong Hapones sa buhay at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino, kabilang ang paggamit sa ilang daang babae bilang comfort women o mga parausan ng libog.

Isinilang sa Rizal –- isang lalawigang ipinangalan sa Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal, isang dakilang makabayang manunulat –- si Guillermo de Vega, makata at mananaysay. Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) hanggang sa magtamo ng Ph.D. sa Agham Pampulitika.

Isa siyang propesor ng naturang kurso sa pamantasang nabanggit nang kunin siya upang maglingkod sa gobyerno ni Ferdinand Marcos. Naging aktibo siyang propagandista ng naturang rehimen.

Sa kasagsagan ng Batas Militar (1972-1986) –- isang panahong kinatampukan ng malawakang pagdakip, pagpapahirap, at pagpatay sa mga nagsusulong ng ganap na kasarinlan at tunay na katarungang panlipunan –- susulatin ni De Vega ang librong Ferdinand Marcos: An Epic, isang librong-tulang naglalarawan sa diktador bilang isang Mesiyas.

Tiyak na ubod ng lulupit ang mga panginoong pinaglingkuran nina Ramos at De Vega, at napakabigat ng pananagutan ng mga ito sa kasaysayan. Napakahihirap patawarin ang mga kasalanan ng mga ito.

Ngunit paano naman ang dapat na pagtingin ng kasaysayan sa mga tulad nina Ramos at De Vega? Sila ba’y di-hamak na higit na madaling patawarin kaysa sa kanilang mga panginoon, dahil di tulad ng mga ito’y hindi naman sila kumitil ng buhay?

Ang sinumang sasagot ng “Oo” sa ikalawang tanong ay walang mapatutunayan kundi ang kanyang pagtataglay ng isang kagila-gilalas na uri ng kahangalan, at kung marunong tumawa ang mga uod ay tiyak na pagtatawanan siya ng mga ito sapagkat kaydali nilang makikitang sila’y higit pang matalino sa kanya.

Kung siya ma’y may taglay na Ph.D. mula sa UP, na ipinagpapalagay na siyang pinakamahusay na pamantasan sa Pilipinas, makabubuti pang ang lahat ng salaping ginugol ng mga nagbabayad ng buwis upang siya’y makakuha ng kanyang titulo ay inihagis na lamang niya sa Payatas, at baka mapulot pa ng mga bata roong araw-araw ay nabubuhay sa pangambang baka sila maguhuan ng bundok ng basura, at makatikim man lamang sila ng ilang buwang hindi nila kailangang magkakalkal ng basura upang may maipalaman lamang sa kanilang mga impis na tiyan.

Totoong walang pinatay sina Ramos at De Vega. Ngunit sa bawat paglalabas nila ng akdang pumupuri sa Emperyong Hapones, sa kaso ni Ramos; o sa rehimeng Marcos, sa kaso naman ni De Vega –- pinabango nila sa harap ng marami pati na ang lahat ng kasalarinan ng mga ito. Katumbas ito ng pagdukot sa hukom na maglilitis sa salarin at pagputol sa dila ng mananaggol ng nagsasakdal. Paggawa ito ng paraan upang ang mamamatay-tao’y makaligtas sa anumang parusa at patuloy pang makakitil ng buhay.

Ang pagmaliit sa pananagutan ng mga tulad nina Ramos at De Vega sa kasaysayan ay pagmaliit din sa papel ng manunulat sa lipunan –- at kung manggagaling pa ito sa isa mismong manunulat ay tunay na nakapagbabaligtad ng sikmura.

Maaaring walang inutang na buhay sina Ramos at De Vega, ngunit napakaliit ng pagitan nila at ng mga umutang ng buhay. Kung sila’y nabuhay hanggang sa ating panahon, ang patawarin sila nang hindi naman tapat na humihingi ng kapatawaran ay hindi lamang isang napakalaking kamangmangan kundi higit pa’y isa ring pagkakasala sa bansa.

Sunday, June 05, 2005

PAGSASAKDAL KAY BENIGNO RAMOS, LIDER-SAKDALISTA

Sa kasaysayan ng nagdaang dantaon, isa sa mga personaheng lumikha ng pinakamalalaking alingasngas si Benigno Ramos –- makata, mambibigkas, mamamahayag, mananalumpati, lider-rebelde, pulitiko.

Hindi nawawala ang kanyang pangalan sa talaan ng pinakamahuhusay na manunulat, mambibigkas, at mananalumpating nabuhay sa kasaysayan ng Pilipinas. Subalit sa mga aklat ng kasaysayan, lagi’t lagi ring lumilitaw ang kanyang pangalan sa talaan ng mga taksil sa kapakanan ng sambayanan.

Isinilang sa Bulacan, Bulacan noong 1892, si Benigno Ramos ay anak nina Catalino Ramos –- isang kasapi ng Katipunan noong panahon ng Himagsikang 1896; at Benigna Pantaleon, na noong panahon ng Rebolusyon ay nagboluntaryong mangalaga sa mga sugatan at maysakit na Katipunero. Namulat siya sa mga karanasang ito ng kanyang mga magulang at maaaring ang pangyayaring ito ang nagtanim ng diwang mapaghimagsik sa kanyang kamalayan.

Bata pa si Ramos ay kinakitaan na siya ng kahusayan sa pagbigkas ng tula at sa pagtatalumpati. Noong siya’y isa pang paslit, madalas na siya’y nahihikayat ng mga nakatatandang kababayan na tumayo sa ibabaw ng isang bangko at doon magtalumpati o bumigkas ng tula habang pinanonood nila nang buong paghanga.

Ito ring kakayahan niya sa pagbigkas at pagtatalumpati ang magiging sanhi ng pagkakainteres sa kanya ng ilang pulitiko, na umugnay sa kanya at hinilingan siyang bumigkas o magtalumpati sa kanilang mga kampanya. Labinlimang taong gulang siya nang siya’y unang mahilingang bumigkas sa isang kampanya.

Ang kanyang pagkakaugnay sa mga pulitiko ang naging daan naman upang siya’y madaling magkapuwang sa mga kilalang pasulatan sa Maynila. Mabilis din ang kanyang pagsikat bilang isang manunulat, dala na rin ng kanyang kahusayan sa larangang ito.

Noong 1922, nakaugnay sa kanya ang noo’y Pangulo ng Senado na si Manuel L. Quezon, na nagbigay sa kanya ng trabaho bilang isang kagawad sa Senado.

Walong taon pagkaraan nito, magkakahiwalay ng landas sina Ramos at Quezon.

Noo’y nagsagawa ng isang welga ang mga estudyante ng isang mataas na paaralan sa Maynila dahil sa panlalait ng isang Amerikanang guro sa mga Pilipino sa isa sa kanyang mga klase. Kagaya ng mahusay ding makatang si Jose Corazon de Jesus, nasangkot si Ramos sa welgang-estudyanteng ito.

Si Quezon, na sumisipsip sa Gobernador-Heneral, ay nag-utos kay Ramos na itigil ang pagtangkilik sa welga at, higit pa riyan, itakwil ito. Ikinagalit ni Quezon ang pagtanggi ni Ramos na sundin ito, kaya’t sinabihan niyang magbitiw ito sa Senado.

Ang pangyayaring ito ay nagbunsod kay Ramos na maglabas ng sarili niyang pahayagan, na kanyang bininyagang Sakdal.

Ito’y inilathala nang lingguhan sa wikang Tagalog, at matinding bumatikos sa mga Amerikanong tagapamahala, kay Quezon at sa kanyang mga tagasunod, sa mga asendero, sa Simbahan, at sa Konstabularya. Ipinanawagan ng Sakdal ang kagyat na kasarinlan ng Pilipinas at kinundena nito ang palaki nang palaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap, na pinatunayan nito sa pamamagitan ng mga beripikadong estadistika.

Noong 1933, nagpasya si Ramos na magbuo ng isang partidong pulitikal. Mula sa mga mambabasa ng Sakdal ay nabuo ang organisasyong Sakdalista, na sa kongreso nito sa pagtatatag ay nagpasyang lumahok sa halalan ng 1934.

Ang plataporma ng mga Sakdalista ay umikot sa tatlong saligang usapin: edukasyon, dominasyon ng Estados Unidos sa ekonomiya ng Pilipinas, at ang panukalang pagkakaroon ng Estados Unidos ng mga base militar sa bansa.

Inilarawan nila bilang kolonyal ang sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas at, sa partikular, binatikos nila ang seryeng Readers ni Camilo Osias dahil sa pamamarali nito ng kulturang Amerikano. Iginiit nilang ang dahilan ng kahirapan ng kalakhang mamamayan ay ang pagkakasakal ng Estados Unidos sa ekonomiya ng Pilipinas, at tinutulan nila ang higit na pamumuhunan ng Estados Unidos sa bansa. Tinutulan din nila ang panukalang magtatag ng mga base militar ang Estados Unidos sa Pilipinas, sa kadahilanang hindi makikinabang ang Pilipinas sa mga ito.

Isa si Ramos sa mga nanalong kandidato ng Sakdalista, at dito nagsimula ang kanyang pagpapakita ng oportunismo. Pinalabnaw niya sa kanyang panunungkulan ang paghahapag ng mga kahingian at itinuon niya ang kanyang enerhiya sa mga periperal na usapin.

Gayunman, nagpatuloy sa pagkilos nito ang organisasyong Sakdalista. Ang mga lider nitong hindi nagpatianod sa tukso ng kapangyarihan at pribilehiyo ay humikayat sa mga mamamayan na iboykot ang plebisito ng 1935 para sa Konstitusyong Komonwelt, bilang paggigiit ng kahingian nilang magkaroon ang Pilipinas ng ganap at hustong kasarinlan nang hindi lumalampas ang 1935.

Ang Gobernador-Heneral ay naglabas ng kautusang nagsasabing sedisyoso ang naumang kampanya laban sa plebisito, at marami sa mga lider at kasapi ng organisasyong Sakdalista ang pinagdadakip.

Napoot ang kanilang mga kasamahan at nag-isip ng marahas na pag-aaklas. Hatinggabi ng Mayo 2, 1935 nang may 150 magbubukid na naaarmasan ng mga tabak at paltik ang nagmartsa patungo sa munisipyo ng San Ildefonso, Bulacan upang ibaba ang bandila ng Estados Unidos at itaas ang bandilang Sakdalista. Sumunod ang mga kasamahan nila sa iba pang lalawigan tulad ng Cavite, Rizal, at Laguna. Sa kabuua’y may 60,000 Sakdalista ang nasangkot sa pag-aaklas na ito.

Tumugon ang Konstabularya. Buhaghag at mahihina ang sandata, madaling nagapi ang mga Sakdalista, at pagdating ng tanghali ng Mayo 3 ay tapos na ang lahat: 57 Sakdalista ang napatay, daan-daan ang sugatan at may 500 ang nabilanggo.

Nang maganap ang pag-aaklas, si Ramos ay nasa Hapon. Noo’y madalas na siyang magtungo sa nasabing bansa upang diumano’y ikuha ng tangkilik ang kanyang partido.

Ilang taon matapos ito, si Ramos at ang ilang nakabig niyang lider ng mga Sakdalista ay magbubuo ng Lapiang Ganap, isang grupong nagkalat ng propagandang maka-Hapon. Naging behikulo ang Lapiang Ganap sa pagpapalaganap ng mga sulating nagsasabing ang Hapon ay makatutulong sa paglaya ng Pilipinas. Nang sumalakay ang Hapon sa Pilipinas noong 1942, kabilang nga sa mga sumalubong sa Hukbong Imperyal nito ang Lapiang Ganap.

Di naglaon, naging direktor sa publisidad si Ramos ng Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas o Kalibapi, na naging behikulong pampropaganda rin ng imperyalismong Hapones.

Naging sagad-sagaran si Ramos bilang isang propagandista ng imperyalismong Hapones sa Pilipinas, sa kabila ng malawakan at walang-habag na pamiminsala ng mga puwersa nito sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino –- mahirap man o mayaman.

Sa dakong kalagitnaan ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas, isang himnong martsang may pamagat na “Dai-atiw ng Kalibapi” ang lumabas. Isa sa mga taludtod nito ang may lamang ganito:

Narito ang bansang Hapon
Na sa ati’y tumutulong
Upang tayo ay masulong
Mapaanyo ay yumabong...


Sa paglabas ng kantang ito, na nilapatan ng himig ni Felipe Padilla de Leon, ilang manunulat ang naghinalang si Ramos ang sumulat ng mga titik nito. Isang makata naman ang nagsabing hindi maaaring si Ramos ang sumulat ng mga pangit na taludtod na ito sapagkat siya’y isang lubhang mahusay na makata.

Isang organisasyon ng mga manunulat ang nagsagawa ng pagsisiyasat at napatunayang si Ramos nga ang sumulat ng mga titik ng “Dai-atiw ng Kalibapi.” Pinagtibay ng organisasyon ang isang resolusyong si Ramos ay lilikidahin sa tamang panahon.

Hindi na natuloy ang paglilikida sapagkat si Ramos ay naglaho na lamang at sukat dakong 1946, bagama’t hinihinalang kasama siya ng mga tumakas na Hapones na namatay sa Nueva Vizcaya nang bumagsak ang sinasakyan nilang eroplano.

Gayunman, hindi pinatawad ng kasaysayan si Ramos. Bagama’t hindi naglalaho ang pagkilala sa kanyang ipinamalas na kahusayan bilang isang manunulat, mambibigkas at mananalumpati, hindi naman nalilimot ng kasaysayan ang kanyang kataksilan sa kapakanan ng bansa. Pirmi siyang kabilang sa listahan ng mga taksil –- kasama nina Pedro Paterno, Emilio Aguinaldo, at iba pang katulad.

Ano kaya kung nabuhay si Ramos hanggang sa ating panahon? Magiging gayundin karahas kaya sa kanya ang kasaysayan?

Batay sa timpla ng kasalukuyan, may sapat na batayan upang mangambang kung kinabuhayan ni Ramos ang ating panahon ay makukuha niya ang kapatawaran kahit hindi niya hingin. Malamang na hindi iilan ang magpapaumanhin para sa kanya kahit na di siya humingi ng paumanhin, at magsasabing wala naman siyang kinitil na buhay.

Na isang napakalaking pagkakamali lalo kung magmumula sa hanay ng mga taong kundi man may napakataas na inabot sa pormal na pag-aaral ay may sapat na dahilan upang asahang magpakita ng malalim na kamulatan sa kasaysayan. Hindi nga pumisil ng gatilyo o nagtarak ng bayoneta si Ramos, subalit sa bawat paglalabas niya ng piyesang pumupuri sa imperyalismong Hapones ay pinabango niya pati ang pagkitil nito ng napakaraming inosenteng buhay.

Ganito ang dapat na pagtingin kay Benigno Ramos at sa kanyang mga katulad –- at may mga kaparis siya sa ating panahon.

Mga sanggunian:

1. Renato Constantino, The Philippines: A Past Revisited, Manila: Foundation for Nationalist Studies, 1975

2. Delfin L. Tolentino, Jr., “Benigno Ramos: ‘Poeta Revolucionario,’” introduksiyon sa Benigno Ramos, Gumising Ka, Aking Bayan (Mga Piling Tula), Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1998

KAHIT DI NIYA NAHAWAKAN ANG PATALIM

Duguan ang kanyang mga palad
kahit hindi niya hinawakan man lamang
ang patalim.
Nahagip ng kanyang mga mata
ang pagbaon ng punyal,
ngunit iba ang tulak ng kanyang mga labi:
“Hindi siya mamamatay-tao,"
aniya hinggil sa salarin.
Kahit di niya nahawakan man lamang
ang patalim –-
naliligo, naliligo ang kanyang mga palad
sa dugo ng taong pinutlan ng buhay.