KAPATAWARANG WALANG BATAYAN
Sa kanyang sanaysay na “Tungkulin ng Manunulat” (Ani, Cultural Center of the Philippines, Hunyo 1987), napakalaking pananagutan ang iniaatang ng kuwentista, peryodista, makata, at mandudulang si Rogelio Ordoñez sa kanyang mga kapwa manunulat. Aniya:
“Sinasabing ang manunulat ay ‘mambabatas ng daigdig’ at ‘direktor ng konsensiya’ ng bayan kung kaya hindi lamang siya dapat na maging matapat na tagapaglarawan ng buhay, kundi dapat ding maging pinakamahigpit na kritiko nito.”
At siyang totoo! Napakalaki ng tiwalang ibinubuhos ng publiko sa di-karaniwang talinong ipinagpapalagay na taglay ng bawat manunulat, kaya’t bawat manunulat ay may malakas na impluwensiyang intelektuwal sa kanyang mga mambabasa. Dahil dito, ang manunulat ay may tungkuling hindi lamang isiwalat ang buong katotohanan kundi lumahok din sa pagbabago nito.
Malimit-limit din namang mapag-usapan ang mga alagad ng panulat na naging tapat sa pananagutang ito, ngunit bibihira ang mga talakayan tungkol sa mga manunulat na gumamit sa kanilang mga pluma upang maghabi ng mga kasinungalingan. Kaya naman sa panahong sila ang mamayagpag ay wari bang naliligaw tayo tungkol sa kung paano sila dapat na tingnan mula sa pangkasaysayang pananaw.
Ang kasaysayan ng siglong nagdaan ay hindi nagkukulang sa bilang ng manunulat na naging mga taksil sa dakilang misyon ng mga alagad ng panulat, ngunit magkasya na muna tayo sa dalawang tampok na halimbawa: sina Benigno Ramos at Guillermo de Vega.
Anak ng mag-asawang nasangkot sa Himagsikang 1896 sa Bulacan, Bulacan si Benigno Ramos. Bata pa’y kinakitaan na siya ng pambihirang kahusayan sa pagbigkas ng tula at pagtatalumpati. Ang kakayahan niyang ito ay umakit sa ilang pulitikong umugnay sa kanya upang hilingan siyang bumigkas o magtalumpati sa kanilang mga kampanyang elektoral.
Dahil sa pagkakaugnay sa mga pulitikong ito, naging maluwag ang pagkakapasok niya sa mga kilalang pasulatan sa Maynila, at naging mabilis naman ang kanyang pagsikat bilang manunulat dahil sa kanyang talino sa pagsusulat. Nakilala siya bilang isang makata at mamamahayag na rebelde, dahil sa kanyang matalim na pagbatikos sa mga pangunahing suliranin ng lipunan sa kanyang mga akda.
Noong dekada 1930, itinatag at pinamunuan niya ang kilusang Sakdalista, na lumahok sa halalan ng 1934 batay sa isang platapormang anti-imperyalista at anti-piyudal. Umani ito ng malaking tagumpay, bagay na lumikha ng takot sa establisimyentong pulitikal nang mangampanya ito nang taon ding iyon para sa pagboykot sa plebisito hinggil sa panukalang Konstitusyon ng 1935, na magtatalaga sa Pilipinas bilang isang komonwelt taliwas sa kahingian nitong kagyat at ganap na kasarinlan bago lumipas ang 1935.
Naging biktima ng paninikil ang kilusang Sakdalista, at dahil dito’y nakaisip ang maraming kasapi nito na magsagawa ng marahas na pag-aaklas. Ngunit dahil buhaghag at walang sapat na kasanayang militar, madaling nagapi ng mga awtoridad ang nagsipag-aklas.
Nang maganap ang pag-aaklas, nasa Hapon si Ramos diumano’y upang ikuha ng tangkilik ang partidong Sakdalista.
Sa mga huling taon ng dekada 1930, kabilang si Ramos sa mga magtatatag ng Lapiang Ganap, isang grupong nagpalaganap ng propagandang naglalayong ihanda ang publiko sa pagtanggap sa mga Hapones bilang mga tagapaghatid ng Pilipinas tungong paglaya mula sa kuko ng Estados Unidos.
Noong panahon ng digmaan laban sa Hapon, namayagpag si Ramos bilang isa sa mga direktor ng Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas (Kalibapi), isang grupong nagkalat ng propagandang pumupuri sa “pagtulong” ng Hapon sa Pilipinas. Ito’y sa gitna ng malawakang pamiminsala ng Imperyal na Hukbong Hapones sa buhay at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino, kabilang ang paggamit sa ilang daang babae bilang comfort women o mga parausan ng libog.
Isinilang sa Rizal –- isang lalawigang ipinangalan sa Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal, isang dakilang makabayang manunulat –- si Guillermo de Vega, makata at mananaysay. Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) hanggang sa magtamo ng Ph.D. sa Agham Pampulitika.
Isa siyang propesor ng naturang kurso sa pamantasang nabanggit nang kunin siya upang maglingkod sa gobyerno ni Ferdinand Marcos. Naging aktibo siyang propagandista ng naturang rehimen.
Sa kasagsagan ng Batas Militar (1972-1986) –- isang panahong kinatampukan ng malawakang pagdakip, pagpapahirap, at pagpatay sa mga nagsusulong ng ganap na kasarinlan at tunay na katarungang panlipunan –- susulatin ni De Vega ang librong Ferdinand Marcos: An Epic, isang librong-tulang naglalarawan sa diktador bilang isang Mesiyas.
Tiyak na ubod ng lulupit ang mga panginoong pinaglingkuran nina Ramos at De Vega, at napakabigat ng pananagutan ng mga ito sa kasaysayan. Napakahihirap patawarin ang mga kasalanan ng mga ito.
Ngunit paano naman ang dapat na pagtingin ng kasaysayan sa mga tulad nina Ramos at De Vega? Sila ba’y di-hamak na higit na madaling patawarin kaysa sa kanilang mga panginoon, dahil di tulad ng mga ito’y hindi naman sila kumitil ng buhay?
Ang sinumang sasagot ng “Oo” sa ikalawang tanong ay walang mapatutunayan kundi ang kanyang pagtataglay ng isang kagila-gilalas na uri ng kahangalan, at kung marunong tumawa ang mga uod ay tiyak na pagtatawanan siya ng mga ito sapagkat kaydali nilang makikitang sila’y higit pang matalino sa kanya.
Kung siya ma’y may taglay na Ph.D. mula sa UP, na ipinagpapalagay na siyang pinakamahusay na pamantasan sa Pilipinas, makabubuti pang ang lahat ng salaping ginugol ng mga nagbabayad ng buwis upang siya’y makakuha ng kanyang titulo ay inihagis na lamang niya sa Payatas, at baka mapulot pa ng mga bata roong araw-araw ay nabubuhay sa pangambang baka sila maguhuan ng bundok ng basura, at makatikim man lamang sila ng ilang buwang hindi nila kailangang magkakalkal ng basura upang may maipalaman lamang sa kanilang mga impis na tiyan.
Totoong walang pinatay sina Ramos at De Vega. Ngunit sa bawat paglalabas nila ng akdang pumupuri sa Emperyong Hapones, sa kaso ni Ramos; o sa rehimeng Marcos, sa kaso naman ni De Vega –- pinabango nila sa harap ng marami pati na ang lahat ng kasalarinan ng mga ito. Katumbas ito ng pagdukot sa hukom na maglilitis sa salarin at pagputol sa dila ng mananaggol ng nagsasakdal. Paggawa ito ng paraan upang ang mamamatay-tao’y makaligtas sa anumang parusa at patuloy pang makakitil ng buhay.
Ang pagmaliit sa pananagutan ng mga tulad nina Ramos at De Vega sa kasaysayan ay pagmaliit din sa papel ng manunulat sa lipunan –- at kung manggagaling pa ito sa isa mismong manunulat ay tunay na nakapagbabaligtad ng sikmura.
Maaaring walang inutang na buhay sina Ramos at De Vega, ngunit napakaliit ng pagitan nila at ng mga umutang ng buhay. Kung sila’y nabuhay hanggang sa ating panahon, ang patawarin sila nang hindi naman tapat na humihingi ng kapatawaran ay hindi lamang isang napakalaking kamangmangan kundi higit pa’y isa ring pagkakasala sa bansa.
No comments:
Post a Comment