Thursday, July 14, 2005

SILANG IILANG MANG-AAGAW NG TAGUMPAY

Isinisilang at yumayao ang mga panahon,
ngunit di lumilipas
ang ating kahapon.

Sa mga panahon ng palitang-putok,
tayo sa larangan ang nagdadala ng bandila
at ang ating mga dibdib at ulo
ang nakalaang lurayin ng mga punlo ng kaaway.
Ngunit sa panahon ng lubos na paglalaho ng usok,
ang nagwawagayway ng bandila
ay silang iilang hindi halos umapak sa larangan.

Minsan nila itong ginawa sa Kawit,
makalawang ito ay ginawa nila sa EDSA.

At ngayon,
narito na naman sila --
parang mga manananggal
na naghihintay sa pagsilang ng bilog na buwan
upang makalipad ang kalahating katawan
at makapanagpang.
Magtatagumpay ba silang muli sa pang-aagaw ng tagumpay?

Kahit na ilang bukas ang dumating,
tuluy-tuloy lamang ang ating kahapon
hangga’t tayo’y may ugaling matulog kaagad
pagkatapos ng kahuli-hulihang putok ng baril.

2 comments:

itid said...

hello. madalas po ako dito. i-link nyo naman blog ko, www.itid.blogspot.com. baka pwede nyo rin promote sa friends nyo. hehe. ni-refer kase ni pareng usman ang blog nyo sakin.

salamat,
itid

Alexander Martin Remollino said...

hello, jun! galing na ako sa blog mo. ikaw ngayon ang kauna-unahang link sa ilalim ng kauna-unahang kategorya ng links. ayos na ayos at nakakapunta rin pala rito si pareng usman.