Thursday, May 17, 2007

PAGKAKAIT NG KATAHIMIKAN
Alexander Martin Remollino

Sa mga kaanak at kaibigan ni Jonas Burgos at ng iba pang biktima ng sapilitang pagkawala


Kabilang sa inaangkin nilang mga pribilehiyo
ng kanilang katungkulan at uniporme
ang karapatang ipagkait ang katahimikan
sa pinakatahimik man nating mga gabi.
Ilan nang kaanak at kaibigan
na nakitalad upang ang lipunan ng mga tao
ay maging karapat-dapat sa mga tao
ang kanilang pinapaglahong parang mga bula,
at tayo'y kanilang isinadlak
sa walang-katapusang pakikipagtalo sa mga sarili
hinggil sa kung ang nawawalang mga kaanak at kaibigan
ay aalayan na kaya ng mga elehiya
o patuloy na aantaying kumatok isang araw
sa mga pinto ng ating mga tahanan at tanggapan
o biglang sumulpot sa ating mga pagtitipon.

Dahil dito,
atin naman ang karapatang ipagkait sa kanila
ang katahimikan ng tiyak na pagkakaupo
sa mga luklukan ng kapangyarihan.
Atin ang karapatang ibitin ng buhok
sa tapat ng kanilang mga ulo
ang espada ni Damocles.