Wednesday, August 22, 2007

MAKALAMPAS LANG NANG KAUNTI SA PAANAN
Alexander Martin Remollino

May higit sa isang taon na ang lumalakad
mula nang ang mga paa ng mga
Dale Abenojar, Erwin Emata, Leo Oracion, at Romi Garduce
ay makahalik sa tuktok ng Everest.
Noo’y nagpista ang buong bayan,
at karapat-dapat lang na ipagbunyi hanggang langit
ang kanilang tagumpay.
Sila ang kauna-unahang mga anak ng Pilipinas
na nakarating sa tuktok
ng pinakamataas na bundok sa mundo.

Ngunit huwag sanang angkinin ang kanilang tagumpay
bilang “tagumpay ng ating lahi,
tagumpay ng ating lipi.”

Hindi nila panahon ang ating panahon:
sila’y angat sa ating panahon.
Sapagkat ang ating panahon
ay panahong nagkakasya ang karamihan
sa makalampas lang nang kaunti sa paanan
ng bundok na ni hindi kasintaas ng Everest,
at sapagkat malapit lamang sa paanan
ang hinahangad na marating,
itinuturing nang malaking tagumpay
ang makaapak sa paanan lamang –-
sa halip na tuklasin at sikaping igpawan
ang dahilan ng kahinaan ng tuhod.

Friday, August 03, 2007

ANG LALONG MAHALAGA SA ATING PANAHON
Alexander Martin Remollino

Kay Aquilino “Koko” Pimentel III, ang tunay na ika-12 senador ng halalan ng 2007


Gusto ko sanang humiling ng aral sa iyo
hinggil sa kung paano ang digmaang
ang labanan ay isa sa sandaan,
ang kalaban mo ay buong daigdig.
Sapagkat nauna ka sa akin,
at ang landas ng buhay
ay maraming laang patibong
na mahirap takasan –-
kabilang ang mga digmaang
wala kang kakampi,
o kung may kakampi ka man
ay siya ring kaaway mo pala.

Ngunit huwag na muna.
Sapagkat sa wari ko,
higit na mahalaga sa ating panahon
ang alamin

kung bakit tayo ngayo’y napaliligiran
ng mga matang di man lamang nagtitis
sa pagdaan ng nakangisi’t nandudurong katampalasanan –-

na tila ba hindi nakasusulukasok
ang amoy ng bulok na bangkay,

na tila ba hindi nakababasag ng tainga
ang mga kantang wala ni titik, ni tugtog.