Wednesday, October 31, 2007

SILANG IILA’Y IISA ANG MUKHA
Alexander Martin Remollino

Sa masang tagasuporta ng dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada

========

“I believe I can best continue to repay our people the blessings that God has so graciously given me by supporting from hereon the programs of Mrs. Arroyo that are intended to attack generational poverty and hunger.”

–- Joseph “Erap” Estrada, 26 Oktubre 2007, matapos mapalaya sa bisa ng executive clemency


I
Kaytagal ninyong sinubaybayan ang pelikulang-seryeng iyon:
ang walang-katapusang duruan
ng isang gustong makalaya’t isang ayaw makulong.
Kaytagal na kayo’y nakingitngit, nakidalamhati
sa tauhang nakakulong
sapagkat sa tabing ng inyong mga panaginip,
siya na sana ang maghuhudyat ng inyong itinakdang araw –-
dangan nga lamang at inagaw ng iilan sa kanya,
wika ninyo,
ang luklukang inyong sa kanya’y pinaghatiran.

Sa wakas ng palabas,
umugong at dumagundong ang inyong mga hiyaw
nang ang bida’y humarap sa inyo
na wala nang posas ang mga galanggalangan –-

at aywan kung rumehistrong malinaw sa tabing
ang nabunyag na katotohanang
’sindilim ng bulwagan kung patay ang mga ilaw:
na yaong bidang kaylaong ipinagrosaryo’t ipinag-orasyon
at kontrabidang kaylaong gustong ipakulam

ay iisa lamang pala ang tunay na mukha.

II
At dito’y walang dapat ikapanlaki ng mga mata
sapagkat sa pelikula ng ating kasaysayan,
tayong mamamayan ay lagi nang mga hamak na ekstra
at may iilan lamang na bida’t kontrabida
na iisa ang hilatsa ng mga mukha.
At magpapatuloy ang nakapahaba nang palabas na ito
hanggang tayong mamamaya’y hindi nakapagpapasya
na maging direktor ng sariling kapalaran.

No comments: