DEBOSYON AT AKTIBISMO
Alexander Martin Remollino
Ang naganap kahapon na Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila ay isang naghuhumiyaw na tanda ng ating panahon. At marami itong inihihiyaw.
Batay sa isang ulat ng Philippine Daily Inquirer, umabot sa 2.6 milyong Katolikong deboto ang lumahok sa pagdiriwang ng pistang nasabi. Ayon sa pamunuan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas, ito ang pinakamalaking paglahok sa Pista ng Itim na Nazareno sa loob ng nakaraang ilang taon. Ang marawal na kalagayan ng bansa sa kasalukuyan ang itinuturo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na dahilan ng pagbulwak ng bilang ng mga kalahok sa Pista ng Itim na Nazareno.
Sa isang artikulo sa website ng Arsobispadong Romano Katoliko ng Maynila, sinasabing ang imahe ng Nazareno na ngayo’y nasa Simbahan ng Quiapo ay dinala sa Maynila ng isang paring Kastila noong 1607. Nasunog daw ang barkong pinaglululanan ng imahe at nadamay ito. Bagama’t nasunog, ang nasabing imahe’y inaruga pa rin ng mga mamamayan. Mula noon, ayon sa mga kuwento, naghihimala na ang imahe para sa sinumang sumaling dito.
Ito na rin marahil ang pinagsimulan ng mahabang tradisyon na ng pamamanata ng mga debotong Katoliko sa nasabing imahe ni Kristo, na isang mamamayan ng Nazaret.
Sa isang panahon kung kailan malimit na pahirapan ang makapagpalahok ng kahit 2,000 sa mga kilos-protesta gayong kadalasa’y 5,000 o mahigit pa ang hinahangad na pakilusin ng mga organisador — kahit na walang kapantay sa kasaysayan ang kawalang-pakundangan ng katiwalian habang pinapasan ng mga mamamayan ang matinding bigat ng buwis, at patuloy ang pangangayupapa ng panahalaan sa mga dayuhang patakarang pang-ekonomiyang tuluy-tuloy na nagpapahirap sa kalakhan ng populasyon at maging sa papalaking bahagi ng gitnang uri) — ang isang kapistahang kagaya ng sa Poong Nazareno ng Quiapo ay nakapagpapalahok ng may 2.6 milyong tao.
Sa mga panahong sunud-sunod ang kagipitang kanilang hinaharap at madali nilang akalaing wala sa kanilang mga kamay ang kaligtasan, ang mga tao’y madadaling kumapit sa ipinalalagay na posibilidad ng mga himala kagaya ng diumano’y nagmumula sa Itim na Nazareno.
Ang Pista ng Itim na Nazareno’y itinuturing na siyang pinakamalaking pagtitipon ng mga Katoliko sa Pilipinas taun-taon, at ang laki ng pagtitipon kahapo’y walang kapantay sa nagdaang ilang taon.
Idiniriin ng ganitong panahon ang hamon sa mga progresibong nasa hanay ng taong-simbahan na palawakin nang husto ang pag-oorganisa sa Simbahang Katoliko — na mula sa panahon ng mga Kastila magpahanggang ngayo’y nananatiling siyang pinakamaimpluwensiyang simbahan sa Pilipinas, at ngayo’y may impluwensiya sa tinatayang 85 porsiyento ng ating populasyong nasa 89 milyon na.
Sa lalong malawak na saklaw, ipinakikita ng naganap na pagtitipon ng mga deboto kahapon sa Quiapo ang isang hamon sa mga nasa kilusan sa pagbabago na papag-ibayuhin ang pagsisikap na makapagbigay ng pag-asa sa nakararaming mamamayan — sa panahong tila kaydaling maubusan ng pag-asa.
1 comment:
Are you in need of a loan? Do you want to pay off your bills? Do you want to be financially stable? All you have to do is to contact us for more information on how to get started and get the loan you desire. This offer is open to all that will be able to repay back in due time. Note-that repayment time frame is negotiable and at interest rate of 3% just email us (creditloan11@gmail.com)
Post a Comment