KAY PLARIDEL
Alexander Martin Remollino
Binigkas sa isang pagtitipun-tipon ng mga mamamahayag noong 3 Mayo 2008, Pandaigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag, sa 70s Bistro. Inilalathala para sa ika-158 kaarawan ni Marcelo H. del Pilar (30 Agosto 2008).
I
Piping Dilat,
Dolores Manapat,
Plaridel:
Nangarap ka ring tumalunton sa mga ulap
ng mga kaisipang "panghabang-panahon"
ukol sa kagandahan,
ngunit nanatili ang iyong mga paa sa lupa
at ipinagpauna mo ang pagtugon
sa mga panawagan ng iyong panahon.
Sa Diariong Tagalog,
sinimulan mong hubdan ng maskara ng karangalan
ang mga kolonyal na awtoridad ng Espanya sa Pilipinas.
Nakipagdasalan-at-tuksuhan ka pa
sa mga puting malignong suot ay sutanang itim.
Di naglaon,
pinakawalan ng mga prayle ang kanilang mga kampon
at sumikip sa iyo ang Pilipinas
at kinailangan mong mandayuhan sa Espanya
upang doon ipagpatuloy ang paghihimagsik ng panulat.
Doon, ang pinamatnugutan mong La Solidaridad
ay namandila ng mga kahilingan
para sa lalong pagkalinga ng Inang Espanya sa Pilipinas.
Subalit nagtaingang-kawali ang Espanya
at ipinagamit mo kay Pingkian ang iyong pangalan
upang itatak sa una't huling pangulong tudling
ng Kalayaan.
Sa dakong huli, ikaw ay nauwi
sa pamumulot ng beha sa mga bangketa ng Barcelona
upang tupukin ang gutom at ginaw.
Nadarang din ang iyong mga baga
at sapilitan kang inihiga ng tisis.
Ngunit, kahit sa pagkakaratay,
walang pahinga ang iyong diwa
at nanginginig ang mga daliring walang-patid ang pagnanais
na hawakan ang pluma.
Paulit-ulit na nalilimbag sa iyong isip
ang tanong na ito:
"Paano na ang Inang Bayan?"
Hanggang sa ikaw, na sakdal ng kayamanan ang diwa,
ay lisanin ng iyong hininga
sa sala de pobres ng isang ospital sa Barcelona.
II
Piping Dilat,
Dolores Manapat,
Plaridel:
Tiniis mo ang buhay na puno ng pagpapakasakit,
at hanggang sa iniaalok na ang pagpapahingalay
ay walang-tigil ang iyong pagbabalikwas,
sapagkat ikaw ay mangingibig
na taos-pusong humarana
sa Mutya ng Katotohanan --
gaya ng sinumang tunay na peryodista.
Bagama't panulat ang iyong piniling sandata,
dumaloy sa iyong mga ugat ang dugo
ng isang mandirigmang nakahandang sumagupa,
sa ngalan ng matwid,
"kahit na ang labanan ay isa sa sandaan" --
gaya ng sinumang tunay na peryodista.
No comments:
Post a Comment