Saturday, November 01, 2008

KAHIT NA IISA ANG ATING TAHANANG LUPAIN
Alexander Martin Remollino

Isang bayan tayong hindi nasasakop
ng mga hanggan ng heograpiya.
Tayo'y nahahati sa kayraming pirasong nakakalat
sa lahat ng sulok nitong daigdig,
sapagkat itong ating lupain
ay pinaghahati-hatian ng mga tagaibang-bayan,
mga tagaibang-bayang inaari ang hindi kanila
at ninanakawan tayo ng tahanan sa sariling lupain.

Ang tirahan mo at ang tirahan ko
ay pinapaghihiwalay ng sampung libong milya,
kahit na iisa lamang ang ating tahanang lupain.

At ang nagbubuklod sa atin
ay ang iisang kasaysayan ng pagkakataboy
at ang iisang pakikitalad para sa pagsapit ng araw
na matitipon sa wakas ang mga pirasong nakakalat
sa buong daigdig,
at silang naghahati-hati sa lupang hindi kanila
ay tatakbong lahat na bahag ang mga buntot
mula sa ating lupain.

No comments: