Friday, July 25, 2003

ANALYZATION

Sa Ingles, ang pagsusuri ay tinatawag na analysis.

Iyan ang nakamulatan ko, sapagkat lahat ng kinapulutan ko ng kaalaman sa Ingles--mula sa aking naging mga guro hanggang sa napagbabasang manunulat at peryodista--ay ang salitang iyan ang ginagamit. Namulat akong walang alam na salitang Ingles na katumbas ng "pagsusuri" liban sa "analysis". Kaya't ito na rin ang ginagamit ko kapag ako'y sumusulat ng mga artikulo sa Ingles.

Anong laking pagkagulat ko nang kanginang umaga'y nalaman kong may salita palang "analyzation"! Ito'y nang bumili ako sa aming suking tindahan at nataunan ko sa kanilang telebisyon na nagsasalita ang isang bantog na host ng isang programa sa isang pagkalaki-laking himpilan sa telebisyon at kolumnista sa isang pagkalaki-laking arawang pahayagan.

Hindi ko na napakinggan kung anuman ang paksa ng kanyang analyzation--at wala akong pakialam doon--subalit sapat nang dagdag sa aking abang kabatiran ang malamang may salita palang ganito.

Ang naturang TV host at kolumnista ay anak ng isang dating senador at isang dating presidente.

Bukod sa pagiging isang dating senador, ang kanyang ama ay naging peryodista rin noong kabataan nito. Sa ama pa lamang niya ay dapat na niyang natutunang ang katumbas ng "pagsusuri" sa Ingles ay "analysis."

Datapwat di ito nangyari, at hindi na rin naman kataka-taka kung pagpapapakinggan ang hindi na dapat pakinggan at talagang hindi naman namin pinagpapapakinggang pinagsasasabi nito, na kaya lang namin naririnig pa ay sapagkat saanman yatang dako ng Pilipinas ay may nanonood sa kanya--sa di namin malirip na kadahilanan.

At ang nakapagtataka'y nakapagtapos siya ng kursong AB Mass Communications sa isang lubhang bantog na pamantasang Katoliko, at bukod pa rito'y naging isang sikat na TV host at kolumnista pa!

Kayhirap din pala ng hindi maging anak ng isang dating peryodista at senador at isang dating presidente. Kagaya ng minsa'y naikuwento sa akin ng isang dating kaklase sa kolehiyo. Ang valedictorian ng kanilang paaralan nang taong kami'y magtapos ng haiskul ay anak ng isang tsuper ng traysikel. Sapagkat matataas ang marka at nakapagtamo ng pinakamataas na karangalan sa kanilang klase, nagpasya itong uubra siya sa pamantasang pinagtapusan ng tinutukoy naming TV host at kolumnista. Umubra naman siya sapagkat naipasa niya maging ang qualifying examinations sa pagiging iskolar ng naturang pamantasan. Subalit kaunti nang hindi siya makapag-aral doon sapagkat naiwala ng saksakan ng gagaling na administrador at kawani ng pamantasan ang kanyang mga papel.

Samantalang itong pagkatali-talinong TV host at kolumnista, na dapat ay noon pang elementarya nakatuklas na ang katumbas ng "pagsusuri" sa Ingles ay "analysis," ay tinanggap nang walang aberya sa naturang pamantasan, at hinayaang magtapos doon kahit na wala siyang natutunang katumbas ng "pagsusuri" liban sa "analyzation."

Kayhirap din pala ng hindi maging anak ng isang dating peryodista at senador at isang dating presidente. Katulad ni Love Anover, na ang pinanggalingang mga pampublikong paaralan at dating tinirhang barung-barong ay hindi niya ikinakaila. Matapos na maipalabas ang kauna-unahan niyang segment sa The Probe Team, inulan siya ng insulto mula sa ilang henyong manonood, na nagsabing ang kanyang paraan ng pag-uulat (mapagpatawa at may kakulitan) ay nakasisira sa kredibilidad ng naturang programa.

Yaon namang pagkatali-talinong TV host at kolumnista ay malimit na maringgan ng mga salitang siya lamang ang nakaaalam na mayroon pala, ngunit magpahanggang ngayo'y walang napababalitang nagsabing nakasisira siya sa kredibilidad ng mismong mga propesyon ng mga TV host at kolumnista.

Kaysarap palang maging anak ng isang dating peryodista at senador at isang dating presidente.

No comments: