HINDI NADISKUWALIPIKA SI EDDIE GIL
Sa Txtube kaninang makalampas ang madaling-araw, isang mensahe tungkol kay Eddie Gil ang lumitaw: "Bakit na-disqualify si Eddie Gil? Wala nang pambansang pagtatawanan ang Pilipinas. Malungkot na ang Pilipinas."
Si Eddie Gil ang dating kandidato sa pagkapresidente ng Partido Isang Bansa Isang Diwa. Naging katawa-tawa siya sa paningin ng madla dahil sa kanyang mga ipinahayag na pananaw hinggil sa iba't ibang isyung kinakaharap ng bansa o maging ng kanyang sarili.
Nariyan, halimbawa, ang ipagyabang niyang kaya niyang bayaran ang lahat ng utang ng Pilipinas, gayong ang balita'y talbog na tseke ang kanyang ibinayad sa isang otel at ang kanyang opisina sa Quezon Avenue ay napakatagal nang nakatayo bago nagkaroon ng kuryente, at madalas pa ngang maputulan nito.
Sinabi pa niya minsan na ang solusyon sa pang-ekonomiyang problema ng Pilipinas ay gawing dolyar o dollar ang ating pananalapi tulad daw niyaong sa Tsina. Nang sabihin sa kanya ng reporter na kumakapanayam sa kanya noon (si Vicky Morales ng GMA 7) na ang pananalapi ng Tsina ay yuan, ipinakli niyang: "Dollar din 'yon."
Ni hindi alam ni Gil kung ano ang ibig sabihin ng net worth: "Ano y'ong net worth?" ang balik niya nang tanungin ni Vicky Morales kung magkano ang kanyang net worth.
Di magtatagal ay ididiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si Gil sa kadahilanang pagiging isang nuisance candidate, na sa pinakatapat na pagsasalin sa Pilipino ay nangangahulugang isa siyang kandidatong walang dadalhin sa eleksiyon kundi kabuwisitan. Nakabatay ang desisyon sa isang petisyong inihain ni Bro. Eddie Villanueva, kalaban niya sa pagkapresidente.
Ipinahayag ni Gil na hindi niya igagalang ang pasya ng Comelec sapagkat ang pinagbatayan daw nito ay petisyon ng isang "komunista." Halatang hindi niya nalalamang matagal nang nasa labas ng kilusang "komunistang" dating kinabilangan si Villanueva.
Umapila si Gil hinggil sa naturang desisyon ng Comelec, subalit sa dakong huli'y nanaig ang pagkakadiskuwalipika sa kanya. Bilang tugon ay sinabi niyang "ipabibitay" niya ang Comelec commissioner na nagdiskuwalipika sa kanya.
Iyan si Eddie Gil.
Isang pastor sa isang simbahan sa Maynila ang minsa'y nakatalakayan ko tungkol sa noo'y takbo ng kampanya, at ang sabi tungkol kay Eddie Gil ay: "Parang kulang dito," habang itinuturo ang kanyang sentido. "Baliw" naman ang pagkakalarawan kay Gil ng isang kaibigang nagtatrabaho sa isang call center.
Magkaugnay naman ang dalawang pagkakalarawan. Maliwanag pa sa isang laser beam na naipakita ni Eddie Gil ang pagkakataglay ng pinapagsamang di-kasapatan ng talino at ganap na kakulangan ng katinuan.
At nadiskuwalipika nga sa pagkandidato si Gil. A, siyanga?
Kung isang hangal at baliw si Gil, hindi ba't napakalaking kahangalan at kabaliwan din ang naging takbo ng kampanya ng karamihan sa mga kalaban niya sa panguluhan--mga kampanyang walang laman kundi pakikipaglandian ng kani-kanilang tiket sa panauhing mga artista't mananayaw?
Hindi ba't isang napakalaking kahangalan at kabaliwan ang isiping kung mapasasayaw ng isang kandidato sa ruweda ng panlilinlang ang mga botante sa pamamagitan ng mga kampanyang palabas na walang kinalaman sa mga usapin ng kanilang dangal at kinabukasan--at nakamit niya ang pinakamalalaking bilang ng mga boto sa pamamagitan nito--ay may karapatan siyang mamuno sapagkat "inihalal" ng nakararami? Ilan sa mga kandidato sa eleksiyong ito ang nakita nang ganyan mag-isip?
Hindi nadiskuwalipika si Eddie Gil sa halalang ito. Nadiskuwalipika lamang ang pagsasatao ng pinakamasasahol na antas ng ilan sa pinakanakadidiring katangian ng kasalukuyang sistemang elektoral sa ating bansa.
Subalit may bahagi ni Eddie Gil sa karamihan sa mga kumandidato, at sa kasalukuyang sistema kung saan sadyang pinalalayo sa mahahalagang pambansang isyu ang diskursong elektoral upang huwag matutunan ng mga botanteng kuwestiyunin ang pangkalahatang kalagayan ng ating bayan (na pinangingibabawan ng mga kapitalistang dayuhan at ng mga basalyos nilang ilang mayayamang kababayan natin), lagi't laging nariyan ang mga katulad ni Eddie Gil.
No comments:
Post a Comment