SI JASMINE TRIAS AT ANG WORLD-CLASS NA PILIPINO
Madalas kong mapansin ngayon, tuwing maluluwas ako ng Kamaynilaan, ang isang malaking billboard ni Jasmine Trias. Ang naturang billboard ay karugtong ng kanyang patalastas sa telebisyon para sa Smart IDD, kung saan inaawit niya ang "Kailangan Ko'y Ikaw" na naunang pasikatin ng kompositor nitong si Ogie Alcasid at pagkatapos ay ginawan ng bersiyon ni Regine Velasquez.
Isang Pilipinang taga-Estados Unidos, si Trias ay matatandaan nating sumikat sa kanyang pagsali--at pagiging finalist--sa American Idol, isang palatuntunan doon na tumutuklas ng mga bagong bituin at ngayo'y masugid na ginagaya ng mga nangungunang istasyon sa telebisyon sa ating bansa--ang GMA 7 at ang ABS-CBN.
Sa totoo lamang, marami rin naman ang maaaring ipagkapuri ni Trias.
Kawili-wili siyang pagmasdan. Mayroon siyang magandang mukhang tila hindi nauubusan ng ngiti. Mayroon din siyang hubog na kaaya-aya para sa kanyang gulang na wala pang 20.
Bukod pa'y kawili-wili din namang pakinggan, pagkat sa pagkanta'y may magandang boses, di tulad ng marami sa mga kasinggulang niyang taga-showbiz sa Pilipinas na upang kumita lamang nang karagdagan ay magpapanauhin sa mga variety show at aaginalduhan ng dahilan upang mairita ang tainga ng mga manonood na naghahanap ng katinuan sa munting tabing, na wala na nga halos makitang dahilan upang manood ng telebisyon ay bubuwisitin pang lalo.
Sa pinapagsama-samang katangiang ito ni Trias, masasabing nararapat lamang na siya'y naging finalist sa American Idol: at kung pagiging karapat-dapat lang ang pag-uusapan ay hindi namin maiwasan ang mapamura sa pag-iisip na ang isang Jasmine Trias ay naging finalist lamang gayong nakuha nilang papanalunin ang isang William Hung, na diumano'y kumakanta.
Tama lang na purihin si Trias sa kanyang naabot sa American Idol. Ayos lamang ang ipagbunyi natin ang nagawa niya roon.
Ngunit sa ating pagsasaya tungkol dito, sana'y huwag nating kalimutan ang esensiya ng mga bagay-bagay.
Sa pagiging finalist ni Trias sa American Idol, muling lumantad ang ating tendensiyang mabaluktot ang tunay na halaga ng pagiging world-class.
Ilang artikulo ang naglabasan sa mga pahayagan tungkol kay Trias? Ilang ulit siyang ginawan ng mga segment sa mga programang pambalitaan sa telebisyon?
Sa mga naglabasang artikulo't dokumentaryo tungkol kay Trias, isang tema ang nangibabaw: isa na namang Pilipino ang lumitaw na maaaring ipagmalaki ng kanyang mga kababayan, pagkat lumikha siya ng pangalan sa pandaigdigang larangan--talagang ang Pilipino'y magaling, world-class!
Ito'y nagpagunita sa amin ng kung paano inilarawan sa mga pahayagan sa Pilipinas at tinanggap ng madla ang pagiging Miss Saigon ni Lea Salonga sa mahabang panahon.
Bagama't mahirap papaghambingin pagkat magkaibang landasin sa musika ang tinugpa, sina Salonga't Trias ay parehong Pilipinong sumikat sa larangang ibang bansa ang nagtakda ng mga hangganan. Ang pagkakakuha ni Salonga sa papel ni Miss Saigon at ang pagiging finalist ni Trias sa American Idol ay parehong bunga ng kanilang tagumpay sa pag-angkop sa banyagang panlasa.
Sa kanilang mga tagumpay ay hindi ang pagka-Pilipino ng Pilipino ang naitampok. Ngunit sila pa ri'y ating ipinamamarali bilang mga halimbawa ng Pilipinong world-class.
Ito'y tanda ng kolonyal na kamalayang hinubog sa matagal na panahon ng ating mga mananakop--sa pamamagitan ng paglalako ng kalisyahan sa edukasyon, likhang-sining, at pabatiran--upang tanggapin ng mga mamamayan ang katarantaduhang pagyurak nila sa ating kalayaan nang dahil sa kanilang hangaring magpayaman nang magpayaman.
Ano ang Pilipinong world-class? Siya ang Pilipinong mapababantog sa ibang bansa sa kabila ng katingkaran ng pagka-Pilipino sa kanyang katauhan at mga gawa. Siya ang Pilipinong magtutulak sa buong daigdig upang bigyan ng masusing pagtingin ang hitsura ng Pilipinas.
Hindi tayo salat sa mga ganyang Pilipino. Nariyan ang mga Carlos Bulosan, Jess Santiago, at Heber Bartolome--na ang mga akda at kanta'y naisalin na sa iba't ibang wika kahit na ang mga ito'y pangunahing nakatuon sa partikularidad ng Pilipinas. Matagumpay nilang naiugnay sa kanilang sining ang kalagayan ng Pilipinas sa pandaigdigang paghahangad ng kalayaan at katarungan, kaya't may nasaling sila maging sa mga mambabasa't tagapakinig na hindi Pilipino.
Sila'y katulad ng makatang si Pablo Neruda at maninitik/musikerong si Victor Jara ng Chile. Halos ay pulos na Chile ang mababasa't maririnig sa kanila, ngunit sila'y pinahahalagahan ng buong mundo pagkat nagawa nilang ilarawan ang Chile sa konteksto ng mga unibersal na pangarap.
Hindi masama ang purihin natin ang mga Jasmine Trias at Lea Salonga. Ngunit iba pa ang pagiging world-class.
No comments:
Post a Comment