Thursday, September 16, 2004

ANG DIYALEKTIKANG HINDI NAMAN DIYALEKTIKA NG ANYO AT NILALAMAN SA PANULAAN

Totoong isang maapoy na pagtatalo ang pinasiklab ng artikulong "Espasol vs. Nilupak" ni Gelacio Guillermo, na kanyang sinulat bilang sagot sa isang sanaysay ni Dr. Virgilio Almario--Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan sa taong 2003.

Sa sanaysay ni Almario, tinuligsa niya ang mga makatang pumapaksa sa mga usaping panlipunan sa kanilang mga akda, at ang sabi niya'y bagahe ang pulitika sa pagtula: nakasisira raw ito sa kalidad ng tula. Nagbanggit pa siya ng ilang halimbawa, kabilang ang tig-isang akda ng mga makabayan at makalipunang makatang sina Jess Santiago at Jose Lacaba. Tinukoy niya ang ayon sa kanya'y mga kahinaan ng mga tulang ito, ngunit hindi naman niya mapatunayang ang mga ito'y bunga ng pampulitikang mensaheng taglay ng mga tula.

Ito'y nagpapagunita sa amin ng isang narinig naming kuwento, kung saan sa isang inuman ay sinabi raw ni Almario na kanyang "pinagdududahan" ang pagkamakata ni Amado V. Hernandez--isang labis na hinahangaang makabayan at makalipunang makata.

Sa "Espasol vs. Nilupak," ikinatwiran ni Guillermo na ang pulitika ay hinding-hindi bagahe sa pagtula--na siya namang tama. Sapagkat ano nga ba ang tula?

Namnamin natin ang depinisyon ni Dr. Austin App, isang propesor ng Ingles, Wika, at Panitikan sa Estados Unidos noong ika-20 dantaon: "Ang tula ay lubhang maguniguning wikang mayaman sa mga kasangkapang artistiko na ang natatanging salik ay ang pataludtod na pagkakasulat. Ang taludturan ay metrikong wikang kung literal ay nananatiling taludturan lamang, subalit kung lubhang maguniguni ay tula."

Pakinggan naman natin ang pilosopong Pranses na si Voltaire: "Isang kanais-nais na katangian ng tula na kaunting tao ang kakaila; iyo'y lalong maraming sinasabi at sa lalong kaunting salita lamang kaysa sa tuluyan."

Narito naman ang isa mismong makata, si Samuel Taylor Coleridge: "Tuluyan--mga salita sa kanilang pinakamabubuting kaayusan; tula--pinakamabubuting salita sa kanilang pinakamabubuting kaayusan."

Sa tatlong pagpapakahulugan sa tula na nasipi, wala kaming makitang isa mang nagsasabing ang makata'y bawal na makisangkot sa pulitika. Dito'y kitang-kitang walang batayan--at sa katunaya'y isang insulto sa talino--ang sinabi ni Almario na ang pulitika ay bagahe sa pagtula.

Ang tula ay bahagi ng panitikan, kaya't ang pagtatalo tungkol sa panlipunang pakikisangkot ng mga makata ay sakop ng kabuuang debate tungkol sa panlipunang pakikisangkot ng mga manunulat.

Matanda na ang pagtatalo sa pagitan ng mga manunulat tungkol sa paksa ng kung dapat nga bang masangkot sa lipunan ang panitikan. Ang isang panig ay nagsasabing walang tungkulin ang manunulat kundi lumikha ng "mabubuting" akda, habang ang kabilang panig ay nagtuturan namang tungkulin ng manunulat ang sumulat tungkol sa mga karanasan ng kanyang bayan at ng sangkatauhan, kabilang--at lalung-lalo na--ang mga karaniwang mamamayan ng bansa at daigdig (na ang mga kasaysayan ay bihirang-bihirang masulat).

Sa Pilipinas, nagsimula ang gayong pagtatalo noong dekada 1930: ang kumatawan sa unang panig ay si Jose Garcia Villa, samantalang ang sa ikalawa nama'y si Dr. Salvador Lopez. Ayon sa manunulat na si Abet Umil, ang debate'y nagwakas noong 1940 nang sabihin ni Lopez ang ganito:

"Sa kadulu-duluhan, ang mahalaga sa manunulat, ipagpalagay nang kinikilala niya ang halaga ng panlipunang kalamnan sa panitikan, ay ang katiyakang ang kanyang pagsusulat ay magbubunga ng anumang maituturing niyang mabuti at may katuturan. Pagkat siya'y tiyak na may karapatang umasang kapag natugunan niya ang kahingian ng lipunan sa kanyang talino't kakayahan ay may mga partikular na nasusukat na kapakinabangang dadaloy mula sa kanyang akda na tangi pa sa lubos na suhetibong kasiyahang karapatan niya bilang alagad ng sining at likas na kakambal ng malikhaing pagpapahayag."

Totoo naman ang sinabi ni Lopez na tungkulin ng manunulat ang makisangkot sa lipunan. Lahat ay bahagi ng lipunan kaya't lahat ay nakaaapekto sa lipunan. Lalo na ang mga manunulat, na may matinding kakayahang impluwensiyahan ang pag-iisip ng mga mamamayan.

Kung ang isang manunulat ay susulat sa dahilang walang iba kundi upang magsulat lamang, walang ipag-iiba ang mundo sumulat man siya o hindi. Para na rin siyang hindi sumulat kung gayon, at mabuti pang hindi na lang siya sumulat upang ang papel na kanyang gagamitin ay maipanggatong man lamang ng mga namamatay na sa ginaw ng gabi ay wala man lamang pambili ng kahit manipis na kumot.

Ipinagpapalagay ng ilang mag-aaral ng panitikan na ang pagtatalong ito, na gusto pang ulitin ng ilang matandang manunulat sa panig na dati'y kinatawan ni Villa, ay diyalektika ng anyo at nilalaman.

Si Guillermo, na isang nangungunang alagad ng makabayan at makalipunang panitikan, ay walang anumang sinabing basta't may matinong mensaheng pampulitika ay ayos na ang isang akda kahit na pangit ang porma. Ang sinasabi niya'y walang silbi ang isang akdang pampanitikan, gaano man kaganda ang pagkakasulat, kung wala itong itutugon sa mga kaapihan ng masa sa isang lipunang nakahubog upang makalamon ng kayamanan ang iilang makapangyarihang bansa sa hindi nila lupa, upang payamanin nang payamanin ang iilang mayayaman mamatay man sa gutom ang nakararami.

Ganito ang sinabi ni Jose Maria Sison sa UP Writers Club nang siya'y mahingan ng naturang organisasyon ng isang mensahe ng pakikiisa noong siya'y nakapiit pa sa Fort Bonifacio: "Ngunit iba ang yumakap sa wasto at progresibong intelektuwal at pampulitikang pagtingin. Iba pa ang lumikha ng mahuhusay na pampanitikang akda."

Ibig sabihin, hindi dahil tama ang pilosopiya't pulitika ng isang akdang pampanitikan ay agad nang masasabing maganda ito. Sayang naman ang isang napakagandang mensahe kung hindi ito gaanong tatagos sa sinasabihan sapagkat pangit ang pagkakasabi.

Hindi kalaban nina Guillermo at Sison ang porma sa panitikan. Ang kanilang mahigpit na kinukundena ay isang uring panitikang wala nang inintindi kundi ang anyo, kasakdalang lunurin nito sa kahangalan ang mambabasa.

Ang banggaan ng mga kampong "panitikan para sa sarili nito" at panitikang makabayan at makalipunan ay sumasalamin sa pangkalahatang pagtatalo ng mga kampong "sining para sa sining" at "sining para sa tao."

Ang banggaang ito, paulit-ulit na isinasatsat ng mga alagad ng "sining para sa sining," ay banggaan ng estetika at nilalaman, ng makasining at makalipunan. Isang ganap na kabuhungan, sapagkat ang anyo--tulad ng nilalaman--ay esensiyal na bahagi ng sining.

Ano ang sining? Sa Ingles ay sinasabi ng Webster's New World Dictionary tungkol sa sining ang ganito: "Malikhaing paggawa o ang mga simulain nito; paglikha o paggawa ng mga bagay na nagpapamalas ng anyo, kagandahan, at pambihirang pananaw: kabilang sa sining ang pagpipinta, iskultura, arkitektura, musika, panitikan, dulaan, sayaw, atbp."

Walang sinasabi ang mga alagad ng "sining para sa tao" na ang sining ay dapat na tumiwalag sa pagiging sining: ang sinasabi nila'y dapat na tumingin ang alagad ng sining sa kalagayan ng lipunan at sangkatauhan. Hindi ito kataliwas ng anyo at kagandahan; sakop ito ng paglalahad ng tinatawag na "pambihirang pananaw."

Ngunit patuloy ngang inilalarawan ng mga alagad ng "sining para sa sining" ang pagtatalo nila ng kampo ng "sining para sa tao" bilang banggaan ng anyo at nilalaman, ng estetika at mensahe, ng makasining at makalipunan--upang ang huli'y palitawing kalaban ng sining--na ang ibig sabihi'y mga huwad na artista ang mga nasa kampong ito. Sa kadulu-duluhan, ang talagang pakay ng mga alagad ng "sining para sa sining" sa ganitong paglalarawan sa nasabing debate ay palitawing sila lamang ang tagapamandila ng sining--pailalim na pagsasabi sa madlang: "Huwag n'yo nang pansinin 'yang mga nasa kabila, mga wala namang alam 'yan, e."

Ito'y sapagkat kundi man sila tahasang alaga o kadikit ng mga sektor sa lipunan na nakikinabang sa pananatili ng kaayusan--na sa kadulu-duluha'y tinutulungan ng mapagtakas na diwa ng "sining para sa sining"--ay wala naman silang sapat na kakayahang tugunan ang malalalim na kahingian ng paglikha ng "sining para sa tao."

Sa dakong huli, nananatiling tumpak ang mensahe ni Jess Santiago sa mga makata mula pa noong 1976:

Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako'y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya'y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako'y nagugutom
at ang bituka'y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.

5 comments:

Dennis Andrew S Aguinaldo said...

gagamitin ng isang makatang pasista ang lahat ng kanyang makakaya upang mapurga ang lason sa kanyang mga salita. ang unang paraan? sabihing walang lason. hindi ganuong kadali iyon. may mga taong hindi "pambansa" pero alagad ng gunita.

bonikz_iit said...

grabe talaga real nga talagang writing is n act para maipamulat ang mga tao kung ano na ang nangyayari sa aing bayan noon, ngayon, at sa posibleng mangyari sa hinaharap.

bonikz_iit said...

guys...im nikka at ako po ay isang studyant sa msu-iit, a.b. Filipino...ang tesis ko ay tungkol sa tribong Mamanwa...if enterested kayo just send me an e.mail and if you can help me...mas mabuti salamat

pearl_iit said...

elow..im ann from msu-iit..pwede hingi ng opinyon ninyo kung ano ang message o buod sa tulang "kung ang tula ay isa lamang" ano yong laman ng tula..plzz..tnx po..

Anonymous said...

Nais ko lang malaman kung ano ang mga nakatagong lihim o kahulugan sa likod ng mga salitang napaploob sa tula ni Jesus SANTIAGO. kung meron ba yaong "konseptong wala at meron" Ano bang lipunan ang kinalakihan nitong makata? Paano noti nasasabing kung ang tula ay isa lamang?