Sunday, October 24, 2004

TUNGKULIN NG MANUNULAT SA LIPUNANG PILIPINO

Lahat ng tao'y bahagi ng lipunan. Kaya naman balanang gawin ng isang tao, mula sa pagkaliliit na bagay hanggang sa lalong malalaking kagagawan, ay makaaapekto at makaaapekto sa lipunan sa kadulu-duluhan.

Ang gawin mo sa isang kapwa tao'y lilitaw sa mga susunod niyang gagawin sa mga kapwa tao rin, batay sa kung ano ang magiging epekto nito sa kanya. Ang sabihin mo sa ibang tao, kung kikiliti sa kanyang utak, ay ipamamahagi niya sa lahat ng kamag-anak at kakilalang makakaya niyang paabutan nito.

Lalong nagiging matalim ang katotohanan ng mga ito kung ang pag-uusapan nati'y ang mga manunulat. Dahil sa kapangyarihan nilang tumawag-pansin sa pamamagitan ng pagbubuhul-buhol ng mga salita at sa dami ng taong maaaring maabot ng kanilang mga panulat sa maikling panahon lamang, may malaking pananagutan ang mga manunulat sa kung ano ang ibubunga ng kanyang mga akda sa lipunang kanilang ginagalawan.

Kung sa isang lipunang pinangingibabawan ng kabalighuan ay walang itatatak sa papel ang manunulat liban sa mga pagmumuni-muni tungkol sa kung paano kaya niya susunod na sasabihin sa kanyang "nilalangit" ang "Walang katuturan ang buhay ko kung wala ka," dili kaya'y mga grapikong paglalarawan ng kung paano nagkaladyaan ang kapitbahay niyang mag-asawang binosohan niya isang gabing wala siyang maisipang gawing matino, mananatili ang pangingibabaw ng kabalighuan sumulat man siya o hindi.

Sa ganito'y para na rin siyang hindi sumulat, at mabuti pa kung hindi na lamang siya sumulat. Iniwan na lamang sana niyang blangko ang papel at ibinagsak sa lansangan, at baka sakaling mapulot ng isang batang ayaw nang pumasok sa paaralan dahil wala siyang pambili ng papel na gagamitin sa pagsusulit at hindi rin siya makahingi sa mga kaklaseng nagtitipid naman dahil may kamahalan ang school supplies at maliit ang kita ng kanilang mga magulang.

Tungkulin ng manunulat ang maliwanag na magsulat tungkol sa lipunan upang udyukan ang mambabasang kumilos tungo sa ikaaayos nito. Bagama't maaari namang sumulat ang manunulat tungkol sa wagas na pag-ibig sa isang kasintahan o sa tapat na samahan ng magkakapamilya o magkakaibigan o sa pag-aalinlangan ng isang tao sa kanyang sarili--pagkat ang mga ito'y nangyayari sa buhay ng tao at ang panitika'y tungkol sa buhay ng tao--hindi dapat na tungkol lamang sa mga ito ang kanyang isusulat: dapat siyang mag-ukol ng malaking bahagi ng kanyang panulat sa mga paksang panlipunan.

Sa ating kasaysayan, makahahanap tayo ng mahaba-habang listahan ng mga manunulat na nakatugon--sa iba't ibang antas--sa kahingiang iyan.

Ang mga sinulat nina Marcelo del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Jose Rizal ay nagbigay ng direksiyon sa naging kampanya ukol sa mga repormang pampulitika noong panahon ng pananakop ng Espanya. Nang biguin ng Espanya ang kampanyang repormista, ang mga akda nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ay nakapag-ambag sa pagpaparami ng kasapi at kaalyado ng rebolusyonaryong Katipunan.

Sa panahon ng mga mananakop na Amerikano, ang mga akda nina Apolinario Mabini, Isabelo delos Reyes, Antonio Luna, Aurelio Tolentino, Juan Matapang Cruz, Juan Abad, Severino Reyes, Iñigo Ed. Regalado, Faustino Aguilar, Ismael Amado, Cecilio Apostol, Jose Corazon de Jesus, Salvador Lopez, Manuel Arguilla, Arturo Rotor, at Carlos Bulosan ay naging inspirasyon ng mga mamamayang nagsulong ng pakikitalad sa kabataan pa noong imperyalismo ng Estados Unidos. Sa panahon naman ng pananakop ng Hapon, ang mga Lorenzo Tañada, Rafael Roces, at Hernando Abaya ng pahayagang lihim na Free Philippines ay magbibigay ng inspirasyon at mahalagang impormasyon sa mga gerilya.

Sa pagtatapos naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga tulad nina Teodoro Agoncillo, Jose Lansang, at Indalecio Soliongco ay mag-aambag sa pagsulong ng makabansang krusada ni Claro Mayo Recto, na sa mga susunod na dekada ay pamumunuan naman nina Lorenzo Tañada at Jose W. Diokno. Si Recto mismo'y magbibigay ng mga sanaysay sa mga pahayagan bilang bahagi ng kanyang makabansang krusada.

Sa mga susunod na dekada, ang mga Alberto Florentino, Antonio Zumel, Satur Ocampo, Jose Maria Sison, Elmer Ordoñez, Bobbie Malay, Rolando Tinio, Ave Perez Jacob, Rogelio Ordoñez, Rogelio Sicat, Dominador Mirasol, Edgardo Reyes, Domingo Landicho, Levy Balgos de la Cruz, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes, Ricardo Lee, Jose at Eman Lacaba, Ninotchka Rosca, Luis Teodoro, Wilfredo Virtusio, Bien Lumbera, E. San Juan, Jr., Jess at Lilia Santiago, Heber Bartolome, Joey Ayala, Lamberto Antonio, Edgar Maranan, Rogelio Mangahas, Teo Antonio, Maria Lorena Barros, Liliosa Hilao, Ditto Sarmiento, Roland Simbulan, Romulo Sandoval, Gelacio Guillermo, at iba pang katulad ay maghuhubog ng makalipunang kamalayang hahantong at magpapatatag sa mahabang pakikibakang nagpabagsak sa pasistang rehimen ni Ferdinand Marcos at magiging inspirasyon ng patuloy na pagsisikap ng iba't ibang sektor ng sambayanan tungo sa pagtatatag ng isang matwid na lipunan.

Tatlong manunulat ng pakikisangkot ang matatangi sa mahabang panahong sinaklaw ng kanilang mga panulat: sina Amado Hernandez, Renato Constantino, at Armando Malay. Sila’y pawang nabuhay sa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano at Hapones. Lahat sila'y tumulong sa makabansang krusada ni Recto. Inabot ni Hernandez ang mga unang pagbabanta ng batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos, ngunit yumao siya noong Marso 1970. Sina Constantino at Malay ay pawang makaaabot sa dekada 1990. Si Constantino'y pumanaw noong 1999, habang si Malay nama'y noong 2003.

Sa pagtahak nila sa landas ng pakikisangkot, ang mga manunulat na nabanggit ay nakapag-ambag sa mga kampanya alang-alang sa kalayaan at demokrasya.

Anu-ano naman ang mga katotohanang dapat na paksain ngayon ng Pilipinong manunulat hinggil sa lipunang kanyang ginagalawan? Tumpak pa rin ang tinuran ni Jose W. Diokno sa isang talumpati noong 1983 na ang mga suliranin ng kapanahunan ni Rizal ay sila pa ring mga suliranin sa kasalukuyan, bagama't may mga pagbabago sa anyo ng mga ito.

Kung noong kapanahunan ni Rizal ay tahasang sakop ng mga Kastila ang Pilipinas, ngayon naman ay nadarama natin ang nagkukubling paghahari ng Estados Unidos sa ating bayan. Masasabing kamay pa rin ni Tiyo Samuel ang nagpapatakbo sa ating bayan bagama't hindi na bawal ang pagwawagayway ng pambansang kulay at ang pag-awit ng antemang pambansa.

Ang ekonomiya natin ay dominado ng mga transnasyunal na korporasyon ng Estados Unidos. Dahil sa lubhang lamang ng mga ito sa larangan ng kapital at teknolohiya, nalalamon nito ang mga katutubong empresang nagtatangkang bumuo ng mga pambansang industriya. Lagi na tuloy tayong napipilitang umasa sa pag-aangkat na mga produkto, bagay na sumisipsip nang sumisipsip sa ating pambansang kapital. Dahil dito, nananatili tayong isang atrasadong ekonomiyang lagi't laging nangangailangang mangutang.

Upang mapangalagaan ang ganitong malaking pang-ekonomiyang interes, iniimpluwensiyahan ng Estados Unidos ang ating pulitika at kultura sa iba’t ibang kaparaanan, tulad ng mga "kasunduan" at "palitan."

Laganap din sa ating bansa ang kawalan ng katarungang panlipunan. Ang mga manggagawa at magsasakang silang nakararami sa ating lipunan ay hindi nakikinabang sa mga bunga ng kanilang mga pagsisikap dahil sa kaliitan ng sahod, kawalan ng mga karampatang benepisyo, at pangangamkam ng lupa. Hindi tuloy nila nakakamit ang lahat ng pangangailangan upang makapamuhay sila nang maayos.

Talamak ang diskriminasyong pangkasarian, pangkultura, at panrelihiyon. Ang mga biktima ng mga ito ay ang kababaihan, ang mga hindi Katoliko (lalo na ang mga Muslim), at yaong tinatawag na mga katutubong mamamayan tulad ng mga Badjao, Ilongot, Igorot, at Dumagat—mga tribong nakapagpapanatili ng kanilang katutubong kultura.

Ang ating pamahalaan ay tiwali at mapanlabag sa karapatang pantao.

Ito ang mga katotohanang dapat na ilarawan nang maliwanag ng Pilipinong manunulat. Kailangan niyang isiwalat ang mga katotohanang ito, upang ang sambayanang Pilipino'y mahikayat na patuloy na kumilos tungo sa ikapagtatatag ng isang ganap na malaya at tunay na makatarungang lipunan.

No comments: