Tuesday, November 09, 2004

AKO AY PILIPINO (?)

Sa isa sa kanyang pinakabagong mga kolum sa diyaryong Pinoy Gazette, na kanya ring inilabas bilang isang blog entry sa kanyang website, ang kaibigan namin at kapwa manunulat na si Ederic Eder ay nagbato ng isang magandang tanong na sukat pag-isipan ng bawat Pilipino: "Awtomatikong Pilipino ka na ba kung ikaw ay may ninunong Pinoy at kumakain ng adobo o marunong (kumanta) ng 'Ako ay Pilipino'?"

Ang tanong ay kanyang ipinupukol sa konteksto ng lubhang malaking media blitz na natanggap ng pagdating sa Pilipinas ng American Idol finalist na si Jasmine Trias. Sa press conference kasing isinagawa nang dumating sa bansa ang laking-Hawaii na instant celebrity, sinabi nitong siya'y isang Pilipino sa kaibuturan ng kanyang puso kahit na siya'y lumaki sa ibang bansa, at bilang isa sa mga pagpapatunay nito ay ibinahagi niyang alam niya ang kantang "Ako ay Pilipino."

Napanood namin sa telebisyon ang eksenang iyon habang sakay kami ng isang bus pauwi mula sa trabaho. Agad naming naalaala ang sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel, Jr. tungkol sa kantang ginamit ni Trias upang patunayan ang kanyang pagka-Pilipino.

Sa isang higit na maagang bahagi ng taong ito, si Pimentel ay binatikos ng isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer nang sa isang okasyon ay hindi niya nagawang sabayan nang maayos ang mga kasama niya sa pagkanta ng "Ako ay Pilipino." Isang liham sa patnugot ang isinagot ni Pimentel sa artikulong iyon; sinabi niyang ang naturang kanta'y kanyang iniwasan "na tulad ng isang salot" noong panahon ng batas militar (1972-86).

Yaong may mahahabang alaala sa kasaysayan ay kaagad na makagugunita sa sinabing ito ni Pimentel sa pangyayaring ang "Ako ay Pilipino" ay bahagi ng kultural na aparato ng diktadurang Marcos. Ito'y nilikha ng maninitik-kompositor na si George Canseco sa bisa ng isang kumisyon mula sa dating Unang Ginang Imelda Marcos. Isa sa mga linya ng kantang ito ay "Isang bansa, isang diwa"--islogan ng pasistang rehimen.

Nababanggit namin ang lahat ng detalyeng ito sapagkat pawang mahalaga sa pagsusuri kung tunay nga bang nagtatanim ng maka-Pilipinong diwa ang kantang "Ako ay Pilipino" sa mga tagapakinig.

Narito ang mga linya ng "Ako ay Pilipino" bago ang koro:

Ako ay Pilipino
Ang dugo'y maharlika
Likas sa aking puso
Adhikaing kayganda

Sa Pilipinas na aking bayan
Lantay na Perlas ng Silanganan
Wari'y natipon ang kayamanan
ng Maykapal

Bigay sa 'king talino
Sa mabuti lang laan
Sa aki'y katutubo
Ang maging mapagmahal

Kung ang mga linyang ito at ang mga linyang ito lamang ang titingnan, kaagad nating pakakahuluganan ang kanta bilang isang pagmamalaki sa pagiging Pilipino ng Pilipino.

Pumunta na tayo sa koro:

Ako ay Pilipino
Ako ay Pilipino
Isang bansa, isang diwa
Ang minimithi ko

Sa bayan ko't bandila
Laan, buhay ko't diwa
Ako ay Pilipino
Pilipinong totoo

Ako ay Pilipino
Ako ay Pilipino
Taas-noo kahit kanino
Ang Pilipino ay ako

Sa unang taludtod sa koro, ang masasagap ay waring isang hangad na magkaisa ang bansa. Doon naman sa sumunod na taludtod ay tila inihahayag ang isang kahandaang mag-alay ng talino at maging ng buhay alang-alang sa bansa at sa bandilang kinakatawan nito.

Lahat nito'y magdadala sa atin sa ilang tanong: Makabayan nga ba ang rehimeng Marcos? Pagkamakabayan ba ang nagbunsod ng pagkakadeklara ng batas militar? Kung gayo'y bakit kayraming makabayan tulad nina Lorenzo TaƱada at Jose W. Diokno ang nabilanggo sa panahon ng pag-iral nito?

Balikan natin sandali kung ano ang nagsilang sa batas militar ni Marcos.

Ang sinundan ni Marcos sa pagkapangulo ng Pilipinas ay si Diosdado Macapagal, ama ng kasalukuyang pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Kilala si Macapagal sa pagpapatupad ng patakarang decontrol sa ekonomiya: pinababa niya ang mga taripa sa mga angkat na produkto, at hinayaan niya ang walang-sagkang repatriyasyon ng mga tubo ng mga korporasyong multinasyunal.

Ang mga empresa natin, kung saan lamang ang mga multinasyunal pagdating sa dami ng kapital at taas ng teknolohiya, ay natalo sa kumpetisyong idinulot nito, at bumilis ang pagkalagas ng kapital ng bansa. Ayon sa istoryador-ekonomistang si Ricco Alejandro M. Santos, humantong ito sa pagkakapinid ng 10,000 empresa at malawakang pagkawala ng mga trabaho.

Ang mga kalagayang nilikha ng panguluhan ni Macapagal ay nagluwal din ng isang malawakang makabayang kilusang protesta.

Papalakas ang kilusang ito nang maging pangulo si Marcos noong 1965, at nang muli siyang mahalal noong 1969 ay sumuot na ang adyenda nito maging sa mga bulwagan ng kairalan.

Nang taong nabanggit, ang Kongreso, dama ang matinding pagtutulak ng mga makabayang sektor, ay nagpasa ng isang Magna Carta na nagsusulong ng makabansang industriyalisasyon laban sa mga dikta ng Kambal ng Bretton Woods (International Monetary Fund at World Bank o IMF-WB). Noong 1971-72, malakas ang dating ng mga makabayang puwersa sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Noong 1972, ipinawalang-bisa ng Kataas-taasang Hukuman ang lahat ng pagkakapagbili ng lupang Pilipino sa mga dayuhang korporasyon matapos ang 1945 (kasong Quasha), at pati ang mga pagtataas ng presyo ng langis ng mga dayuhang kumpanyang nagbebenta nito.

Ang kauna-unahang hakbang ni Marcos matapos ang pagpapatupad ng PD 1081 ay ang pagbabaligtad sa kasong Quasha. Mismong isang ulat ng Kongreso ng Estados Unidos ang nagsabing noong panahon ng batas militar ay nag-ibayo ang mga pribilehiyo ng mga banyagang korporasyon sa Pilipinas.

Sa panahon ng batas militar, maraming dinakip at ibinilanggong lider at kasapi ng mga kilusang nagsusulong ng soberanya at katarungang panlipunan. Ang batas militar ay tugon ng gobyernong Marcos sa palakas nang palakas na panawagan para sa batayang pagbabago ng lipunan.

Ngunit sa isang antas ay alam nina Marcos na sa lakas ng kilusang protesta ay hindi nila ito magagapi sa pamamagitan lamang ng dahas, kaya't gumamit din sila ng propaganda. Ito ang malambot na aspeto ng diktadura.

Pangunahin sa mga hakbang tungo rito ang "pagpaparangal" sa aktibistang manunulat na si Amado V. Hernandez (yumao noong 1970) bilang Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan noong 1973. Sa pamamagitan nito, nilayon ng diktadurang palitawing tinatangkilik nito ang radikal na diwa sa makabansa at makalipunang mga akda ni Ka Amado.

Ngunit pansining kayraming manunulat na sumunod sa mga yapak ni Ka Amado ang dumanas ng iba't ibang hagupit ng estado noon ding batas militar: Jose Maria Sison, ang magkapatid na Jose at Emmanuel Lacaba, Lorena Barros, Alan Jazmines, Bonifacio Ilagan, Satur Ocampo, Bienvenido Lumbera, Luis Teodoro, Renato Constantino, Armando Malay, at iba pa. Kung buhay si Hernandez nang magkaroon ng batas militar, tiyak na siya'y parurusahan din ng estado.

Sumakabilang-buhay na nga lamang si Hernandez noon kaya't hindi na makapagtanggol laban sa pambabaluktot sa kanyang diwa.

Ang kantang "Ako ay Pilipino" ay isang tusong pagtatangkang ilihis ang direksiyon ng nasyunalismong inabot ni Marcos na lumalaganap. Inilalako ng naturang kanta ang isang nasyunalismong walang pagtutol sa neokolonyal na dominasyon ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nilalayon ng kantang itong tanggalan ng ngipin ang uri ng makabayang diwang kumakalat noon.

Ang "Isang bansa, isang diwa" sa naturang kanta ay siya ngang islogan ng diktadura, at isang panawagan sa "pagkakaisa" ng bansa sa likod ng makadayuhan, makamayaman, at mapanikil na "Bagong Lipunan."

Anti-Pilipino, kung gayon, ang kantang ito. Sinumang nagsasabing siya'y Pilipino dahil alam niyang kantahin ang "Ako ay Pilipino" ay nangangailangan ng masusing pagbabasa sa ating kasaysayan.

1 comment:

Suyin said...

korek ka dyan! ;)