Thursday, December 23, 2004

HALAGA NG PANULAAN NG PAKIKISANGKOT

Isang lubhang di-inaasahang pagkakataon ang aming pagkakatuklas ng isang blog entry na nagtatangkang makipagtalo sa minsa'y sinulat namin hinggil sa kapangyarihan ng tula bilang isang anyong pampanitikan at sa di-maiwasang ibinubunga nitong mabigat na katungkulan ng makata sa lipunan. Kundi pa sa pangyayaring may hinahanap kami sa Internet na akda ng isa sa mga binabasa naming makata ay hindi ko pa matatagpuan ang blog entry na ito.

Oo, magpahanggang ngayong tapos na ang batas militar (lusak daw ng batas militar ang tahasang pagdidiskurso tungkol sa tungkuling panlipunan ng manunulat kahit na ito'y nagsimula pa sa panahon ni Dr. Salvador Lopez, noong dekada 1930) ay dapat igiit na may tungkulin ang manunulat--lalo na ang makata--sa pagbabago ng lipunan. Sapagkat ang mga kalagayang ipinagsanggalang mg batas militar--ang dayuhang kontrol sa ating ekonomiya, ang paghihirap ng napakarami sa gitna ng nakalululang kayamanan ng iilan (dahil sa pagsasamantalang tulad ng dinaranas ng mga manggagawa't sakada ng Hacienda Luisita)--ay narito pa rin. Sino ang pangahas na magsasabing nagbago na ang panahon?

Bilang unang sagot sa aming sinulat, sinabi ng blogger na ito--na kapuri-puri't umaamin namang siya'y hindi kritiko ng panulaan--na ang mga pananalita ni Mao Tse Tung sa Yenan Forum ay "laan sa lumang Tsina, hindi sa Tsinang lumalalang ng mga piniratang DVD, mga dekadenteng librong inililimbag nang lihim, mga drogang pangmayaman, at mga rave party."

Sa aming piyesang pinatutungkulan ay ni hindi namin nabanggit ni kapiraso ang Yenan Forum. Si Mao Tse Tung, oo, ngunit ang Yenan Forum?

Kaya naman higit na madali sa aming palagay ang tuusin ang layo sa pagitan ng A at B kaysa huluin kung paano napasok ang Yenan Forum sa usapan.

Sinasabi pa sa blog entry na aming tinutukoy na hindi raw dapat ang ginawa naming pagsasabing lahat ng marunong bumasa'y nagkakaisang ang tula'y siyang pinakamakapangyarihang anyong pampanitikan, liban na lamang daw kung itinuturing naming tula ang "Di ko kayang tanggapin/Na mawawala ka na sa akin" ni April Boy Regino, na talaga namang hindi namin itinuturing na tula--na kanya namang kinilala at dito siya tumama.

Nasa ganitong linya ng pangangatwiran ang pagpapalagay na higit pang pinipili ng masa ang mga kantang tulad ng kay April Boy Regino kaysa sa mga tula. Ngunit sabihin nga ninyo sa amin, ilan sa mga tagapakinig ni April Boy Regino ang may pagkakataong makabasa ng tula, sa bansang ito kung saan kakaunti ang mga pampublikong aklatan at kakaunti ang mga paaralang may mahuhusay na aklatan (at ilan nga ba ang nakapag-aaral sa dinami-rami ng tao sa Pilipinas?) at kaymamahal ng karamihan sa matitinong aklat sapagkat mahal na nga ang papel ay binubuwisan pa nang mataas ang publikasyon?

Bilang isang hindi lamang manunulat ng tula kundi mambibigkas din nito, magyayabang na kami at magsasabing walang maaaring makipagtalo sa amin hinggil sa kapangyarihan ng tula--lalo na ang mga hindi kailanman nakasubok na bumigkas ng tula sa harap ng publiko dahil kaagad nang nag-akalang walang makikinig sa kanila dahil higit na gugustuhin ng madlang marinig ang mga kabalbalang tulad ng: "Kailangan pa bang i-memorize 'yan?"

Sa gulang naming 27 ay marami-rami na ang aming karanasan sa pampublikong pagbigkas ng tula. Nakabigkas na kami ng tula maging sa mga lunan kung saan tiyak naming ang karamihan sa mga tagapakinig ay hindi aktibista (nababanggit namin ito dahil tinukoy ang aming pagkakasangkot sa kilusang protesta, at baka sabihin sa aming natural na maiintindihan kami ng mga nakakasalamuha namin sa kilusang ito). Nakikita namin ang kapangyarihan ng tula sa nagiging tugon ng madla sa aming mga pagbigkas--at binibigkas.

Bukod pa'y bakit higit nating madaling matandaan nang eksakto ang maiinam na linya sa mga tulang nababasa natin kaysa sa mga eksena sa mga kuwento o dula o nobela?

Nabanggit na rin lamang ang mga kanta ni April Boy Regino ay lubus-lubusin na natin. Sa tinukoy naming argumento laban sa pagsasabi naming pinakamakapangyarihang anyong pampanitikan ang tula ay may kubling panduduro sa mga karaniwang tao, na silang pangunahing inaabot ng panitikang makabayan at makalipunan sapagkat sila naman talaga ang may mapagpasyang papel sa kasaysayan dahil sa kanilang bilang: may natatagong pagpapalagay na walang alam ang masa liban sa maakit sa mga katarantaduhang "kanta" at iba pang kaungasan ng kulturang popular.

Baka magulat kayo kapag ipinakilala ko sa inyo ang sandamukal na nakikilala kong nagmula sa itinuturing na pinakamahuhusay na pamantasan sa Pilipinas, na mga tagahanga ng mga "kantang" pinaggagagawa ni Lito Camo para sa Sex Bomb at Viva Hot Babes ngunit hindi maunawaan ang mga tulad ng "Kung ang Tula ay Isa Lamang" ni Jess Santiago (sapagkat hindi naman nagsanay na magbasa ng ganitong mga sulatin kahit na ang mga ito'y abot-kamay lamang nila sa mga aklatan ng kanilang kasindak-sindak na mga pamantasan).

Hindi monopolyo ng mga kapos sa pormal na pinag-aralan ang kamangmangan, at mapatatawad ang "kamangmangan" ng mga tulad nila dahil sila'y kapos sa pagkakataon. Ngunit kapag inihatid sa masa ang makabuluhang sining ay kaya nilang unawain at pahalagahan ito, na pinatunayan ng pagdagsa ng mga karaniwang taong-kalye sa Kulturang Kalye noong Pebrero 2003, kung saan kasama sa mga nagtanghal at matinding pinalakpakan ng mga manonood sina Jess Santiago, Heber Bartolome, Joey Ayala, at Gary Granada.

At sapagkat ang masa'y may kakayahang umunawa sa sandaling dalhin sa kanila ang panitikan--lalo na ang tula--na nananawagan ng pagbabago sa kalagayan ng bansa't lipunan, may katungkulan ang lahat ng manunulat, lalo na ang mga makata, na tumalunton sa landas ng pakikisangkot.

No comments: